Napatahimik ako ng mga nakaraang linggo, kahit pa maraming gustong sabihin. Habang hindi ko pa mahugot ang mga salitang swak sa aking gustong ikuwento, heto, mga low-res na larawan ng ilang biyahe noong nakaraang dalawang buwan. Nalulungkot ako dahil may mga nakaplanong lakad ngayong Hunyo na hindi na maitutuloy–kailangang unahin ang mga gawaing pangmatanda, mga gawaing popondo ng mga susunod pang adventure. Pero may ilan akong natutunan, o iniisip na natutunan mula sa pagpaparoon at pagpaparito: 1. ang biyahe ay parang sayaw, mas may saysay na isama sa lakad ang mga taong aktuwal na gustong sumama sa iyo (dahil sabi nga sa pelikulang THE WEDDING SINGER, “why dance with somebody who doesn’t want to dance with you?”); 2. kahit alam ang katotohanan ng #1, lagimg may hinahanap na mga nawawala, na madalas ay mapanganib dahil nalulusaw ang sana’y maligayang pamamasyal; 3. ang pagsasabi ng “andito lang ako” ay halos katumbas ng “andito lang ako, at ikaw naman ay andiyan;” 4. diyos ang bahala sa maraming surpesa ng isang lakad, pero tao ang nagpaplano’t pumipili ng kanya-kanyang mga kalkuladong aksidente; 5. kaibigan ang ulan, depende sa kung paano titingnan; 6. habang hindi pa likas sa tao ang paglipad, iisipin niyang langit ang pagtalon at paglusong, pero hindi rin masamang lumangoy at huwag magpakalunod; 7. ang biyahe’y isang panata, isang pagtupad ng pangako–na anuman ang abala’t paghinto, gagawan ng paraan na magpatuloy, dire-diretso sa mga susunod na lakad.












































