Gusto kong gumawa ng mahaba’t mabulaklak na kuwento tungkol sa kung bakit ako nahilig tumakbo, pero barado ang ilong at umaakyat yata ang plema hanggang sa utak. Baka gusto ko lang ipagyabang ang nabili kong bagong sapatos na on sale. Matagal ko pa man ding nasabi sa sarili na kapag magpapalit na ako ng sapatos na pantakbo, pipiliin ko yung pinakamatingkad na pula.
Kanina noong iniisip ko kung bakit ako nagsimulang tumakbo-takbo at makisali sa mga nagpapaka-fit, naalala ko ang sabi ng isang dating karelasyon noong nag-uusap kami tungkol sa paghihiwalay. Sabi niya, hindi niya ako gusto sa antas ng pisikal.
Naaalala ko na ang ilang beses ng pag-iikot-ikot sa oval ay umaandar sa pantasya na isang araw ay makakasalubong ko na ang “the one.” Napakarami nang sinadya at di-sinadyang nakasalubong para sa ganoong pantasya’t pag-aakala.
Pag hindi nagpapantasya, tinatrato ko ang pagtakbo bilang panata. Pag nakadalawang rounds, hindi na niya kailangang uminom ng anti-depressants; pag nakaakyat sa heartbreak hill, hindi na siya paiiyaikin si Mama; pag naka-10k, mababayaran na niya ang bill sa Meralco.
Minsan umabot na sa puntong hindi na ako masyadong nag-iisip tungkol sa mga panata at pantasya. Tumatakbo na ako out of habit, nakabuo na ako ng routine. Magaan sa pakiramdam ang makahon sa pagpasok sa trabaho + kaunting tambay + patakbo-takbo mag-isa o kasama ang kaibigan (kaibigang kailangan ay kapantay o mas mababa ang stamina). Kapag nababagot ay pinapalitan ang mga yabag ng pagpadyak sa bisikleta. Mahabang panahon din akong nasanay at napaniwala na wala nang kailangang hanapin pang iba bukod sa naitaguyod na ritwal.
Pagkatapos, isang araw, walang anu-ano, tumatakbo ako para mapagod at hindi maisip na naalala ko ang pakiramdam ng pagiging mag-isa at paghahanap ng katuwang.
Kinakati ang katawan kapag iginugupo ng sakit, o kapag masyadong malikot ang isip, nag-iinit para sa pagtakbo. Paiba-iba ang dahilan, napagbabaligtad ang ideya ng paghabol at pagpapahabol. Pero tuloy pa rin.
Bagong sapatos, lumang istorya.
