Tak-tak-tak

IMG_6440

1.
May kakaibang lakas ang pagbagsak ng ulan nitong mga nakaraang linggo. May mga araw na nakikita ko kung paano ito humampas sa bubong, sa mga pader ng bahay, sa silungan ng mga asong naaanggihan ng tubig. Ang kabilang loteng tinatambakan ng lupa para mapantay at matayuan ng townhouse, paminsan-minsan nang nagulantang sa biglaang pag-angat ng tubig. Walang nakapagsabi sa mga manggagawa doon na bahain ang parteng iyon dahil nasa gitna ng dalawang paangat na bahagi ng kalsada.

Anuman ang lala ng pangitain, may mga piling araw na mas nasisindak ako sa kung paano nagpapadagundong ang tubig mula sa langit. Mabilis at pabugso-bugso nitong dinudurog ang pananahimik ng gabi, o ang dapat sana’y mahinahong pagbangon ng umaga. Pinapaalala ng tunog na minsan ay may mga bagay na mas madagundong sa langitngit ng sariling isip.

2.
Pinutol ang punong manggang tumatabing sa bahay naming may ikalawang palapag at ang katapat na simbahan sa katapat na kalye. Sa loob ng maraming taon, nakilala naming ang punong ito bilang tagapagluwal ng mga pinakamaasim na bunga. Nitong nakaraang mga tag-araw, nagkaroon ng ilang bahagyang pagbabago sa lasa ng mga manggang dati’y nakareserba lang para iburo o ipakain sa mga napapasyal na maya. Paunti-unti, nagkakaroon ng tamis. Kahit berde at matigas pa ang balat, hindi na nila taglay ang asim na dating kaakibat ng kanilang identidad. Baka bumabawi, o nakaramdam ng nakaambang panganib. Baka sa batas ng langit, talagang gumaganda ang mga pangit at tumatamis ang mga maasim kapag nalalapit na ang kanilang pagwawakas. Anuman ang paliwanag, nakiiyak naman ang langit sa pamamaalam ng punong nilagari’t ibinuwal.

3.
Dalawang linggo pa lang ang pagkamatay ng mangga, at hindi pa ako sanay sa pagkawala ng tabing, sa pagitan naming nakatira sa bahay na may ikalawang palapag at sa kanilang dumadayo sa simbahan para manalangin. Dati, sanay akong lalabas sa terrace nang nakatapis lang ng tuwalya. Presko mula sa pagligo sa kuwartong nasa mataas ding bahagi ng bahay. Noong unang linggo, medyo nahihiya pa ako. Pagsapit nitong ikalawa, habang bumabagsak ang madagundong na ulan, inari ko na lang ang aking kahihiyan at inako ang sariling katawan—buto, taba at lahat. Sa kurtina ng tubig, habang nakatayo sa terrace, habang pinagmamasdan ang mga debotong hindi makaalis ng simbahan dahil walang payong at walang masakyan, inisip kong lahat sila’y nakatingin sa akin. Nakatingin at nasisindak, nag-aabang ng aking sasabihin. Sa aking imahinasyon, kinakausap ko sila, umaalingawngaw ang tinig na kayang hiwain maski tubig-ulan:

“Magsiluhod kayong lahat—narito na ang inyong tunay at kaisa-isahang panginoon!”

4.
Sa klase, nabahagi sa isang diksusyon ang “Patung Lucu,” o kapag isinalin ay parang “estatwang nakakatawa.” Kamukha ng estatwang ito ang mga ibinebentang dekorasyong gumagamit ng tubig, iyong may maliit na sisidlang may mga makina at tubo, may tubig na dumadaloy at nagpapagalaw ng mekanismo’t nagpapatuloy ng siklo. Imbes na ordinaryong kawayan lang, ang Patung Lucu naman ay kinakabitan ng estatwang nasa hubog ng nakahubad na lalaki, at ang kahoy na tubong tumataas-baba ay ipinoposisyon na parang titing tumataas at bumababa, humahampas din sa isa pang kahoy na nakahimlay sa aparato. Tak. Buhos. Tak. Buhos. Tak. May ritmong nabubuo sa pagpuno ng tubig sa kahoy na burat.

Sa ibang pagkakataon, sa parehong guro, napag-usapan naman ang mga diksyunaryong iba ang kahulugan ng “kantot.” Imbes na diretsahang sabihing ito ang salitang katumbas ng pagtatalik, itinutumbas ang “kantot” para sa “mayabang na paglalakad” o sa “pagiging hambog.” Bakit hindi sabihin ang kahulugan nang ayon sa paggamit? Bakit sa Oxford dictionary, ang “fuck” ay hindi naman “to walk proudly” kundi “to have sexual intercourse?” Bakit mababastusan kung ginagamit at ginagawa naman? Mababago ba talaga ang pagkantot kapag sabihin ng diksyunaryong hindi pala ito tungkol sa kantutan kundi tungkol sa mayabang na lakaran? Paminsan-minsan, gaya ng aking idolong guro, iniisip ko rin ang mga iyan. Paminsan-minsan, dahil makulit ang daloy ng utak at minsan ay hindi mapigilang mamasyal sa mga teritoryong hindi sinasadyang puntahan, minsan napapaisip—si Sir naman, dami namang example tapos burat at kantutan pa ang napagpilian. Baka may pinaghuhugutan. Tak. Buhos. Tak. Saka babalik sa pag-iisip, ang ipinapakita ba ang maiisip o ang pinapantasya ba ang palagiang masisilip? Tak. Buhos. Tak. Maaaring may pinaghuhugutan. Maaaring wala. Maaaring tubig na salamin ang mga salita ng guro, pwede rin namang tubig na sumisirko’t sumisiklo lang sa sarili kong imahinasyon at utak. Tak. Buhos. Tak.

5.
Natataranta at nasisindak ako sa mga sandali ng paglimot. Noong isang buwan, hindi ko maipaliwanag kung bakit hindi ko matandaan ang pangalan ni Enchong Dee, hindi pa naman siya residente ng Laos, sa aking pagkakaalam. Noong nakaraang linggo, hindi ko maintindihan kung bakit hindi ko alam na si Angeline Quinto nga pala ang kasamang kumanta ni Jona sa ASAP (natandaan ko namang “Jona” na si Jonalyn, bakit hindi ko matandaan na si Angeline si Angeline?). Pag nakikitulog sa bahay ng mga magulang, habang nasa sofa bed na kalatag katabi ng kanilang kama, habang mulat pa ako’t sila naman ay naghihilik, minsan mapagmamasdan ko sila at may mabilis na pagyanig. Bakit parang hindi ko sila kilala? Bakit parang ibang tao sila? Pagkalipas ng saglit ng sindak, babalik uli ako sa tahimik na silid, at mapagdedesisyunang hindi ko naman sila talaga nakalimutan, hindi naman usapin ito na hindi ko sila makilala, nagkataon lang na tumanda na lang sila, kaya may mga nag-iba. Minsan may ganitong reaksyon pag kausap ang mga kaibigan at kakilala, isang mabilis na pakiramdam na hindi iyon ang totoo, hindi ito ang tunay na mundo, pero babalik lang ako sa pag-iisip na ayan, ayan ka naman, nag-iimbento ka na naman ng mga panibagong tunggalian, ng mga panibagong problema.

Iyong saglit ng pagkagulat, iyong maliit na pagyanig, iyong kapirasong sindak, minsan ay may ganoong pakiramdam kapag nanggugulat ang mga pagpatak.

DSC0275

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.