Ang nakaraang magdamag yata ang isa sa mga pinakahindi mabait na magdamag para sa mga biyahero’t may mga plano. Ito’y magdamag na tadtad sa mga kuwento ng mali-maling liko, mga di inaasahang detour at road block, ng mga u-turn na espesyal ang pagkamailap. Hindi ito ang pinaka-convenient na araw para sa isang gaya kong mahilig sa mga plano’t siklo.
Sabi ko sa isang kaibigan, madalas, sa mga ginagawa kong plano, lalo na iyong kaakibat ng pagbibigay sana ng mga magandang surpresa, palaging dalawang direksyon ang pwede kong mapuntahan–kapag masuwerte, kapag pumabor ang panahon at pagkakataon, naisasabuhay ang mga munting surpresa sa pinakaperpekto nitong intensyon; kapag inaalat, minsan ay nasosobrahan o nakukulangan. At kahit na para sa mga tagalabas ay walang bakas ng pagpalyang mapapansin, para sa aking masinsin sa paghahanda’y hindi ko mapigilang mapanghinayangan ng loob.
Iniisip kong kung listo lang ako, kung palagi lang akong alerto sa mga signos, baka nagiging mas masinop ako pagdating sa pagsasagawa ng mga plano. Lagi ko namang hinihiling na sana’y palagi akong malakas, sa isip at sa katawan, dahil sa oras ng pagod ay ayun, nakakapagod maging observant sa paligid. Minsan ay kapa-kapa na lang, Kumilos ayon sa kung ano ang nasa harap. Kathain ang plano habang unti-unting iniaalis ng mundo ang tabing sa mga posibleng direksyong maaaring puntahan. Baka kulang lang ako sa tulog at sobra sa kaiisip. Baka walang ibig sabihin ang kaninang kawalan ng gasolina sa Petron na madalas kong daanan. Baka walang kahulugan ang mababa kong score sa basketball game ng Timezone noong sumaglit ako kani-kanina. Baka walang implikasyon na pinili kong maiba ng daan sa paghahatid ng isang kaibigan, umiba sa madalas nang routine at ruta, at walang anu-ano’y ang bidang pauwi na dapat sa may Caloocan ay natatrapik sa gitna ng mga trak, sa tapat ng SM Marikina.
Pero gusto kong isiping may bigat ang aking mga desisyon. Na pinili ko ang aking mga gustong puntahan, sinubukan kong magsagawa ng plano, sa ilang pagkakataon ay sinubukang maiba. Gusto kong isiping anuman ang naging reaksyon ng mundo sa aking mga desisyon, pinahahalagahan nito ang aking tapang na sumubok, na pumili, na manatiling umaandar. Para sa isang umaastang may pera, sa aking may kotse’t kaunting panggasolina, ito na ang road trip movie na matagal nang inaabangan. Isang manlalakbay, sinusuyo at sinusuyod ang bawat guhit, mga linya’t pisi ng pagkakataon. Isang manliligaw ng tamang landas.
Road trip movie, o isang malaking pagsusulit. Test of patience. Test of endurance. A ba o B? All of the above o none of the above? Magwa-wallow ba sa mga bagay na di napagtagumpayan sa isang araw, o magpapasalamat sa mga bagay na nagawa? Arangkada o slow down? Preno-preno, magtatanong ng direksyon? Uuwi na lang, dahil, dahil wala nang sense ang ating mundo?
Mayamaya ay maghahatid ako sa airport. Ihahatid ang kapatid papunta sa kanyang gala time with friends. Hindi ko alam ang daan papunta at pabalik, at sigurado akong si kapatid ay walang pakialam. Lumilipad ang utak ko sa maraming destinasyon maliban sa kung ano ang nakaambang gawain, pero alam kong makikita ko ang sariling nagmamaneho mag-isa mayamaya, humahagilap ng mga bagay na makikilala, mga pananda sa gitna ng sanga-sangang mga di-pamilyar na kalsada.
Interesante para sa akin ang mga ugong ng makinang kumukumpuni ng mga kulubot ng mundo sa gabi, dahil halos siguradong lahat ng lamat at sugat ng magdamag ay makinis na’t patag. At panibagong ingay ng panibagong araw ang maririnig, madalas ay walang malay sa mga gerang naganap. Masyado na akong cryptic. Baka galit lang ako kasi retrograde daw sabi ni Susan Miller. Baka gusto ko lang sabihin ang salitang “cryptic,” o “interesante.” Baka gaya lang ng dati, gusto kong huwag makalimot, gusto kong mahuli ang mga alaala. Baka marami pa akong plano, mga supresa, baka naghahanda lang akong umariba’t maudlot at umarangkada uli, paulit-ulit, walang katapusan.





