Napadaan ako kahapon sa opening ng exhibit na BAKAWAN, ang showcase ng output mula sa mga estudyante ng UP na napinsala ng bagyong Yolanda. Malaki ang partisipasyon ng Kolehiyo ng Arte at Literature ng UP, ang kolehiyo namin, sa pagkakabuo ng exhibit. Ang ideya kasi ng proyekto ay makapagbigay ng suporta sa pamamagitan kaalaman sa makasining na pamamahayag. Sa pamamagitan ng mga guhit, galaw at salita, sama-samang mapoproseso ng mga kabahagi sa proyekto ang kolektibong sakit, lungkot, at pangungulilang nagmula sa pangyayari, patungo sa pagpapasibol ng pag-asa.
Bahagi ng opening ang pagtatanghal ng isang estudyante, isang musical number. “Kilala ko ‘yan,” sabi ko sa katabi ko habang nagtotono siya ng gitara, “estudyante ko dati.” Si Bullet ang dating estudyanteng magtatanghal. Sabi ko sa katabi ko, hindi naman Bulllet ang natatandaan kong pangalan niya, mas natatandaan ko ang first name niyang “Lino Belli.”
Nakadalawang kanta si Lino Belli/ Bullet. Ang una’y nasa Waray, kaya di ko naintindihan. Natatawa siya habang pinapaliwanag ang mga salita, na ang tuhog ay parang pagkaakit ng isang lalake sa babae na naikabit sa imahen ng pag-ambon. Bago niya kantahin ang pangalawang kanta, nagpasalamat siya sa mga gurong nag-imbita, sa mga organisador, at sa huli, bago siya kumanta, bigla niya rin akong tinawag. Ang teacher daw niya sa Malikhaing Pagsulat. Ang nagturo sa kanya na magkakatugma ang mga titik na B-K-D-G-P-S-T, at ang L-M-N-NG-W-Y, nakalimutan niya ang isang letra kaya isinigaw ko ang “R,” na sa mga nakakakilala sa akin ay alam na alam nilang hirap akong bigkasin ang letra dahil sa pagkabulol kong taglay. Humirit pa nga siya, kung natatandaan ko pa ba siya, sabi ko, “oo naman.”
Pagkatapos ay tinugtog niya ito:
Na syempre pasabog. Sabi nga ng host, paano ba masusundan ang ganoong pagtatanghal? Sa isip-isip ko naman, sana sinabi na lang din ni Lino Belli/ Bullet, kahit hindi totoo, na ako rin ang nagturo sa kanyang maggitara at kumanta, para mas nakadagdag sa pagkamukha kong rockstar noong araw na iyon. Noong natapos siyang tumugtog at kumanta ay may mga kinausap siyang ibang mga bisita, at mayamaya’y nakipagkuwentuhan naman sa akin. Masayang habulan ng mga nakaraang ginawa sa aming klase sa Malikhaing Pagsulat.
Espesyal sa akin ang gesture na iyon sa maraming dahilan. Naroon na siyempre ang simpleng saya na may nakatanda sa iyo at sa mga itinuro/ itinuturo mo. 2006 ko pa siya naging estudyante, sa pagkakatanda ko, o 2007, kahit ako mismo’y pinaglalabuan na ng alaala, pagkatapos ay may isang tao na ginagawa ang isang bagay na mukhang mahalaga sa kanya at nakikilala siya para rito, at sa maliit na paraan ay ikinakabit niya ang ideya ng kung sino siya sa isang gurong gaya ko na nakilala niya pito o walong taon na ang nakaraan. Nakakakilig at nakakapanatag, lalo’t sa okasyon ay may mga kasalukuyang estudyante sa parehong kurso sa Malikhaing Pagsulat na inenrol ni Lino Belli/ Bullet, at sa maliit na pagkilala niya ay naniniwala akong nakapagtanim iyon ng pag-asa, pag-asa na may nagagawa ang pagsusulat, na gaya nga ng course description ng itinuturong GE course, may hiwaga nga at hikayat ang pagsusulat sa Filipino.
Sinasabi ko ito sa panahong parang sinusukat ang halaga ng disiplina ng Sining at Panitikan sa usapin ng bilang at bigat–gaano karami ang estudyanteng pumapasok, ano ba ang mga trabahong makukuha, may trabaho bang makukuha, malaki ba ang kita sa trabahong makukuha. Para sa mga naturuan naming mga gurong nasa Kolehiyo ng Arte at Literatura, alam nila, ramdam nilang nagbabagong-hubog ang UP. Mula sa mga simpleng pagbabawal ng mga monoblock na upuan sa mga food kiosk sa library, o pagpapalit ng umpisa ng pasukan, o ang pag-withdraw ng slot sa unibersidad dahil ang ipinasang kurso sa UPCAT ay Araling Pilipino–dahil ano ba naman ang Araling Pilipino sa UP kung ikukumpara sa Business Administration o Engineering ng kahit na anong institusyon? Maraming nagpapalit, at kasabay ng pagpapalit, marami–sobrang-sobrang dami–ang nakakalimot.
Pero may mga pagkakataong gaya ng nangyari kahapon, isang nakakapanatag na selebrasyon ng munting alaala, sa isang okasyong napakaimperatibo ang alaala at pag-alala. Dahil ayaw nating makalimot tayo sa mga leksyon ng Yolanda, tulad ng ayaw nating makalimutan ang mga pagkatuto mula sa pananakop ng mga dayuhan, sa panahon ng Batas Militar, o tuition fee increase, o ng mga mga agarang pagpatay o pagdukot. Walang gustong mabura sa mundo. At sa panahong maraming kaba at sakit tungkol sa paglimot at pagpapabaya, may mga surpresang saglit tungkol sa mga leksyon ng pagtutugma.
Pagkaalis ni Lino Belli/ Bullet, napadaan naman ang mga kaibigang estudyante mula sa Sining Panteatro, ang ilan sa kanila ay magtatapos (sana, sana) sa pagtatapos ng Marso. Kanina, nakasalubong ko na naman ang ilan sa kanila. Sa gitna ng ngiti, may kaunting kurot sa loob. Nagdasal ako na sana, sana, pag nakausad na sila, sana’y huwag din nilang makalimutang makaalala.


