Mailap ang imik sa kanyang nasa tapat ngayon ng cashier, habang pilit na tiningala ang mga makulay na item sa menu. Mahirap lalo’t hukot na ang katawan niya, at liban sa marahang pag-alog-alog, parang hindi na gumagalaw. Ang mga nasa ikalima hanggang ikaanim na bilang sa pila, malakas ang pagpalatak at paghirit ng “anubayan, ambagal!” Saka sila napahiya’t sinaway ang bawat isa noong nakitang matanda pala siyang nasa harapan. May ilang lumipat kabilang pila, sabay pasok ng mga bagong tagapuno sa naiwang puwang.
“Yung senior citizen meal po ano Ma’am?” Hindi galit ang tono ng kahera, pero may kurot ng pagmamadali. Malinaw ang tanaw ng kahera at nakikita niya ang mga nasa likuran ng kasalukuyang customer. Kahera na ang naging boses ng matanda. “Yung may drink po ano Ma’am, iced tea lang po talaga kapag sa senior;” “May libre po kayong fries dun sa burger, yung bacon topping na lang po para ready na ha.” Mahigpit ang kapit ng matanda sa limang daan at senior citizen’s ID, abot-langit ang ngiti habang tinatangkang makita ang magiging diskuwento sa computer ng kahera. Kahera na ang nagsalita. Alam na ng matandang hindi niya matatandaan ang eksaktong bilang, pero malinaw sa kanya, may nabawas. Mula sa lampas isang daan, naging lampas nobenta pesos na lang ang babayaran.
Malayo ang itsura ng aktuwal na fries na nasa menu. Coke sana ang oorderin ng matanda, pero hindi na naman masama ang iced tea. May pagnamnam ang matanda sa bawat kagat ng burger, sa kaakibat na patatas ng senior citizen meal, sa lagok ng iced tea na sa imahinasyon ay malamig ba baso ng Coke. May apat na piraso ng isangdaan at kaunting barya ang matanda, tatlong piraso na lang sana kung nakalimutan na naman niya ang card niya. Inilagay niya ang natirang pera sa dala-dalang pitaka, ang ilang patak ng barya, ang apat na piraso ng isang daan. Ang natitirang pera ng matanda sa buong buwan. Hindi na masama, sasabihin niya sa kausap niya kung nagkataong may kausap siya. Hindi na masama.
***
Kung anuman, meron na NITO. At isasama ko ang picture ng mga magulang ko dahil senior citizen na si Papa at si Mama ay excited na sa mga magiging discount niya pag senior na rin siya.
