When the Cat is Away

Nirequire ko ang isang klase na makinig sa presscon.  Tinalakay sa presscon na ito ang nakaraang dispersal sa mga bahagi ng Occupy Mendiola movement.  At habang palaging may pakiramdam ng pagkapilit ang pagpapa-require ng kahit ano, iniisip kong may mga estudyanteng nakinig at nakaintindi.  Siguro’y ipo-post ko sa susunod ang mga larawan mula sa aktuwal na presscon.

Pagkatapos na pagkatapos umalis ng mga nagsalita, nakasalubong ko sa lobby ang estudyante sa kabilang klase.  Ang simpleng tanguan lang sana’y naging small talk, nabanggit ko ang madalas niyang pagtulog sa klase, hindi naman daw niya sinasadya iyon, pagkatapos ay nahatak niya akong makipetisyon laban sa pag-aabuso sa mga dolphin.  Bago pa ako makapag-isip tungkol sa pagkakaiba-iba ng mga adbokasiya sa UP, naabutan ko ang mga estudyante kong nirequire sa presscon.  Nauna na sila sa pagliligtas sa mga dolphin sa pamamagitan ng pagpepetisyon at pagsusuot ng rubber foam dolphin hats/headdresses.

Naalala ko tuloy ang isang eksena sa Laguna, sa may Nuvali–isang technopark ng Ayala.  Inalisan ng tubig ang fishpond at inilipat sa ibang lugar, at ang dating languyan ng pagkarami-raming isda’y tinakpan ng maraming puting yero.  ang puting yero ang nagsilbing kanvas para sa, muli, adbokasiya para sa mga dolphin.

Tingin ko’y may kabalintunaan sa ganitong gawain, lalo’t ang nasa likuran ng mural ay tuyot na lupa, pagkat nabubuhay tayo sa mundong ang mga dagat at bundok ay naipapatag at naililipat sa ngalan ng pag-unlad at ng happy family weekends.

Paglabas ng building, nakita ko ang isang mamang sorbetero.  Nadaanan ko na siya noong papasok pa lang ako sa eskuwela, nakita na lang uli pagkatapos mag-picture sa may presscon.  Natuwa ako sa pangalan ng kanyang kariton, kapangalan kasi ng dati kong editor para sa isang raket.  Nagpaalam ako kay manong, sabi ko’y kapangalan ng nanay ko ang pangalan ng kariton–MYRNA.  Susan ang pangalan ng nanay ko.

Pagbalik sa opisina, nakipagkuwentuhan ako sa kaibigan kong guro.  Naabala ang aming kuwentuhan noong may dumaang mga pusa sa labas/tapat ng binatana ng aming opisina.  Mabilis ang isa, ni hindi na naabutan ng lente.  Ang isa naman, nakipagtitigan muna saglit, parang nanghuhusga, parang may alam na lihim na makakasira sa buhay ko.  Matapos niya akong husgahan ng kanyang tingin, marahan siyang naglakad palayo, parang sinasabing “mag-picture ka nang mag-picture hanggang sa gusto mo, alam ko ang baho mo.”

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.