Playwright’s Fair 2022

Naimbitahan ako para lumahok sa panel ng Playwright’s Fair, isang proyekto sa ilalim ng programang Virgin Labfest. Kolaborasyon ang VLF ng PETA Writers Bloc at Cultural Center of the Philippines.

Sa panel ng mga mandudula sa akademya ang aking nalahukan. Ipapabasa ko sa inyo ang mga talang naihanda ko para sa araw na ito. Karamihan dito ay nabasa ko naman, bagaman binawasan ang ilang bahagi dahil sa limitasyon sa oras. Naging masaya at makabuluhan para sa akin ang bahaginang ito. Narito ang mga tala:

Notes for Playwright’s Fair

Nagsimula ako bilang taong mahilig manood ng dula, na naging tagalitrato ng mga dula, at minsanang tagatingin sa gamit ng Filipino sa dula (para ito sa Orosman at Zafira 2010 ng Dulaang UP). Pagkalipas ng ilang taon sa ganitong mga papel, napagkatiwalaan akong magsulat bilang collaborator sa Rizal X ng DUP noong 2011, at nagsimulang magsalin at gumawa ng mga adaptasyong noong 2012.

Teatrong nakabase sa akademya ang kalakhan ng aking karanasan, na ang disenyo ay bilang isang kinomisyong manunulat, tagasalin, at mandudula. Ibig sabihin ng “kinomisyon,” maaaring requirements sa klase ang produksyon o proyektong dula—kahingian sa tesis, special project, major subject o gawain ng isang school-based organization—at nakasama ako bilang manunulat o tagasaling hiwalay sa gurong tagapayo ng mga dula. Nakapagtuturo ako sa pamamagitan ng mga pre-production workshop at rehearsals, pero ang primaryang papel ko ay iluwal at ipaunawa ang mabubuong script ng dula sa mga mag-aaral at sa iba pang mga kalahok sa produksyon. Paglipas ng halos pitong taon ng pagiging kinomisyong mandudula, naging paksa ito ng pag-aaral para sa aking disertasyon.

Sasaluhin ko ang mga naibahagi nina Guelan at Urie, sa pamamagitan ng pagdudugtong sa isa pang usaping may kaugnayan sa mga dulang nakabase sa akademikong institusyon—paano nasusukat kung nagtagumpay ang dulang ipinalabas at nakabase sa mga paaralan? Susubukan kong hatiin sa tatlong malaking grupo ang mga posibleng batayan.

Una, kung academic requirement ito, natapos ba ang kurso at nakakuha ng pasadong marka? Para matugunan ang unang batayang ito, magkakaroon ng ilan pang sub-batayan:

• Ano ang criteria sa silabus para pumasa ang mag-aaral?
• Ano ang maaaring ituro o ibahagi ng mandudula na hindi lumilihis o sumisira sa mga kahingian sa silabus (o, maaari bang maggiit ng bagong parametro ang mandudula?”)
• Ano ang mga gaps sa silabus at sa poetika ng mandudula at paano ito napagkakasundong mapunuan?

Sa karanasan, ang mga nais sabihin ng mandudula ay unti-unti rin niyang naiipon at natututunan habang nagsusulat at patuloy siyang nagsusulat ng mga dula, sa tulong ng interaksyon sa mga nakakasama sa produksyon. Samantala, nakakatulong ang mga tiyak na kahingian sa silabus o kurikulum para mahimay at mapalabas ng mga mag-aaral na bahagi ng produksyon ang mga nais itawid ng dula. Halimbawa, sa isang proyektong hinugot mula sa The Trojan Women, ang dulang Mal ay unang isinaentablado bilang special project noong 2014. Sinubukang ipasok sa bersyong ito ang kaso ng disinformation at desaparecidos, mga paksang sa ilang pagkakataon ay “mataas” masyado para sa mga sophomore student ng UP, na walang mga required na kurso sa panitikan at lipunan at wala ring required na immersion o community engagement. Mas naging madali ang proseso ng pagpapaunawa sa restaging ng Mal noong 2017, sa kurso ng community theatre sa UP Los Banos. Mas madali, dahil bukod sa may kursong community theatre sa UPLB na wala sa Diliman, nakahayag sa silabus nito ang kahingian ng paglubog at pakikisalamuha sa komunidad na pagbabatayan ng dula. Nirebisa ang Mal ayon sa nakuhang mga tala at danas sa komunidad ng Sitio Buntog sa Laguna, at nagkaroon ng panibagong buhay at sigla ang produksyon.

Ang pangalawang batayan, ang intensyon ng mandudula at kung paano ito nakikipagtalaban o nakikipag-usap sa intensyon ng silabus, ng mga faculty adviser, ng mga mag-aaral na kalahok sa produksyon, ng mga tao, grupo at institusyon na nagbibigay ng pahintulot o pagbabawal na maipalabas sng produksyon. Ilan sa mga tiyak na tuntungan nito ang sumusunod:
• Mission-Vision ng akademikong institusyon, at kung katulad o kaiba ba ito sa intensyon ng mandudula
• Status ng mandudula at mga kalahok sa produksyon (may awards ba, mataas ba ang akademikong degree na natapos, may kinikilala na bang malawak na koleksyon ng mga akda)
• Mga teknikal na kahingiang repleksyon din ng relasyon ng akademikong institusyon sa ibang mga institusyon (partikular sa pagsasalin o pagpapalabas ng mga dula na gawa ng mga manunulat mula sa ibang bansa).

Ilang konkretong kaso sa pangalawang batayan ay ang pagpapalabas ng mga salin ng mga bagong dulang dayuhan patungo sa Filipino. Sa pinakamaiksi, ang namamayaning prinsipyo ay mas bagong manunulat, mas maraming limitasyon sa tagasalin. May bayad para sa pagsasalin at sa pagpapalabas ng salin, minsan ay magiging pag-aari na ng orihinal na may-akda ang mismong salin. Bawal ilihis ang salin sa panahon o lugar na malayo sa orihinal. Sa billing sa ga pubmat, laging una ang orihinal na may-akda. Sa mga kasong mas lumang materyal ang isasalin, o gagamit ng bagong-sulat na orihinal na dula, kailangang magpasa ang manunulat ng kanyang curriculum vitae at buod ng dula, para sa pag-apruba ng mga principal, dean, o sinumang namumuno sa paaralan. Kung ang mission-vision ng unibersidad ay itampok lamang ang talento ng mga mag-aaral o makabuo ng mga commercially viable na theatre artists, kailangan ng karagdagang trabaho at pahintulot upang makapagpalabas ng dulang bukod sa talento at pagiging world-class commercially ay may pananagutan din sa pagtalakay ng mga isyung panlipunan. Sa sariling danas, may isang dulang-salin ng akdang base sa United Kingdom, na base naman sa isang kuwentong-bayan ng Tsina. Dahil sa bago ang akda, hindi na namin magawan ng maraming pagbabago ang salin. May isa pang kaso ng saling nakalagay sa kontratang pag-aari na ng kumpanya ng original author ang magiging salin sa Filipino, na hindi ko na natanggihan pagkat “graduating” status na ang mga kalahok sa produksyon at ang pag-antala sa palabas ay mangangahulugan din ng pagkaantala sa kanilang pagtatapos. May ilang pagkakataon namang iniisip kong nagkabisa ang pagiging “two-time” Palanca winner ko—tatak na nakalagay sa CV—para maging mas madali ang approval ng mga mungkahing dula at makasingit ng mga adbokasiyang sa tingin ko ay dapat maibahagi sa mga kasama sa produksyon.

Pangatlong mahalagang batayan, bukod sa sariling obserbasyon ng mandudula, saan pa maaaring kumuha ng mga konkretong panukat sa mga naitawid ng dula, para sa mga gumanap at nanood na dula? Ilan sa mga posibleng konkretong tuntungan ay ang sumusunod:

• Tala mula sa mga reflection paper, tesis o special project paper
• Production book
• Published reviews ng mga produksyon
• Marketing tools gaya ng hashtag na ikinakalat sa social media
• Iba pang mga tala kaugnay sa naisagawang produksyon (director’s notes, video commentaries, atbp.)

Sa special project paper ko nadiskubreng ang lahat ng notes ko para sa mga aktor ng isang thesis prod ay pinakansela ng direktor at sinabing huwag sundin, kaya nagkaroon din ng pagkalito sa mga aktor. Mainam na nailalatag ang mga tiyak na panahon at parametro kung kaian, saan, at sa anong mga kapasidad ilalatag ang puna ng mga kalahok sa produksyon. Sa production book ng Mal sa UPLB, may nagtala sa repleksyon ng mga mag-aaral na habang makabuluhan ang paksa ng dula, sana ay naipalabas ito sa Sitio Buntog mismo (at bagaman hindi na ito nagawa sa kaso ng Mal, inilapat naman ito sa susunod na taon, sa kasunod na produksyon ng ibang manunulat, para sa kursong community theatre). Sa mga komento sa Twitter at Facebook naman nakita na ang isang dulang adaptasyon para sa Teatro Lasalliana—ang Deliryo sa El Nino na base sa A Midsummer Night’s Dream—ay naging patok para sa mga nakakatawang linya at paggamit ng temang may kaugnayan sa kabaklaan. Hindi masyadong nagrehistro sa social media ang sinubok kong ilahok na mensahe tungkol sa pagbabalik ng lupa sa mga magsasaka, pero muli, ang disenyo naman ng organisasyong nabanggit ay para sa pagtampok sa talento ng mga mag-aaral at pagbibigay ng aliw sa komunidad ng De La Salle University Dasmarinas. Kaya maaaring bilang mandudula ay may hindi ako napagtagumpayan, pero sa kaso ng nagkomisyong paaralan, tagumpay na tagumpay sila.

Sa dulo nitong pagbabahagi ay nais kong magdagdag at magpatulong sa pagtatasa at pagmumunimuni sa ano kaya ang mga posibleng nagbago kaugnay sa aking mga nasabing batayan sa tagumpay ng dula, kung danas sa panahon ng pandemya ang pag-uusapan. Sa kaso namin sa UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, mula 2020 ay may intensyonal na paglalahok ng mga kuwento, tao, pananaw, at kritika sa COVID-19 pandemic sa aming mga itinuturong kurso. Ginawa at ginagawa namin/natin ito habang pinoproseso at inuuwa itong sakit at karanasang sariwa at nakapipinsala sa atin. Siguro, sa pinakamadali, unang-una sa maaaring gawin o ilahok ng mandudula ay ang pagtatangkang ilahok ang pagkilalang oo, may pandemya, at napinsala tayo nito. Kahit na ito lamang muna ang maipakita sa mga produksyon sa panahon ng pandemya, tingin ko’y malaking tagumpay na ito.

Ang isang dulang ibabahagi ko sa dulo ng presentasyon ay ang produksyong Prinsipe Bahaghari, na tesis ni Aina Ramolete para sa kursong BA Arts Studies at proyektong inilunsad din sa tulong ng kanyang organisasyong Teatrong Mulat ng Pilipinas. Itong adaptasyon ng The Little Prince ni Antoine de Saint Exupery ay sinumulang pag-usapan sa dulo ng 2019. Naabutan ng pandemya ang pagtatangkang ipalabas ito sa pisikal na entablado.

Maraming nais itawid sa produksyong ito pre-pandemic—paggamit ng Filipino na nakapagmumulat, gaya ng bisyon ng tagapagtatag na si Amelia Lapena Bonifacio, pagpapakilala sa mga mito sa Pilipinas, pagpapahalaga sa kalikasan (na naitulak dahil sa pagputok ng Bulkang Taal noong 2020), pananatili ng tila batang mata sa pagtanaw ng makulay na daigdig. Sa pagpasok ng COVID, inabutan na ng pagkaantala ang pagpanaw ni Lola Amel, at lumaganap din ang pangungulila para sa pagbalik sa pisikal na teatro. Kaya noong 2021, sa pamamagitan ng recorded premiere ng physical staging ng dula, bukod sa mga intensyong nailatag ay naging mitsa ng pag-asa itong palabas, para sa pagbuo ng mas maligayang daigdig, at isang madamdaming pagkilala at pag-unawa sa mga mahal sa buhay na kinuha na ang katawan dito sa pisikal na mundo.

Ang pangalawang mapapanood ay clip mula sa Si Alice Usisa, sa Lupain ng Hiwaga, na ipinalabas para sa Children’s Theatre Class sa UP Los Banos, sa gabay ng gurong si Jeremy Dela Cruz. January 2022 ang staging date ng palabas na ito, isang panahong nagkaroon na ng ilang batuhan ng pagtanaw kaugnay sa tunay bang teatro ang teatrong itinatanghal at napapanood sa mga screen ng cellphone at computer. Bilang tugon, sinubukan naming gumawa ng bersyon ni Alice na nabubuhay sa Pilipinas, sa panahon ng pagkakaroon ng pandemya. Bukod sa pagtatala sa danas ng COVID-19, ipinasok ang isang mala-videogame na disenyo—maaaring piliin ng audience kung sino sa apat na mahiwagang tauhan ang unang makakausap ni Alice Usisa. Maaari ring magkomento sa Facebook livestream ang mga manonood sa bawat tauhan o segment, at maaapektuhan nito ang ikikilos ng mga tauhan—kantang aawitin ng Pusang Masaya, pagkain o inuming ikokonsumo ng kunehong nagmamadali, sagot sa bugtong o trivia na ibinabato ng Magtatsaang nakasumbrero o ng Reyna Baraha. Limitado pa rin ang interaksyon, dahil sa dulo ay magigising pa rin si Alice Usisa, at isasagawa na niya ang mga leksyon tungkol sa pagkalinga sa kapwa, sa pag-unawa sa mga magulang na naapektuhan ng COVID, at sa pag-asam sa araw na makakalabas ang lahat, makakalaro at makakalikhang muli. Sabay itong tangkang magtala, magbigay ng pag-asa, at magmungkahi ng balidasyong ang birtuwal na espasyo ay isang tahanan din.

Panoorin natin ang dalawang clip sa dalawang dulang pambata, at sana’y maalala ninyo ang mga naibahagi ko tungkol sa mga bakas ng tagumpay ng dulang pampaaralan habang pinapanood natin ito. Maraming salamat sa inyong panahon at pakikinig.

***

Salamat kay Skyzx Labastiila sa larawan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.