Nagsimula ang lahat sa Isa. Isang makapangyarihan-sa-lahat na puwersa, Siyang nagtulak
sa mekanismo ng panahon. Anim na bahagdan ng oras sa paglikha ng tubig, lupa, hayop,
halaman. Iba’t ibang katawan, iba’t ibang uniberso na umaakit sa bawat isa, hinihigop
ang bawat bahagi sa kanya-kanyang sulok ng kawalan/kalawakan. Sa ikaanim binigyang-malay
ang tao. Sa umpisa’y mag-isa ang tao, hubad, walang itinatago, walang sandata
laban sa pangungulila. Ang pangungulila’y manganganak, dadami, makikilala sa ngalang “buhay.”
At uusad itong panahon sa siklo ng pagpupuno, sa paggganap dito sa sinasabing “buhay.”
Giginawin ang balat, hahanapin ang liyab; kakalam ang tiyan, at ang pinakatamad ay maitutulak
mula sa pagkakahiga, ihahanda ang pain sa huhulihing baboy o isda; lilikha siya ng mga sandata
mula sa kahoy, bato, bakal. Magkukubli, mag-aabang sa isda o baboy-ramo, mga hayop
na may karneng tatagpas ng gutom, balat na susukob sa ginaw. Mapupuno ang kanyang malay
nitong lohika ng pagpuno. Bawat puwang ay mapupunuan, tulad ng paghigop
sa mainit na sabaw tuwing maulan ay katulad din ng gagambang humihigop
sa nilusaw na katawan ng insektong hinuli sa patibong. Katulad ng pagkuha sa isang buhay
para mapanatili ang buhay ng isa pa, lalo ang buhay ng sarili. Sa sariling kamalayan,
napupuno ng paliwanag ang tao, bawat kilos ay may dahilan, may lohikang tumutulak
sa bawat tangkang pumuno sa kanyang mga puwang. Ang presong sinusuwag na parang hayop,
halimbawa–taong kinukuryente, tinatanggalan ng kuko’t nilalapnos ang balat–ito’y sandatang
iginagawad ng kapwa tao para mahanap ang sariling pagkapayapa. Magkakaiba ang sandata
sa magkakaibang gera. May ilang lulubog sa pagkatha’t pagtula, sila’y mahihigop
ng pang-akit ng mga salita. Isusulat nila ang lahat ng mga halimaw, ang mga hayop
na may tatlong ulo, malaking pakpak, matatalim na kuko’t pangil, nginangasab ang buhay
patungo sa kawalan/kalawakan. Ilalatag sa mga kathang ito ang bawat puwersang tumulak
sa tao patungo sa kanyang mga ikinilos/ikinikikilos. Sa kanyang kamalayan,
kumikilos siya dahil siya’y nag-aabang, siya’y nagmamalasakit. Sa kanyang kamalayan,
nagbigay siya at ito’y hindi natumbasan. Ang malasakit at pag-aabang niya ang sandatang
ginamit laban sa kanya. Ano’t pinarurusahan siya para sa kanyang mga kulang? Itinutulak
ang tao ng kanyang mga puwang, may mga butas sa kanyang katawan na humihigop/hinihigop
patungo sa iba pang katawan. Ano ang mali sa pagnanasang makumpleto itong buhay?
Samantala, sa isang sulok ng mundo, ginagahasa’t binabaril ang isang pulutong ng tao, parang hayop
na nakahanay at nakahandusay. Kumikisay-kisay ang mga katawang pinasabog ang ulo. “Mga hayop,”
isisigaw nilang may mga ulo pang nakakabit sa katawan, duguan at patakas na ang malay.
Sa kanilang mga huling sandali, iniisip nila, ito na ba, ito na ba ang lohika nitong buhay?
Itong isang araw ng kawalang-muwang, haharangin ng mga taong may armas ng gera, sandata
ng Estado? Ang buhay ba ay nasa semilyang pinaputok sa aring pauulanan ng bala, sa dugong hinihigop
ng lupang namimintog? Ang buhay ba’y nasa bulubunduking bangkay, o sa orasang patuloy sa pagtulak?
Ganito ang landas ng sakit. Isang mabangis na hayop, sinalaksak ng patalim. Isang sandatang
nagnanakaw ng malay, pampuno sa puwang ng katawan. Isang pag-aabang. Lupang humihigop
ng buhay. Isang pangungulila. Ang pagluwal ng panahon, ng mekanismong patuloy sa pagtulak.