Bulung-bulungan na ng marami pero mas marami ang hindi naniniwala—tanggap na naman ng Diyos iyon, na anuman ang kuwentong may kaugnayan sa kanya, palaging mas marami ang kulang sa pananampalataya.
Pero oo, totoo ang mga bulung-bulungan. Na paminsan-minsan, pag nababagot na siya sa kung saan man ang totoo niyang tirahan, o kung gusto lang niyang makihalubilo at tingnan nang mas malapit ang estado ng mga bagay-bagay, totoong bumababa siya, nagkakatawang-tao, nakikihalubilo sa mundo. O sa mga mundo. Mundo o mga mundo, may mga bulungan pero hindi pa ito kumpirmado.
Pero totoo, ayon sa mga bulung-bulungan, na kasama ang ating mundo sa mga mundong binibisita ng Diyos. At sa isang partikular na panahon, naisipan ng Diyos na mamalagi sa Sagada. Manirahan bilang isang katiwala sa isang pangkaraniwang bed and breakfast.
Nawili ang Diyos sa Sagada, lalo’t nagsimula siyang tumuloy dito bago maipalabas ang pelikulang That Thing Called Tadhana. Bago pa dumugin ang lugar ng bata-batalyong turista. Bago mayanig ang mga makitid na kalsada ng dagundong ng mga UV at iba pang sasakyan. Bago pa mapamudmuran ang paligid ng Echo Valley ng mga balat ng Jollibee at iba pang basura ng kapatagan. Bago pa ang sanlaksang barkada promo packages. Naroon na ang Diyos. Kung bakit siya nanatili, walang may alam ng dahilan. Baka may pananalig siya sa kapasidad ng tao na magbago. Baka may nais lang siyang patunayan. Anuman ang dahilan, nanatili siya, ayon sa mga bulung-bulungan.
At sa isang partikular na araw ng kanyang pananatili, doon sa payak na bed and breakfast, nanuluyan ang isang grupo ng mga bakasyunista. Mga naghahanap ng mga kagila-gilalas na pakikipagsapalaran sa kabundukan, nangangarap na sumigaw sa Echo Valley o abangan ang sinag ng araw sa Kiltepan, o uminom ng serbesa sa may restaurant na Gaia, katulad ng nangyari sa pelikula. Maraming hinahanap ang mga bisita, mas marami sa inaasahan ng Diyos.
“Kuya, yung heater ng shower hanggang medium lang ang gumagana.”
“Boss, talaga po bang walang wifi?”
“Manong, pwede papalit nung isang bed? Medyo dirty kasi.”
At sinunod ng Diyos ang gusto ng mga tao. Lumipas ang ilang araw, dumami ang mga hinaing ng mga bisita.
“Ganito ba talaga yung yoghurt dito, maasim?”
“Yung kurtina po kuya, masyadong manipis. Papalit naman.”
“Kuya may nakalimutan po kami doon sa restaurant, pwedeng pakibalikan na lang? Naka-park na kasi kami saka napagod na doon sa cave connection.”
At nagpatuloy ang mga utos at hinaing ng tao. Ang tatlong araw ng long weekend ay nagmistulang walang-hanggan para sa Diyos. Ganito kaya ang pakiramdam ng purgatoryo? Maaaring ganoong ang naisip Niya.
Sa araw ng Linggo, araw sana ng pahinga ng Diyos, nagdesisyon ang mga bisitang mag-extend ng dalawa pang araw. Bahala na si Batman. Minsan-minsan lang naman. YOLO. Hindi naging masaya ang Diyos sa desisyon ng tao.
Mula sa pamamasyal sa Bomod-ok Falls, habang nagmemeryenda sa may terrace ng bed and breakfast ang mga bisitang tao, patuloy silang nagbato ng mga hiling at utos sa Diyos.
“Boss, saan ba pwedeng magpa-laundry dito?”
“Kuya , baka may kasama kang bababa ng Sagada, baka pwedeng magpa-takeout ng Jollibee.”
“Manong, manipis pa rin po yung kurtina, pakipalitan uli.”
Ang isang bisitang mahilig magpatawa, sa Diyos ay humirit.
“Manong, tinatamaan kami ng araw dito sa terrace. Pwedeng pakitanggal yung araw?” Sabay tawa ng mga bisitang tao.
Tumingin ang Diyos sa grupo. Itinigil ng Diyos ang kanyang pagwawalis. Ngumiti siya, napangisi.
“Sige po.”
***
Gusto ko lang sabihing naisip ko na ito bago pa makita yung trailers nung pelikulang tungkol sa Diyos na nagtatago. Saka napanood ko na rin naman ang pelikulang Dogma kaya keri lang din. Para sa 31-day Writing Challenge.