Kaibigang E,
Nagkamali siya.
Ang sabi ko, sipilyo lang ang dala ko. Ang dinig niya, wala akong dalang sipilyo at makikigamit ako ng sipilyo niya.
Nanggaling kami sa isang lakad. Videoke. Kain. Inabot ng madaling-araw. Baka mas okey nang makitulog ako sa kanila, sabi ng kaibigang nakasama sa lakad.
Anim na buwan na kaming magkarelasyon noon, at sa pagkakatanda ko’y marami na naman kaming napagsaluhan bukod sa mga kuwentuhan. Marami akong hindi pa nababanggit, maraming mga nasa patlang at mga pagitan. Pero kayo kong sabihin, sa pagkakatanda ko, na ang reaksyon niya sa posibilidad na makikihati ako ng sipilyo sa kanya ay katumbas sa iniisip kong reaksyon ng isang taong pakakainin ng isang mangkok na tae. At base sa reaksyong iyon, nalaman ko, nalaman bagaman hindi ko pa maamin sa sarili noon, na iyon na ang simula ng isang pagwawakas.
Humigit-kumulang limang taon na ang pangyayaring iyon, at ito ang naisip ko bilang panimulang tugon sa naibato mong tanong. Humigit-kumilang tatlong taon na ring naghihintay ng tugon ang tanong na iyon, kung tama pa ang pagkakaalala ko.
Sa aking pagkukulang, humihingi ako sa iyo ng paumanhin. Hihiling din ako ng dagdag na pag-unawa at kaunti pang panahon. Panahon para makumpirma kung paglipas ng humigit-kumulang limang taon ay magkatumbas ang mga damdaming naging kalakip ng pananahimik at pagsisiwalat. Karagdagang pasensya para mabuno ang pinakatotoong sagot. Gaya nga ng sabi ng isang paboritong makata, “ang katotohanan ay gawaing masalimuot.” Balitaan mo ako kung sa tingin mo’y nauna ka nang nakahanap ng paliwanag, ang sagot na sa tantiya mo’y mas katanggap-tanggap.
Salamat at hanggang sa mga susunod pang imbestigasyon.
V
***
Larawan ni Mark Dalacat mula sa dulang We Choose to Go to the Moon. Ang piyesa’y bahagi pa rin ng 31-day Writing Challenge ngayong Agosto.
