Elevator Action!

Magre-repost lang ng ilang larawan mula sa ELEVATOR ACTION, isang kolaborasyon para sa Dulaang Laboratoryo ng UP Diliman.  Ire-repost ko rin ang mga tala na inilagay sa souvenir programme at pati ang post-production notes, typos and all:

***

Game!

(Ilang tala tungkol sa adaptasyon ng The Dumb Waiter ni Harold Pinter)

 

Mayroon akong matinding pasinasyon para sa laro.  Laro bilang anyo, laro bilang talinghaga.  Sa sariling pagsusulat, lagi’t lagi kong itinatanong sa sarili, “ano pa ba ang hindi ko nasusubukan,” “paano ko gugulatin ang tagabasa,” “ano ang bahagi ng sarili kong ilalagay ko (na naman) sa panghuhusga ng iba, sa posibleng panganib?”  Kasabay ng mga sariling pagpukpok sa sarili, mga motibasyon patungo sa pakikipaglaro sa aking hinihirayang tagabasa, malay ako sa mga representasyon ng “laro” bilang isang tatak—pagsusugal, pagwawagi at pagkabigo, may mga tulong at balakid, laging malay o may malasakit sa mga manlalaro, halos laging may garantiya ng ligaya’t babala ng panganib; kung seseryosohin, itutumbas sa halaga ng sariling buhay, at pwedeng-pwede rin namang gawing wala-wala lang.

 

Ang The Dumb Waiter ni Harold Pinter ay isang laro ng pag-aabang at laro ng pagsasalita’t katahimikan.  Hindi magkalayo ang dalawang klase ng larong ito.  Sa librong A Lover’s Discourse ni Roland Barthes, ang pag-aabang ay itinutumbas niya sa pag-ibig—isang konseptong hindi tuwirang maipapaliwanag, pero may mga manipestasyon na kapag naranasan ay maiisip na “oo, parang pag-ibig nga ito.”  Sa parehong libro, sinasabing ang mas masalita ay ang siyang mas mapagmahal, at ang laging tahimik naman ang pinag-aalayan ng pag-ibig.  Sa dula, nag-aabang sina Ben at Gus sa isang basement, habang naghihintay sila sa utos ng hindi nakikita’t hindi nagsasalitang big boss.  Mas matanong si Gus kesa sa mas matandang si Ben, na magsasalita lang pag tinatanong o inuutusan.  Sanay sila sa pag-aabang, lagi silang naghihintay.  Naghihintay para saan, para kanino?  Kay Ben, sapat na ang umibig sa assignment, ang hudyat na masisimula na ito’y sapat na sa kanya; kay Gus, nalampasan na niya ang pagmamahal para sa trabahong nagbibigay sa kanila ng kani-kanilang ginhawa—sa dula, mas iibigin niyang malaman ang katotohanan.

 

Sa simula’y isang simpleng kontekstuwal na pagsasalin lamang ang aking intensyon para sa proyekto, pero sa gitna ng paglalapat ng mga salita ni Pinter sa sariling danas, kinulit ako ng aking pasinasyon sa mga laro, lalo na ng videogames.  Biglang bumalik sa alaala ang lumang laro sa Family Computer ng aking pinsan (nakikilaro lang kami noon, pagkat hindi lahat ng pamilya’y kayang magsiksik ng 400++ pesos sa budget para sa makinang nakadisenyo lang sa kasiyahan), isang action adventure side-scroller tungkol sa espiyang taas-baba sa elevator habang pumapatay ng sandamukal na goons.  Naalala ko ang laro habang sinusubukang isalin ang piyesa, at naisip na ang absurdo naman ng laro na ang gagawin lang ay bumababa nang bumaba sa elevator nang mag-isa, habang binabaril ng napakaraming kalaban.  At ang pagsasalin ay naging adaptasyon, isang script na pinaghalong Pinter at dagdag na imahen ng mga sikat na videogames noong 80s at 90s.  Ang The Dumb Waiter ay naging Elevator Action.

 

Kinikilig ako sa mga prosesong pinagdaanan at patuloy na sinisinop at pinapakinis para sa kolaborasyong ito.  Mula sa rekomendasyon sa script ng tagapayong si Prop. Dexter Santos, hanggang sa panimulang pulong kasama ang direktor na si Prop. Joey Ting, hanggang sa binubunong mga araw ng rehearsals at rebisyon ng mga linya/ blocking/ atake sa pag-arte, kasama ng buong artistic staff at ng mga pangunahing artistang sina Stephen Vinas at Allen Diansuy.  Nakakanerbyos na nakakaantig ang maranasang mabigyang-buhay ang mga salitang naisulat, umalagwa’t lumipad na ang anyong labas sa sariling imahinasyon.  Sa totoo lang, nabibilib ako sa mga nadidiskubre kong mga bagay na dati’y hindi ko alam, dahil sa mga kasama ko sa proyektong ito.  Humahanga ako sa mga kasamang nakikipaglaro sa akin, pero alam na marami kaming isinusugal.  Nagpapasalamat ako’t sa gitna ng lahat ng eksperimentasyon ay naniniwala silang ito’y isang seryosong usapan.

 

Sobrang excited na akong mapanood ito kasama ninyo.  Hindi ako mapakali dahil gusto ko nang ipadanas sa iba ang bunga ng sama-sama naming pagsisikap at pagpapakinis, habang excited na kinakabahan din para sa mga posibleng reaksyon sa aming mga eksperimento.  Pero sa yugtong ito na binabasa ninyo ito, wala na kaming magagawa kundi ang maghintay.  Maghintay, kasi may malasakit.  Nag-aabang, kasi may kanya-kanyang iniibig.  Game?  Game!

***

Akala ko mas magiging malungkot ako pag natapos na ang aming dulang ELEVATOR ACTION.  Pero hindi.  Susubukan kong ipaliwanag kung bakit.

Nakuha ko ang request para isalin sa Filipino ang dulang THE DUMB WAITER ni Harold Pinter, via text message kina Stephen Vinas at Dexter Santos.  Salitan ang kanilang mga text, may request daw.  Si Stephen/Tpen ay estudyante ko dati sa isang kurso sa malikhaing pagsulat, at natatandaan ko siya kasi ayaw niyang tumigil sa pagsasalita doon sa aming unang activity (ipapakilala ang sarili sa pamamagitan ng inimbentong superhero self–napakatagal niyang magsalita pero astig yung ginawa niyang artwork na pag tinapat mo sa ilaw ay may makikitang image dapat); si Dex ay nakatrabaho ko na sa RIZAL X ng DUP, at sa napakaraming FACULTY FOLLIES at iba pang mga university-sponsored na palabas (ako bilang tagasulat ng script, siya bilang direktor.  Natatandaan ko, sabi ni Dexter, kasama ni Tpen si Allen Diansuy (na FB friend ko na pala noon pa pero di ko naman nakilala pa nang personal kaya kebs-kebs lang), at pareho silang mabait na bata.  Saka sabi niya, panahon na raw para makita ng UP Diliman bilang manunulat sa isang dula.  Syempre game ako dun, pasabog yun e.

Natuwa ako kina Ben at Gus, kasi nakukuha ko ang koneksyon ng mga linyang sala-salabat nila.  O tingin ko ay nakukuha ko, noong binabasa ko ang teksto.  Mahilig ako sa mga palabas ni Joss Whedon–na sumikat sa BUFFY THE VAMPIRE SLAYER, FIREFLY, DOLLHOUSE, at yung ngayun-ngayon lang, yung THE AVENGERS.  Magaling siyang magbato ng mga linya, pailalim, hindi ka sigurado kung matatawa o magagalit o malulungkot o sabay.  Pero kahit may pakiramdam ng paglalaro ng emosyon, may bahaging makakaramdam ka na pinag-isipan ito, na papunta yun sa isang direksyon na tiyak, na may linaw ito pagdating sa dulo.  Ganoon ang pagbasa ko sa dula ni Pinter, ganoon ko naisip na sana maging katulad ng sariling pagsusulat ko.  Isip-isip ng mga swak na katumbas ng mga linya ni Pinter, sala-salabat pero konektado, seryoso na nagpapatawa, mukhang tanga pero nag-uusisa.

Sa sobrang excitement, biglang pumasok sa isip ang image ng videogames.  ELEVATOR ACTION.  Kahit hindi ko pa ipaliwanag ang laro, kabog na ang pamagat.  At mapangloko, kasi pag nabasa naman ang aktuwal na dula ay hindi talaga ganoon kaaksyon–mas masalita kesa makilos.  Bukod sa silbi ng talinghaga, naroon din ang silbi ng praktikalidad–hindi ko maisipan ng katumbas ang pangdayuhang larong binabanggit ng mga tauhan sa dula, at naisip kong palitan na lang kaya ng pagkukuwento tungkol sa videogame.  Napagtahi-tahi ko ito sa ilang mga lokal na balitang parang totoo na hindi (comfort gay na nabangga ng mga siklista, asong sumabog ang nguso), mga pagkaing kinakain nina Noynoy-Gloria-Obama, o pag-aari ng mga korporasyon gaya ng San Miguel, sa mga tala tungkol sa enforced disappearances at summary executions.  Ang challenge, mailahok ko ang lahat ng ito, pero dapat may bahid pa rin ng saya, na dapat maramdaman ng makakabasa at makakapanood nito na “uy, nag-enjoy yung nagsulat nito sa paggawa nito!”

“Interesting.”  Yun ang paglalarawan ni Dexter sa nagawang salin-adaptasyon.  Tapos, go lang, naghintay ng ilang buwan, dumaan ako sa ilang mga hamong personal at propesyunal, at nagkaroon na ng unang pulong kasama ng direktor naming si Joey Ting, na nakatrabaho ko naman dati sa dulang ELECTRA (ako bilang tagasalin, si Direk Joey bilang direktor).  March 24 ko unang nakausap si Direk Joey kasama ni Tpen at Allen; ipinakilala uli si Cheska Cartativo, Aaron Misayah, Patricia Gascon (mga nakikita-kita na rin pero di pa nakatrabaho nang direkta).  Nag-usap kami tungkol sa mga plano–lagi akong naeexcite kapag nag-uusap tungkol sa mga plano–bumili ako ng goto doon sa aming meeting place, tinanong ni Direk Joey kung pwede bang baguhin yung pamagat na ELEVATOR ACTION sa isang mas malapit na salin ng THE DUMB WAITER, sabi ko subukan muna namin, ilalaban ko muna, baka gumana, at go lang si Direk; si Tpen ang nagbayad ng goto ko na 150 pesos lahat.

Pagkatapos, yung mga plano ay nagsimula nang maging aktuwal na pangyayari.  Nagkaroon ng panimulang reading sa Cal New Building 301, nakilala ang mga kaibigan mula sa FEU na makakatulong sa produksyon.  Pinakamatatandaan ko sina Adrian Ungriano at D Cortezano dahil sila ang mga kata-katabi ko noong nag-pictorial kami.  Mga machikang machong lalake na mabait naman pero feeling ko e babalian ako ng leeg pag may nasabi akong mali (sa umpisa, at least).  Nakachika si Carlo Cannu habang inaayos ang mga mukha ng aming mga bida, nagbiruan na mukhang gay indie film ang ilan sa promo shots namin, na baka oks lang naman din.  Tumuloy na sa aktuwal na rehearsals, nagpalitan ng mga komento.  Nagbahagian ng mga kuwento sa kung paano magiging swak sa Pinas ang isang dayuhang dula.  Sinikap itawid ang kaabsurduhan ng pag-aabang, ang frustration na nararanasan ng isang bulag na tagasunod, kung bakit inis na inis na si Gus dahil lang sa isang tasa ng tsaa, na hindi na lang tungkol sa tsaa yun, na baka hindi na lang pala basta thesis yung ginagawa namin.  Madalas, iniisip naming mga mas senior sa produksyon–kami nina Dex at Joey, kasama na rin si Ma’am Amihan Bonifacio Remolete at Ohm David–na baka hindi pa nakukuha nina Tpen at Allen, ng iba pang mga kasama sa proyekto, na baka pwede pang pigain, baka pwede pang mas ipaintindi.  Ilang araw din kaming nagbato ng mga heartwarming/challenging/frustrating/educational na mga mensahe tungkol sa game bilang metaphor, motivation, understanding the character, understanding pain, lahat na.  Parang kailangan naming maniwala na kapag napanood naming gumanap sina Allen at Tpen bilang Ben at Gus, gaano man kasala-salabat ang mga linya, gaano man kalayo sa katotohanan ng kanilang kilos at sitwasyon, kailangan naming maniwala na sa panonood sa kanila, na totoo ito, na posible itong mangyari.  Na dapat lang, dahil sa gitna ng lahat ng mga paandar at pasabog, may mga pinaghuhugutan itong mga kuwentong ginagawa at nangyayari sa bansa.  Anuman ang paggigiit, anuman ang duda, nabilib ako kay Direk Joey dahil palagi niyang sinasabi sa amin, “wag mag-alala, kasi yung magic dumarating kapag lumipat na sa tunay na entablado at nagawa na ang set.”

Doon ako nabilib sa aming direktor.  Lagi siyang may paninigurong ayos pa ang lahat, na kontrolado pa naming lahat ang direksyon ng dula.  Importanteng gabi ang preview kasama ni Dr. Alexander Cortez.  Nakalipat na kami sa Teatro Hermogenes Ylagan, nakapaloob sa bagong-tayong ELEVATOR ACTION set, kasama ang mga incoming freshmen at sophomore theater students na aarte bilang imagined computer game characters ni Gus.  Sabi ni Sir Alex, nag-aalala siya sa ingay at mga pasabog ng dula, baka masyadong malakas.  Baka hindi na siya magmukhang adaptasyon ni Pinter dahil sinapawan na namin ang lahat ng mga katahimikang trademark ng manunulat na pinaghugutan ng aming produksyon.  Isang araw bago ang opening, muling nagbato ng mga suhestyon si Dexter bilang tulong sa mga puna ni Sir Alex.  Kailangang magdesisyon, mapapanindigan ba namin ang pagsasama ng videogames sa buhay nina Ben at Gus?  Napakadali para sa direktor na alisin lang ang lahat ng “maingay” na bahagi.  Kayang-kaya niyang burahin ang mga videogame character na naiimagine lang ni Gus, para maging mas tahimik.  Pero pinili niyang sumugal, sumubok isalba ang isang bahagi at ituon na lang sa huling bahagi ang pagpapatahimik.  May ingay ng videogame culture sa umpisa, at may katahimikan ni Pinter sa huli.  Sa puntong ito, ang tanging ikinalungkot ko lang ay makita ang mga mukha ng ilan sa mga kasamang co-actor na nalungkot dahil sa nabaril/naalis na ang Street Fighter at Contra segment namin–ang bahaging may mga pinakamagandang cosplay, sa tingin ko (at sa tingin din ng iba).  Pero nailigtas ang cosplay number para sa Super Mario, Megaman, at syempre ang Elevator Action.

At nagbukas na kami ng aming palabas.  Sobrang nakakanerbyos palang mag-open ng isang show, lalo pag malaki ang partisipasyon mo dito.  Nakabawas ng kaba ang pagpunta ng mga kaibigan, mga kasama sa trabaho.  Nagulat-natuwa ako na pumunta sa opening night si Dr. Teresita Maceda, adviser sa aking MA Thesis at panibagong chairman ng departamento namin.  Halos natabunan ng saya sa pagdating niya ang kaba na nararamdaman dahil katabi niya sina Sir Alex at si Professor Emeritus Tony Mabesa.  Mga kaibigang guro mula sa UP Los Banos, mga dating estudyante, mga estudyanteng ni hindi ko naging estudyante.  Unang sampung minuto–blangko.  Akala ko hindi bebenta–lagi naman kasing may takot na hindi magustuhan ang sariling trabaho.  Pero pagkalipas ng ilan pang mga hirit nina Allen bilang Ben, Tpen bilang Gus, tumutugon na ang audience.  Tumatawa sa mga galaw at hirit, napapatigil sa mga eksenang tensyonado.  Sa literal na pagliit at muling pagluwag ng set (salamat kay Ron), sa pagkawala ng liwanag, putok ng baril, at muling pagliwanag (salamat kina Ron, Meliton Roxas, Marc Dalacat), gumana na ang “magic.”  Natapos ang palabas nang may paborableng reaksyon mula sa paghahayag ng ilang mga nakanood.  Naalala ko tuloy, sa bandang gitna, noong may isang punchline na sobrang bumenta, nilingon ako ng kaibigang kasama sa panonood, napangiti siya at ako naman ay naluha.  Ang arte pero totoo.  Ewan ko, siguro doon na lumapat lahat ng pagod at pag-iisip, doon sa sandaling nakita mong nakuha ng mga taong nanood, lalo yung mga taong malapit sa iyo, ang gustong sabihin ng proyekto ninyo; baka naalala ko rin ang sinabi ni Allen nung sinabi ko sa kanyang kinakabahan ako–“tiwala lang yan, Sir.”

Pagkatapos, tuluy-tuloy na.  Bukod sa lakas na naibibigay ng palaging pagdating ng maraming mga kaibigan (na minsan ay may pa-burger pa kasabay ng maiksi pero masayang kumustahan), natuwa ako sa mga pagkakataon na nag-iisip na ng mga sariling pasabog ang mga kasamang artista.  Sa pag-uusap nina Tpen at Allen na gagawa ng full circle effect si Tpen sa pag-uulit ng sigaw ni Gus sa umpisa at pagtatapos ng dula, sa pagpapakinis nina Roco Sanchez at Fritz Esase ng kanilang Mario at Luigi Choreo (pero paborito ko pa rin ang pagmumunimuni ni Fritz kung tataasan ba niya o bababaan ang sigaw niya sa pagganap bilang Megaman), kasabay ng pagsiguro ni Cheska na umaandar nang maigi ang lahat ng mga elementong nasa likod ng entablado, kasama pa ng lahat ng mga kaibigan sa house at backstage staff na sinisigurong magiging maayos ang pagtatanghal (naiisip ko ang pagbabalanse ni Fatima Cadiz ng mga reserbasyon sa ticket, at ang literal na paghahabol ni Carlyn Abayon ng mga guest na aalis na dapat dahil na-late o inisip na wala nang upuan pero ginawan pa rin niya ng paraan para makapasok at mapanood ang palabas), nagkaroon lang ng pakiramdam na naniniwala na ang lahat sa proyekto.  Naramdaman kong naiintindihan na nila ang paulit-ulit na naming gustong sabihin sa kanila sa umpisa pa lang.

Kaya siguro imbes na lungkot, isang kakaibang saya ang nararamdaman ko sa pagtatapos ng aming produksyon.  Kasi sa tingin ko, bukod sa nakuha ng mga tagapanood ang gusto naming itawid, nakuha rin ito ng mga kaibigang nasa loob ng EA.  Naiintindihan nila ang dula, naiintindihan na nila, kaya lumalabas-pasok sila, naghahanda’t ihinahanda ang bawat show nang may halong tuwa, na sa tingin ko’y naipasa namin sa mga nanood.  Kaya sa oras ng strike, sa mabilisang pagtanggal ng maliit na serving hatch, sa pagbaklas ng lumiliit-lumalaking set, sa pansamantalang pagtatapos ng kuwento nina Ben at Gus, tingin ko’y masaya kami.  Kasi, natapos kami nang maayos, natapos nang nagawa ang inaasahan.  Nanalo kami.  At sa mga laro, mas may ligaya sa paghinto habang may panalo pa.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.