Tala*

(isa itong piyesa ng pagsasaling naisagawa halos isang taon na ang nakaraan.  iba’t iba ang pinagmumulan at pinag-aalayan nitong kahangalan, pero ganoon naman yata talaga ang pagsusulat.  laging mahina ang nauunang magsalita, laging unang nasusugatan, pero gaya rin ng naisulat ko noon, kahanga-hanga silang nangahas masaktan at umuwing may pilat pero buhay, handa sa mga kasunod na pakikipagsapalaran)

***

Maraming maitatala sa kasaysayan ng aking kahangalan.
Ang ilan ay ilalaan sa paglaban sa kamalayan,
tulad ng  gamu-gamong pumailanlang, naabisuhan man,
na patuloy na lilipad palapit sa kandilang lumiliyab.

May ilang aasinta sa pagpatda ng bagabag,
iyong munting bulong, babala man sa kutob, na tinalikuran.
Ang iba’y hiwalay na tatalakay sa ligaya at yabang,
sa mga oras na kabilang ako sa kanilang mga tagasunod,
walang kaalam-alam, kung lumakad ay hambog.

Ngunit lahat sila’y may natatanging paksa, pagnanasa,
pansarili man lang – pero hindi, hindi na rin;  ay,
Ako’y umiral pagkat ninais maging kapares ng iba.
Nasindak ako sa kung anong bangis at libog ang nasa loob.

Ang kasaysayan ng aking kahangalan ay hindi na maisusulat.
Una sa lahat, gabi na.  At ang katotohanan ay gawaing masalimuot.

*salin ng “Account” ni Czeslaw Milosz

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.