Katawan ko, ngayong di na tayo makapaglalakbay pa nang sabay
nagsisimula akong makaramdam ng panibagong lambing sa iyo, ubod ng dalisay at di-pamilyar,
tulad ng pagkakatanda ko sa pag-ibig noong ako’y bata pa–
pag-ibig na madalas ay natatanga sa mga layunin
pero hindi sa mga desisyon, sa mga karubduban.
Sobra-sobrang hinihingi nang mas maaga, sobra-sobrang hindi kayang maipanata–
Ang kaluluwa ko’y naging matatakutin, marahas;
patawarin ang kanyang lupit.
At wangis ng mismong kaluluwa, ang kamay ko’y humahagod sa iyo nang buong ingat,
Walang hiling na magbigay-pahamak
kundi nananabik, sa wakas, na makamit ang paghahayag bilang sustansya:
Hindi mundo ang aking hahanap-hanapin,
ikaw ang aking hahanap-hanapin.
*salin ng tulang “Crossroads” ni Louise Glück. May video sa ibaba.