My Pamili…My Pamili…

Ngayon-ngayon lang uli ako naka-weekend sa bahay namin sa Laguna.  Mas madalas, sina Mama at Papa ang umuuwi dito sa Caloocan (o Quezon City, depende sa tantiya ng post office), mas madalas sa hapon, pagkatapos nilang mag-half day sa opisina pag Sabado.  Wala naman akong sinisisi maliban sa pagiging mahal ng gasolina.  Kung piso lang kada litro ang gas, gagawin kong parang kabilang kanto lang ang uwian.  sa totoo lang, ganoon naman din ang ginagawa ko pag may mga surpresang bonus sa atm at feel na feel magmaneho.

Ang Sabadong dumaan ay nakalaan para kay Lola.  Kasama ng mga tita at ilang pinsan, inilibre ni Tita Glo ang pamilya sa may Paseo de Santa Rosa.  May sakit na si Lola, ang Lola ko, kung saan-saang doktor n ikinokonsulta ang paghilab ng tiyan at mga kaugnay na kumplikasyon, umabot na hanggang sa isang alternative medicine practitioner sa Batangas, hanggang sa ngayon ay hindi pa rin malinaw ang tunay na ugat ng karamdaman.  Ang malinaw, gustung-gusto ni Lola ang inihaw na manok sa Racks, kaya naman ang panganay na Tita ang taya sa hapunan.  Gustung-gusto rin ni Lola kapag dumadalaw ako sa Laguna, at madalas hinahanap ang kapatid kong si Yani na mas bihirang makadaan.  “Lagi namang may lakad iyon,” sabi ni Lola habang mabuway na umaakyat sa entrance ng restaurant.

Kung tipo ni Lola ang inihaw, laging benta naman sa mga mas bata ang prito.

Si Papa, dahil sa hindi sigurado kung ang pupuntahan namin ay pwede o bawal sa aso, ay nagpaiwan kasama ang aso  naming si Alejandro.  Si Alejandro ang pang-apat na anak ng tatay ko.  Pinupunasan pa ng basang tuwalya ang asong iyan bago matulog gabi-gabi.  Razon’s ang paborito ng mag-amang ito.

Ang Linggo naman ay para sa mga pamangkin na sina Nimra at Barrick, mga anak ng kuya kong nagtatrabaho sa Saudi.  Nitong araw namang ito’y kasama namin ni Mama si Papa (at si Alejandro), at ang hipag na si Pia, sa aming pagbabalik sa Paseo de Santa Rosa kung ilang minuto lang ang layo sa aming bahay sa Cabuyao.

Si Kuya Nimra ay nagpakaabala sa inflatable playground.

Si Barrick naman ay na-dazzle ng mga laruan ng angry birds.

Pagkatapos ay kainan uli.  Biro ni Mama, malalagyan na naman ang credit card niya ng utang, at lagi na lang utang sa pagkain ang  binabayaran niya.  Utang para maka-enjoy kami ng masaganang hapunan.  Sa kanila ko yata nakuha ang ganoong prinsipyo, ang huwag mangiming magluwal ng kaunting resources para maiparamdam sa mga mahal sa buhay na mahalaga sila.  Kahit na tipong once a week o once a month ay makakain sa labas ang magkakamag-anak, kung sino man ang present sa pagkakataong iyon.  Sa ganoong okasyon, may kulang man o may kung anong kumplikasyon, palaging may dahilan para tumawa at mabusog.  Ambag-ambag para lahat at umuwi na nakangiti.

May nagtanong sa akin ngayon lang, hindi ko raw ba iniisip na magkaroon ng sariling pamilya.  Syempre ang sagot ko’y “oo naman.”  At habang binubuno ko ang sariling mga kaartehan at kumplikasyon para marating ang ideyal na pamilya, siguro’y maaari akong magsimula sa pagbuo ng pakiramdam ng pag-uwi sa sariling tahanan.  Gusto kong makondisyon ang sarili na maging espasyong may pakiramdam ng pag-anyaya, walang panghuhusga, laging may nag-aabang na komportableng higaan at nakabubusog na pagkain (kung anuman ang pinakakomportable’t nakabubusog na kaya ng bulsa sa oras na iyon), pugad na hahayaang lumaki’t lumayo ang mga sinisilungan, palaging may pakiramdam ng ligaya’t pagkapanatag sa bawat engkuwentro ng pagbabalik.

Hindi ko palaging nagagawa, pero lagi’t laging tinatrabaho.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.