Sobrang wala akong masabi. Mukhang ito ang tema ng mga nakaraang buwan. Maraming nasasabi, pero lahat ay malayo sa aktuwal na punto. Na nakakatakot kung nasa linya ka ng sining na umaandar sa pagtatawid ng katotohanan sa pamamagitan ng mga salita.
Tatlumpung taon ng pamumuhay sa iba’t ibang mga salita, tatlumpung taon ng mga pangako at panatang natutupad at hindi, sa sarili at sa iba, mula sa sarili at mula sa iba. At eto, narito ako sa puntong kaunting pagbaluktot lang ng napag-usapan, kaunting pagpako sa pangako, kapirasong tabing–gaano man kaputi at kanipis–sa pagsasabi ng iniisip kong “totoo,” eto’t gumuguho ang mundo ko. Nag-iimbento’t nagtatahi ng pagkarami-raming istorya tungkol sa mga manloloko’t sinungaling. Maraming mukha, laging may bahid ng sakit at pagkadismaya.
Kailangan kong intindihing para sa iba, hindi ganoon kabigat ang mga salita. Kailangan ko itong intindihin nang may sariling pagtataya sa aking mga sariling pangloloko (dahil sino ba naman ako para magsabing ang bersyon ko lang ng “totoo” ang natatanging totoo?). Pero pasensya, manunulat ako, nagsusulat ako, at ang buhay ko ay nasa pananampalataya sa mga salita. Kailangan kong maniwalang may dangal sa pagbibitaw ng mga pahayag, na may kaakibat itong responsibilidad at integridad. Pagkat pag hindi ko ito pinaniwalaan, ano pa’t nandito ako sa mundong ito?
Kaya ang solusyon–ayoko naman kasing lumangoy sa sakit at lungkot at pagod ng panghihinayang–babaan ang standards, bawasan ang ekspektasyon at mag-loosen up; o magpalit ng pamilya/kaibigan/sinumang nakakaugnay sa araw-araw. Pero kahit naman sino’y alam na ito ang tipo ng pagpipiliang wala namang iisang panalo at talo, ni hindi nga yata ito contest o laro-laro lang. Walang sigurado.
Kahit pa may mga pahayag na sa pagpapakawala’y parang buong uniberso ang sumasang-ayon: lahat ay gustong magmahal at mahalin; walang may gustong makasakit o maging sanhi ng sakit; kahit sino naman ay gustong maging masaya.