Noong araw na magugunaw na ang mundo

Noong araw na magugunaw na ang mundo, nagpunta ako sa gym.  Para kung sakaling nagunaw na nga ang mundo noong araw na iyon, masasabi ng kung sinuman, NASA GYM SIYA NOONG NAGUNAW ANG MUNDO.

***

Noong araw na magugunaw na ang mundo, nag-text ako sa mga tao, sabi ko, “O, nasaan na kayo?  Paalis na tayo, kayo na lang ang hinihintay.”  Nag-text din ako sa isang kaibigan, tinanong ko kung magpapa-breakfast ba siya (kasi nga magugunaw na ang mundo).  May agahan naman pero ihahanda pa mayamaya, at matutulog pa siya uli, kahit magugunaw na ang mundo.

***

Noong araw na magugunaw na ang mundo, dahil tulog o/at wala pa ang lahat ng hinahanap, pumunta at nakipaglaro muna ako sa aso ng dating gurong kaibigan na ngayon, doon sa may UP.  Mataba ang aso, at makulit.  Dinadamba ako pag sinasabi kong papasyal na kami at pupunta sa SM.  Pagkatapos kong makikain ng kanin at hotdog sa bahay ng aso, ang aking pre-breakfast breakfast, sa bahay ng dating gurong kaibigan na ngayon, pinuntahan ko na ang mga kaibigang tinanghali ng gising kahit magugunaw na ang mundo.

***

Noong araw na magugunaw na ang mundo, kasama ang mga kaibigang sinundo sa kung saan, dumiretso na ako sa kaibigang nagsabing maghahanda siya ng agahan pagkatapos matulog nang pangalawang beses.  At ang breakfast na ihinanda niya, parang buong mundo nga ang pakakainin.  Kasi nga, magugunaw na.  Habang kumakain, nakipaglaro sa isa pang aso, at nakilala ang baby na si Mahimbing.  Kung magugunaw na ang mundo, naisip ko, ayos lang din, oks na oks na naman ako.  Pero sayang, kasi bata pa si Mahimbing.  Kung magugunaw na ang mundo sa sandaling iyon, kawawa naman ang bata, hindi pa niya mararanasan ang mga magandang surpresa ng mundong magugunaw na.

***

Noong araw na magugunaw na ang mundo, pagkatapos kumain ng agahang pangsandaigdigan, nagtanungan kami kung saan ba dapat pumunta.  Ang sagot namin, “Tagaytay na ‘to!”

***

Noong araw na magugunaw na ang mundo, doon sa may Tagaytay, sa may Mahogany Public Market, kumain kami ng mahal na bulalo, ng mahal na pritong bituka, ng mahal na crispy tawilis.  Kinuyog kami ng mga agresibong tindero ng kutsilyo/ special spasol (yun ang kanilang spelling doon)/ tawilis/ karne.  Bumili na raw kami, malapit na raw kasing maggabi.  Kahit makaisang benta man lang.  Ang mga tindero sa karinderya, may pagkaagresibo rin.  Gaya ng iba pang mga nagtitinda, may sense of entitlement kapag humihirit ng “bakit sa kanya bumili ka?  Bakit doon ka kumain e di ba nangako ka na dito kayo kakain sa amin?”  Siguro’y tumatapang lang ang lahat pag alam nilang ang mundo nila’y malapit nang mawasak.

***

Noong araw na magugunaw na ang mundo, nagpalamig kami sa People’s Park, at pinagtawanan ang taong mag-isang nakaupo sa cable car na sobrang bagal ng pag-usad.  Magugunaw na nga ang mundo, hindi pa naghanap ng kasama.  O baka wala lang talagang maisama, iyon nga siguro ang problema niya.

***

Noong araw na magugunaw na ang mundo, sa huling oras ng pagpatak ng panibagong araw (kahit hindi pa batid kung may kasunod pa), kinanta namin ang lahat ng kantang kasya sa isang oras.  Lahat ng mga himutok na doon pa lang sa matrapik na C5 ay isinasabay na sa Air Supply na tumutugtog sa radyo ng auto.

***

Noong araw na magugunaw na ang mundo, pag-uwi sa bahay, binuksan ko ang nakuhang regalo–isang t-shirt na may disenyo ng isa sa mga paborito kong superhero.  Naaalala ko, sa comics, sinabi niya, na ang tapang at lakas ng loob ay kasama na ng unipormeng suot ng kanyang superhero team.  It comes with the uniform.  Kumuha ako ng larawan ng sariling suot ang regalong kamiseta, naalala ang mga bagay na nangyari sa araw na magugunaw ang mundo, mula sa oras ng pag-uwi pabalik sa gym (MASABI LANG), doon sa shower room kung saan ang katabing nagbibihis ay hindi nakapagpigil na magsabi sa aking “mahilig ka rin ba sa comics?”  Ang suot ko pala kasi noong araw na iyon ay kamisetang may disenyo rin ng cartoon comicbook heroes, at natuwa akong napansin niya iyon.  Tulad ng natuwa ako noong nakipagchikahan ako saglit sa kanya tungkol sa Marvel at DC, at noong iniwanan ko siya para maligo nang hindi nagpapakilala kahit magugunaw na ang mundo.  Tinitingnan ko ang larawan ng sarili, naisip ang lahat-lahat, at naisip na kung magugunaw man ang mundo, anong oras man dumating ang yugtong ito, gusto kong isiping magugunaw ito nang naipakita kong hindi ako nawala nang hindi man lang nakipaglaban.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.