34

Pag tinatanong ako kung ilang taon na ba ako ngayong taon, ang unang pumapasok sa isip ko ay “35,” kahit na sa totoo’y kaka-34 lang nitong Enero.  Testamento siguro kung paano ako nabibilisan sa panahon sa ngayon.  O kung gaano ako nababagalan sa sarili.  Sa sobrang bilis/bagal, Hulyo na’t ngayon pa lang sinusubukang i-update ang blog sa kung ano ang mga nangyari sa pagdiriwang ng dagdag na isang taon sa sariling buhay.  Kung anuman, ang sabi ng iba, huli man at magaling, huli pa rin.  Na magaling.

Ang naiisip kong leksyon mula sa nakaraang anim na buwan ng ikatatlumpu’t apat na taon ko–matutong mag-adjust, magbalanse sa mga sariling plano at sa kung ano ang gustong mangyari ng iba.  Maiksi ang panahon at minsan ay maiksi ang pasensya ng mga mahal sa buhay, kaya hindi maiiwasang maggigiitan ng mga gustong gawin at ng mga kung paano gagamitin ang oras.  Kailangan ko lang tandaang sa bandang huli, ang ugat ng lahat ng mga pasikut-sikot, lalo pag mga mahal sa buhay ang kasama, ay ang pagnanais na maging masaya ang lahat.

Kaya, maiksi man ang bakasyon sa Baguio, dumagsa man ang langaw sa labas ng restaurant na kakainan at hindi makapasok pagkat may kasamang aso, nagkagulo man kung sa Tagaytay o Los Banos dapat pumunta, nagkabeke man pagkatapos ng lahat ng pakikipagtagpo, kailangan kong matandaan: uy, nakapag-Baguio ako; uy, nakakain ako, may pambili ako ng pagkain, para sa mga taong malapit sa akin; uy, buhay pa rin ako, in fairness.  At sa totoo lang, dahil sa pinalad na magkaroon pa ng kaunting panahon dito sa mundong ito, nabawi ko naman ang mga ginusto kong mabawi, para sa mga taong ginusto kong makasama.  Siguro’y maihahabol ko na ang kanilang mga kuwento pagkatapos kong i-upload ang mga salita at mga larawan dito.

At oo, anim na buwan na lang, 35 na.  Ambilis, pagkabilis-bilis.  Mabuti’t may mga mababalikang ganito, mga alaalang makakapagbigay ng ngiti.  Nginiting nagsimula noong unang linggo ng 2016, umandar hanggang sa aktuwal na kaarawan, natuldukan pagkalipas pa ng isang linggo.  Tatlong linggong pagdiriwang, not bad.  Not bad at all.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.