Pero sigurado si Mama, sinabi raw ng pari noong misa ng palaspas, na magkikita-kita ang lahat sa susunod na Linggo/linggo, pag nabuhay nang muli si Hesus. Natatandaan ni Mama, inulit pa nga raw ng tumatanggap ng donasyon. Umaga, 6:30. Sigurado si Mama.

Pero sarado ang simbahan pagdating namin. 6: 31 na noon, at walang katau-tao. Nakakandado ang mga lagusan. Walang nakaparadang ibang sasakyan. Takang-taka si Mama. Sigurado naman siya sa oras at petsang sinabi ni Father. Naniguro pa siya sa babaeng naabutan ng donasyong pinag-ipunan. Kasama pa man din namin ang bunsong kapatid, na mas mailap makabisita tuwing Semana Santa. Gumising pa naman ang lahat nang pagkaaga-aga. Bumili pa man din si Mama ng macaroons sa palengke ng Taal, at nagsama pa ng tasty mula sa Red Ribbon. Isinuot pa naman niya ang bakuna blouse na kulay rosas, blouse na sa sobrang espesyal ay isinuot pa lamang niya sa pangalawang pagkakataon (ang una, kaarawan niya noong nakaraang taon).
Bakit hindi ninyo sinigurado? Saan na tayo pupunta? Kanino tayo magtatanong, wala namang ibang taong makokonsulta? Saan pa ba may misa? Mula sa magkahalong puyat, gutom (wala pang nakakapag-agahan), at panghihinayang (sa oras, sa nawalang tulog, sa planong hindi nagawa), ang simpleng target na magsimba, magpasalamat at maging masaya ay naging paligsahan sa kung sino ang mas matalas ang memorya, kung sino ang mas tama, o kung sino ang mas marapat na maasar. Pagkalipas ng ilan pang palitan, sa pagitan ng mga namumuong katahimikan sa sasakyan, si Mama na ang nagpaubaya, Nagbitaw siya ng tahimik na “sorry” mula sa likod ng sasakyan. At nagmungkahi ng ibang mga simbahang maaaring puntahan.

Habang lumilipas ang inis at namumuo ang pagka-guilty sa paghahanap ko ng masisisi, sinabi ko nang may tono pa nang pagsusungit (na kahit ako ngayon ay nagtataka kung bakit ba kinailangan pang magdagdag ng tono ng pagtataray), susubukan namin sa katedral sa Lipa pero kung wala talagang parking ay uuwi na lamang kami. Umoo naman si Mama, sige raw, mahina pa rin ang boses. Noong nasa stoplight, naipaalala niyang may simbahan sa kaliwa, malapit sa karinderyang nakaplanong kainan namin pagkatapos ng misa (libre raw niya, dahil masarap ang chami at Goto Batangas, siguradong magugustuhan ni Bunso). Bukas ang simbahan, pero walang misa. Ilang oras pa ang aabangan kung nais naming makipagdiwang sa pasko ng muling pagkabuhay.
Magdarasal na lang daw kami, sabi ni Mama. Maluwag at maaliwalas ang simbahan, at may ilan ding napaaga ang dating. Siguro kung may misa, komportable kaming makakapakinig sa sermon at iba pang ritwal. May tirikan ng kandila, iba’t ibang kulay para sa iba’t ibang intensyon. Kumuha kaming tatlo ng kanya-kanyang kandila—pagsuko, pasasalamat, kalusugan, at iba pa. Nagdoble ang kapatid kong kandila para sa pera. Sinindihan ko naman ang lahat, more chances of winning ang naging moda. Kaming tatlo, lahat kami, nagsindi ng isang kandila para sa pamilya.


Bago umalis, humiling si Mama na makapagpalitrato siya kasama namin ni Bunso, sa tarpaulin ng napuntahang simbahan.


Sinubukan namin ang karinderyang nakaplanong kainan para sa panlilibre ni Mama. Mukhang nag-usap ang pari ng saradong simbahan at ang may-ari ng karinderya. Kahit bukas na kasi ang kainan, maraming wala. Walang chami, walang Goto Batangas laman, walang inihaw na liempo, kahit ang kahera at cook ay nawawala. Baka pauwi pa lamang mula sa kanilang naging pahinga mula sa trabaho. Kumain kami ng natatanging mayroon sa menu—ang Goto Batangas na assorted o yung may mga lamang-loob. Hindi naubos ni Mama ang kanin, at matigas pa raw ang laman ng ulam. May mali nga yata sa aming araw, nasabi niya dahil sa magkasunod na mga mintis.



At para lang subukan kung hanggang saan kami iiritahin ng kamalasan, nagyaya akong pumunta sa kapehang hindi naman ganoon kalayo pero kailangang umakyat sa mataas at paikot-ikot na kalsada. Kapehan sa may bangin, na si Mama rin naman ang naunang nagkuwento at nagrekomenda. Suwerte, may ibang mainit na kape bukod doon sa barako. Nakatsamba si Mama ng mocha, kami naman ng kapatid kong bunso’y umulit ng iced white chocolate mocha at iced macchiato. Naubos naman ang inumin namin bago pa bumuhos ang malakas na ulan. Three-hit combo na kami, kung nagkataon.

May inorder na seafood si Mama para sa aming Easter lunch, pero nagpasabi na noon pa ang kapatid kong maaga siyang aalis. Ako naman ay naisip na agahan na rin ang biyahe pa-QC para makaiwas sa mga uuwi mula sa kani-kanilang bakasyon. Sabi ni Mama, papakuluan na lang niya ng Sprite ang nabiling scallops at hipon, para maiuwi namin at matimplahan na lamang ng keso o kung anuman ang aming gusto. Sa baon-baon kong cooler, inilagay din ni Mama ang natirang pineapple juice, kalahating honeydew, at balot ng tapa at longganisa mula sa byahe noong nakaraang araw. Mga alaala ng ilang araw ng pamamasyal at pagkain nang magkakasama.

Malakas pa rin ang ulan sa byahe pauwi. Bukod sa mga pagkain at larawan, bitbit ko ang pag-iisip tungkol sa panghihinayang, at kung paano minsan, dahil sa sariling pagod o/at kakapusan, nakakalimutang higit sa paghahanap ng masisisi at paggigiit ng pagiging mas tama, mas mahalaga pa ring alalahaning maiksi at lalong umiilap ang mga saglit na kapilig ang mga mahal sa buhay. At habang sinusubukan at susubukan kong iproseso kung bakit sa mga minsanang saglit ng pagsasama’y pinipili ang mainis at magkainisan, nananalangin akong may karagdagang oras pa para magwasto, para iparamdam kay Mama at sa mga taong mahal ko na laging may ligaya at pasasalamat sa mga sandaling kasama sila, masunod man o malihis sa plano, may misa man o wala.