Siya’y nakahimlay. Ang mukhang nakatingala’y dumudungaw
at nadidismaya sa telang tahimik na tumatabing,
ngayong ang daigdig at ang buong kabatiran ng kanyang iniibig,
siyang hiniklat mula sa malay nitong nagmamahal,
ay nagpatihulog na sa panahong ubod ng manhid.
Silang nakita siyang buhay ay walang malay
Sa kanyang pakikipagniig sa lahat ng lumilipas;
pagkat ang mga ito, ang mga lambak dito, itong mga dayami’t damo,
itong mga batis ng lumalagaslas na tubig, ito ang kanyang mukha.
Oo, ang kanyang mukha’y itong pinakamailap na puwang
na humahagilap sa kanya’t patuloy na nanunuyo’t nabibigo;
at ang kanyang balatkayo, na doo’y unti-unting nauupos,
maselan at lantad, ay di hihigit sa wangis
ng sirang bungang umaalingasaw sa hangin.
*Salin ng “The Poet’s Death” ni Rilke. Dahil World Poetry Day daw ngayon, kahit technically ay pang-World Translation Day ang ginawa ko. At ang cover photo ay larawan ng painting ni Marija Vicente.