20 – Si Pilandok at ang mga Lumba-Lumba

2

Para sa 31-day Writing Challenge, ipapakita ko ang isang maagang bersyon ng kwento ni Pilandok. May ilang nabago noong naisaentablado ito noong Mayo 2016, sa produksyong Meta: mga Aralin sa Pagsasalaysay. Sina Gabo Tolentino at Roco Sanchez ang naging mga aktor na gumanap sa iba-ibang tauhang bahagi ng buhay ni Pilandok.

***

Datu Usman:
Lechon, morcon, kaldereta, ensalada! Mansanas, ubas, persimmon, malalaking bayabas! Ay, natikman ko na lahat, pero kumakalam pa rin ang sikmura. Ang pinuno’y laging gutom, laging kailangang ngumasab!

Kawal:
Ano po ang inyong ipapahanap?

Kawal:
Sabihin lang ninyo’t kami ay susunod!

Kawal:
May putahe bang nais matikman ng inyong lingkod?

Datu Usman:
Kuwento ng aking Ama, ng ama ng kanyang ama, ng mga naunang ama, sa dalampasigan, naroon ang mga nakatagong yaman! Masarap ang inihaw, malinamnam ang torta, pero hindi ka pa raw nabubuhay kung hindi natitikman…hindi natitikman…

Kawal:
Ang alin, kamahalan?

Datu Usman:
Itlog ng pawikan! Humayo, mga kawal! Humayo sa may dalampasigan. Dakpin ang mga itlog, kunin ninyong lahat. Walang ititira, uubusing lahat!

(habang naghahanda ang mga kawal, makikitang nakikipaglaro si Pilandok sa mga lumba lumba at iba pang hayop sa dagat; ang bata, magpapakita. Mukha siyang nagugutom)

Bata:
Ang sabi ni Inay, ang sabi ni Itay…
Ang sabi ni Kuya, ang sabi ni Ate…
Kinukuha nilang lahat.
Mga pananim, mga alaga.
Wala silang tinitira.
Nagugutom daw ang Datu,
Nagugutom ang pinuno.
Bakit ganoon,
Gusto ko pa sanang maglaro,
Pero may halimaw na kumukutkot
Sa loob ng aking tiyan.

(lumalangoy at naglalaro sina pilandok at ang mga lumba-lumba)

Lumba-lumba:
Lumba-lumba, lumbay ay napapawi pag may kaibigan.
Lumba-lumba, bawat pasyal ay isang pista

Pilandok:
Kung may kaibigang kasama!

Lumba-lumba:
Kung kaibigan ang kasama, lumba-lumba!

(matitigil ang kasiyahan sa pagkulimlim)

Lumba-lumba:
May nakaambang panganib lumba-lumba
Sa malayo, mga kawal, paparating, lumba-lumba
Lumba-lumbag, naririnig, naririnig mo ba sila?

Pilandok:
Naaabot na ng tenga ko. Mga kawal, maingay,
May hinahanap.
“Ang mga pawikan!” Iyon ang kanilang sigaw.
Ang mga itlog, kakainin, kakainin nilang lahat!

(magmamadali si Pilandok. Aayusin ang mga itlog. Ang iba’y itatago. Darating ang mga kawal, may engkwentrong magaganap. Hindi mapapansin ni Pilandok na napapatay ang mga lumba-lumba at iba pang kaibigan dahil abala siya sa pagliligtas ng mga itlog).

Pilandok:
Anino ang aking kaibigan.
Itatago ko ang mga itlog ng aking mga kaibigan.
At pag di nakatingin ang mga kawal,
Ang mga buslo nila’y papalitan.
Bato! Bato ang ilalagay sa sisidlan.

(aalis ang mga kawal, masaya sa una si Pilandok pero mapapansin niyang nawawala ang mga kaibigan. Makikita ang isang lumba-lumba na inanod sa dalampasigan).

Pilandok:
Kaibigan!

Lumba-lumba:
Lumaban kami lumba-lumba,
Lumaban para sa mga kaibigan.
Lumba-lumba kami’y nasugatan,
Lumba-lumba, kaibigan, paalam.

(maiiyak si Pilandok)

Pilandok:
Para saan, para saan?
May talino pero para saan?
Lalaban pero para kanino?

(may maririnig sa alon, multo ng lumba-lumba, o kahit na anong boses)

Lumba-lumba:
Ang bayan ang kaibigan,
Ipaglaban ang bayan.

Pilandok:
Hahanapin ko ang may kagagawan!

1

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.