Nagkasakit si Mama noong gabi bago ang kanyang kaarawan. Nag-text si Papa, bigla daw giniginaw at nilalagnat. Kinabahan ako, kasi kahit hindi naman totoo, sa alaala ko’y hindi nagkakasakit si Mama. O bihira. Nagpunta naman doon ang hipag kong si Pia para tulungan si Papa sa pagbabantay, kaya kahit paano’y nakalma ako. Mahirap din talaga pag nasa ibang rehiyon ang mahal sa buhay na tinamaan ng sakit. At sa lahat-lahat naman, nakakalungkot lang isiping may sakit ang nanay mo lalo’t kaarawan niya.
Hindi ako nakapunta agad sa Laguna, paano’y weekday ang tama ng Feb 19. May meeting kami, at yung tipo pa ng meeting na madugo, hindi pupuwedeng 30 minutes tapos E-mail E-mail na lang. Pero natext ko na si Mama noong umaga, nakamusta ko na ang pakiramdam niya. Medyo nanghihina pa raw pero tuloy pa rin ang lakad. Plano namin, bago ang balita ng sakit, kakain sana kami sa Ding Hao doon sa may Calamba. Masarap daw ang lugaw doon.
Alas tres na ako nakaalis mula sa UP, dala ko ang Estrel’s cake na nilibre ng kapatid kong si Yani para kay Mama. Ako, dapat ay donut ng Cello’s na naka-spell ng “We Love You Mom!” ang dala, pero dahil sa meeting ay pumpon ng bulaklak ang nakuha, yun kasi ang pinakamabilis. Mga dalawang oras lang at nasa Cabuyao na ako. Naroon na sina Pia, hindi ko agad napansin si Mama na nakaupo pala sa bandang likod, natatakpan ng gate. Medyo matamlay pa nga siya, pero gaya ng lagi niyang ginagawa, nagkukunwaring malakas. Sa kanya ko yata nakuha ang ganung ugali.
Pinagtawanan namin ang regalo ko, paano’y pangatlong bouquet na pala ang dala ko. Ang isa ay sa tatay ko, isa galing sa hipag. Nagkataong ang nabili ko pa ang pinakamalaki at makulay, nagmukha na naman tuloy akong nangkakabog ng kamag-anak. Nanliit ang tatlong roses ni Papa, sabi niya. Kung mapang-asar lang ako noong oras na yun, sasabihin kong “true.” Pero syempre hindi. Hinintay lang naming dumating ang pamangkin kong si Nimra. Habang naghihintay, naglaro kami ng isa ko pang pamangkin, si Barrick, ng pasahang-bola. Naiinggit ang asong si Alejandro sa ginagawa naming kasweetan ng magtito.
Sa Paseo de Santa Rosa kami natuloy, doon kasi madaling magdala ng aso. Doon kami sa isang nakasanayan nang kainan–sa Rack’s. Umorder kami ng dalawang set meal, para sa walo. Kami nina Mama, Papa, Pia, Nimra, Barrick, Alejandro, si Jenelle na anak ng pinsan ko, at humabol pa sina Tita Beth at Tito Jerrie.” Nabundat kami sa ribs ng baka at inihaw na manok, sa Java Rice, brocolli, beans, coleslaw, Coke, iced tea. Mabilis na tsibog at mabilisang uwi. Sa bahay sa Cabuyao, binuksan namin ang Estrel’s at umihip ng kandila si Mama. Inulit namin ang pagsindi para makaihip sa kandila si Barrick na nakakandong kay Mama. Mukhang masaya si Mama, pero mukhang pagod. Nalulungkot ako pag nakikita kong pagod si Mama.
Pumunta ako sa Los Banos kinabukasan pero tumambay muna sa opisina nina Mama at Papa, habang pinapatingnan ang kotse kong parang may gerbil sa ilalim kapag pinapaandar. Nagkachikahan kami ni Mama tungkol sa mga usaping pangmatanda–madalas ay nauuwi sa mga perang nawawala, mga perang nahuhuli ng bigay o dating, mga perang pag dumami ay maraming buhay sa pamilya ang gagaan. Ako, halos kuntento na ako sa kung ano ang estado ko ngayon, sa kung ano ang kayang abutin ng sariling kita. Pero pag nakakabalita ako ng mga kuwento nina Mama at Papa, lalo’t ngayong napapansin kong oo nga, tumatanda na talaga ang mga magulang ko, doon ako napapaisip ng sana, sana mas marami akong pera. Sana makahanap ako ng mas malaking pagkakakitaan para hindi na ito iisipin ng mga magulang ko.
Naisulat ko na noon ang paborito kong moments kasama si Mama. Noong four years old ako at inakala naming lusis ang malaking baby rocket kaya nasabugan kaming dalawa sa mukha; noong nagalit siya sa akin dahil ayokong mamigay ng corn bits kaya hindi niya ako pinaghapunan agad; noong pinaubos niya sa akin ang pitsel ng gatas kasi nadulas siya dahil sa pangungulit kong makainom pa uli ng isa pang baso; noong nadulas siya pagkatapos niyang sabihin sa aking “o ingat ka anak baka madulas ka” habang hawak niya ang bunso kong kapatid, at imbes na tumulong ako agad ay natawa pa ako sa kanilang dalawa; noong natuto na siyang gumamit ng smiley sa text; kapag may isinusumbong siya sa aking kakilalang mabaho ang hininga o kilikili; noong mga oras na kailangan kong magsabi ng mga bagay na mahirap sabihin at hihirit siya ng “bakit kasi di ka nagsabi agad, nahirapan ka pa tuloy.”
Ang pinakapaborito ko sa mga naisulat ko nang kuwento tungkol sa kanya ay yung namasyal kami sa Fiesta Carnival sa Cubao. Inakala niyang nawala ako kaya nataranta siya sa paghahanap, pero ang totoo’y nagsoli lang ako ng plastic cup ng binili naming palamig. Dalawang bagay lang kasi ang alam ko noon–una ay lahat ng hiniram ay dapat ibalik, pangalawa ay kahit saan ako magpunta o mapadpad, hindi ako maliligaw dahil alam kong makikita ko si Mama kahit na anong mangyari, na sa kanya ako uuwi. Iniisip ko ang eksenang ito, iniisip ko ang lahat ng iniisip kong may atraso sa akin o yung may kailangang bayaran o ibalik at isoli, at bago ako mapunta sa galit, iniisip ko ang mga nanay nila at sinasabi sa sariling “pasalamat kayo sa mga nanay ninyo, mga punyeta kayo.” Sigurado kasing pag may tao kang sinaktan, mas dobleng sakit ang tatama sa nanay.
Sana mas makapasyal pa si Mama, sila ni Papa. Kaya lang si Papa, ayaw nang iwanan si Alejandro. Napakacute naman kasi ng aso na yun. Pareho naman sina Papa at Mama. Ayaw umalis na hindi kasama ang lahat. Minsan ayos, minsan hasel, minsan malungkot, pero ayun, ganun din ang napulot ko sa kanila. Hanggang kaya, kahit mahirap, walang iwanan.
Baka masyadong madrama o masyadong maaga, pero aminado akong hindi ko alam kung saan ako pupulutin pag nawala si Mama. Kaya sana’y maging malakas pa sila ni Papa. Sana’y makapasyal at makakain at makapagkuwentuhan pa. Sana’y makapagchikahan tungkol sa mga mabaho ang kilikili at sa mga mundong walang problema sa pera at sa mga hiritan tungkol sa pagsasabi ng mga bagay-bagay para hindi na mahirapan ang bawat isa.











