Truly, Madly, Deeply (V’s Infinite Playlist)

Dear R:

Ang totoo, hindi ka lang talaga matapat sa mga salita mo.  Tinatrabaho kong matanggap na ito nang walang halong pait o inis, pero oo, talagang iniisip ko na sana’y huwag kang magsasabi ng mga bagay na hindi mo naman kayang panindigan.

Pero pansamantala ko munang isinususpinde ang lahat ng sama ng loob.  Pagkat kanina, pinili kong lumabas ng bahay.  Piniling umikot-ikot sa campus, piniling kumuha ng mga litrato.  At aksidenteng naabutan ang ilang mga kaibigan, alam mo kung gaano kalakas ang atraksyon sa akin ng mga bagay na aksidental, mga bagay na parang hindi naplano pero nangyayari (kahit ako’y isang taong mas madalas pumanig sa mga nakahanda’t sigurado–minsan tayo’y bukal ng napakaraming mga kontradiksyon).  Nagyaya silang kumain, at pagkatapos ng aking mga sariling pag-iikot, pinili kong humabol sa kanila.

Tumambay kami sa mga lugar na malapit sa atin, nagbabatuhan ng mga biro, mga kwentong kabataan, mga laro tungkol sa killer at pulis, sa doktor at hukom.  Natukso nila akong manglibre ng milk tea, na gusto ko rin naman.  Tumambay kami sa dati nating natambayan, noong nasa yugto ka pa na sumusubok-subok ka pa ng mga tsaa na swak sa sarili mong panglasa.  Nagkuwentuhan kami, tungkol sa mga tugtog na naririnig sa kabilang kainan.  Tunog-90s.  Pinagpasa-pasahan namin ang mga alaala ni Gwen, ng REM, ng Savage Garden.  Di ko sinasabi sa kanila, di ko naman din alam kung natatandaan mo pa, Savage Garden ang una mong napili noong nag-ambush videoke tayong magkakaibigan sa Technohub, noong nanglibre ako ng Yellowcab minsan.  Balak ko rin pala silang pakainin sa Yellowcab, masarap din  kasing kumain nang may kasama–sabi iyon ng isang kasama, habang nagdi-dinner kami sa may Grill Queen, bago mag-Moonleaf, bago magbalik-90s habang nagmi-milk tea.

At sa gitna ng lahat ng kuwento’t tambay, sa gitna ng pasulpot-sulpot na pag-alala ko sa iyo, sumasalisi ang mga taong minsan ay naging bahagi rin ng buhay mo–mga dating kalapit na ngayon ay iniiwasan.  Naalala ko noong kumain tayo pagkatapos sa linggo ng aking kaarawan, noong nanigas ka dahil dumating ang taong hindi mo inaasahan, at hindi mo alam kung paano dapat kumilos.  Natatandaan mo yun?  Noong nasa sasakyan na tayo, hinawakan ko ang kamay mo, sabi ko, ayos lang ‘yan. walang dapat ikatakot.

Naalala kita ngayon, kanina, dahil di ko man sinasadya ay nakasalubong ko rin siya, siyang ikinahihilakbot mo ang bawat engkuwentro, at di ko sinasadyang naamoy ang kanyang paa.  At hindi ito masyadong mabango.  At naisip kita, gusto kitang kausapin, gusto kitang sabihan na “Diyos ko, takot na takot ka dito e kahit pagsamahin natin ang amoy ng pawisan nating mga paa e mas mabaho pa rin ang paa niya.”  Naisip kong mapagtatawanan natin iyon, mapagtatawanan kahit hindi naman syempre tama.  Gusto ko lang sabihing naalala kita, hindi para sa mga sakit na mas madalas kong maramdaman ngayon (at hinihiling ko namang lumipas, gusto ko namang maging magaang ang pakiramdam ko sa iyo kahit sa mga paraan na hindi ako ang nagpaplano), naalala kita para sa mga masayang pagkakataon na magkasama tayo.  Naisip kita para sa mga bagay na alam kong pagtatawanan natin, pagbibiruan kahit mali, kasi alam naman nating biro lang iyon.

Noon, o nito-nito lang, gusto ko sanag ihayag na mas madali para sa iyo ang lumimot at mas mahirap ang makaalala, pero masyado naman akong nangingialam sa kakayahan ng memorya mo at unfair naman din iyon sa lahat.  Siguro ang kaya ko na munang panagutan ay ang sarili, at sa panig ko’y nahihirapan akong bumura ng mga nangyari pero may bigat sa pagtatangkang makaalala.  Pero sa ngayon, sige lang muna, kakapit lang muna ako sa paggunita.  Kahiya-hiya man, kasi naniniwala naman talaga ako na may mga paghahayag ng pagmamahal na nasa tamang antas lang ng dignidad at may mga lumalampas na doon, kahit halos parang nakakahiya na rin, pinipili ko munang huwag makalimot, na huwag makalimutang oo nga, mahal nga pala kita, kahit naman hanggang ngayon.  Mapaglalakihan ko rin ito, pero paninidigan ko muna na ako ay nagmamahal, pansamantala.  Napakalungkot din kasi ng mundo pag umaabot sa puntong tinatratong kahihiyan ang pag-ibig.

Para sa lahat ng masayang alaala,

V

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.