Weekends/ Weak Ends

Iniisip ko kung ano ba ang orihinal na plano sa site na ito.  Natatandaan ko, isa itong tulak sa sarili (na mahirap gawin kung literal maliban na lang kung sobrang mahaba ang braso ko) para makapagsulat uli, para sipaging ilatag ang mga naiisip sa anyo ng mga salita.  Pinili kong itatak sa sarili ang tatak na manunulat, naisipan kong kailangang panindigan ito.  Kasabay nito, nagsimula uli akong mahilig sa pagkuha ng mga larawan, parang magandang kombinasyong pagsamahin ang bagong kinahihiligan sa dati nang iniibig.

Anong klaseng mga litrato?  Bilang taong matakaw, madalas pagkain ang nakukunan, light snack moments na nakakahiyang i-post pag may mga trahedyang nagaganap sa mundo.  Minsan, mga larawan ng nabisitang lugar.  Pero sa loob ng lampas sa dalawang taon ng pagpitik-pitik sa aking entry-level dslr, mukhang ang pagkiling ko ay nasa paghuli ng mga tao.

Anong klaseng mga tao?  Sino?  Syempre ang obvious na bahagi ng sagot ay mga taong espesyal sa akin, lagi namang ganoon.  Nariyan ang routine na pag-document ng mga tagumpay sa buhay, mga simpleng tambay moments din, pero may kilig akong nararamdaman kapag sinusuwerte’t pinapayagan ng mga mahal sa buhay o ng pagkakataon na mahuli sila sa mga imahen ng vulnerability.  Moments ng pagpapatawa, lungkot, puyat, lahat ng pagkakataon na kapag sinilip sa larawan, gaano man kalaki ang tendensiya nitong magsinungaling, ay makikita ng sumisilip bilang isang sandali ng pagpapakatotoo.

Ito’y isang proyektong nais kong ipagpatuloy.  Gusto kong matandaan ang ganitong pagkasimple ng intensyon sa paglikha.  Habang binubuno ko ang sariling pressures ng pangangarera sa mundo ng pagsusulat at sining, pinipilit/pipilitin kong lumikha ng mga sandali, humuli ng mga pagkakataon, kumatha nitong mga ilusyon ng katotohanan.  Kasama ng mga taong pinapanalig kong may espesyal na lugar sa aking sarili.

Kaya eto, larawan ng nakaraang dalawang lakad-weekend.  Ilan sa mga larawan nitong hinuling kahinaan, ang mga pinakamalakas na sandali.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.