Noong nakaraang linggo, habang nagmamaneho at nagbabatuhan ng usual kulitan kasama si Laurence, nabanggit ko na balak kong gumawa ng pelikula o kuwento o kahit ano na umaandar lang sa hugot ng pangalan ng milk tea place na Zentea. Sabi ko, kunwari lahat ng taong nasa Zentea ay may mga ikinakasenting bagay. Nagpalitan kami ng mga hirit, na pagkalipas ng isang linggo ay inilagay ko sa Facebook bilang status:
Gusto ko sanang gumawa ng pelikula na inspired ng milktea shop na ZENTEA, kung saan lahat ng nasa shop ay masenting tao. Halimbawa:
(Magtatanong ang customer kung may gumagamit ng bakanteng upuan na malapit sa isa pang customer)
Customer1: excuse me, may nakaupo ba sa chair na yan?
Customer 2: meron, dati. Ngayon, wala na (sabay tingin sa kawalan).
***
Cashier: sir/ma’am, ano po yung sugar level ng drink ninyo?
Customer: kahit ano na lang, kasi kahit anong tamis naman, nauuwi rin sa pait (papatak ang luha).
***
Customer: kuya, may panukli ba kayo sa 1000?
Cashier: meron po, ako lang naman po ang laging hindi nasusuklian kahit na ibigay ko ang lahat-lahat e (matutulala).
—-
Hindi ko naman naisip agad na maraming matutuwa sa post na ito, usual kulit moment lang naman sa FB na halos lagi kong ginagawa, kapag hindi nagdadrama o humihirit ng sariling kasentihan. Pero ayun nga, mukhang naka-inspire ng maraming like, at ng maraming share, at ng sarili nilang mga sharing. Ibabahagi ko ang mga naibahagi nila, pero iyon, gusto kong ibahagi ang naalala kong kulitan noong nakaraang Setyembre, kasama naman ang mga kaibigang tagateatro na sina Fitz at Paj.
Nakatrabaho ko silang dalawa sa dulang ADARNA ng Dulaang UP, at simula noon ay nakakatambay-tambay na rin. Sa partikular na tambay night na iyon, para maiba naman, dinala ko sila sa Centris, doon sa tindahang nakainan ko na dati–ang Echostore.
Naisulat ko na sa isa pang blog ang dati naming napag-usapan, na ang buod ay imbes na “Echostore” ay “Echos Store” ang tawag sa tindahan, at lahat ng naroon naman ay punung-puno ng kaechusan. Halimbawa:
Customer: Magkano po yung lotion?
Tindera: Libre po yan, sir.
Customer: Ay wow, talaga?
Tindera: Echos lang.
Nasenti ako sa mga biruan naming iyon, nasenti sa pagtambay kasama nila, noong nakita ko ang maraming positibong reaksyon sa nabuong biro tungkol sa Zentea. Naaalala ko sila, gaya ng mga inaalala ng mga kadikit sa FB ng kani-kanilang Zentea moments.
—-
Maraming mga kasamang guro at manunulat sa UP ang natuwa sa munting biro na ito, gaya nina Judy Taguiwalo at Ed Maranan. Sabi pa nga ni Ma’am Judy noong ibinahagi niya sa network niya ang link ng status ko, ang pagsesenti sa Zentea ay hindi lang romantiko kundi pwede ring pulitikal, at mula doon ay nagkaroon kami ng kaunting bahaginan sa comments section ng post niya:
Mahirap na hindi masenti ngayon sa UP, sa mga panahong gaya nito. Maraming nagbabago, maraming napapalitan. Marami ang nalungkot at naalarma sa Diliman dahil sa resulta ng nakaraang University Student Council Elections, maraming kabado sa buong UP community dahil sa mga implikasyon ng pagmamadali sa pagbabago ng academic calendar sa unibersidad, sa posibilidad pagkawala ng job security at iba pang pinanghahawakan sa pagdating ng K-12. Baka isang araw, may magsabing “o sige, wag na tayong nag-tenure muna ng mga untenured na empleyado;” baka bukod sa Zentea ay may Jollibee o Mcdo (o Italianni’s, para sushal) sa puwestong dati’y para sa Beach House, at matatawa ang lahat ng batang makukuwentuhan natin sa hinaharap, sa kuwentong minsan, noong unang panahon, nasa may Sunken Garden ang pinakamasarap at pinakasulit na barbecue sa buong sansinukob (na baka hindi naman din sobrang totoo, ganoon naman ang pagsesenti, laging may nababalikong alaala sa pagbabalik-balik, at totoo namang mas maliit na ang barbecue ng Beach house kesa noong ako ang freshman, o baka iyon ang pagkakatanda ko); baka nga dumating ang araw na may mga Marcos Hall na sa campus, at marami pang edipisyo na dudurog at papalit na sa mga nakasanayan nating Bulwagang Palma, Bonifacio, Rizal. Baka isang araw, habang nagsesenti sa Zentea, maaalala natin ang UP dati, ang mga dating mahalaga, mga dating ipinaglalaban. at mapapabuntung-hininga. Naalala ko tuloy ang isang tulang ipinabasa sa amin noong 2001, noong kakalipat ko lang sa Kolehiyo ng Arte at Literatura at kumukuha ng Humanidades 1:
Sa Moviola
Jose Juan Alvarez Dela Rosa
Nakaupo tayo sa tabing bintana. Hangang-hanga ka sa mga lumang litrato ng artista sa dingding. Ako naman namamangha sa jazz, sa lambing ng piano, sa maasukal na awiting “It’s Summertime” at “Somewhere”. Sa pagitan ng paghigop mo ng “Papillon”, at ako naman ng “Lost Horizon”, naulinigan natin ang orakulo ng manghuhula sa sulok at ang halakhak ng matrona sa aking likod.hinuhuli mo ang lasa ng kahlua; habang ninanamnam ko ang cointreau. Pilit nating dinedekonstrak ang Field of Dreams at pinagtalunan kung maganda nga ba ang Orapronobis. Tapos, napunta ang usapan sa marxismo, semiotika, hermenyutika at pagkatapos ay sa katulong mong sabi mo’y minura mo na naman kanina. Napansin ko ang tatlong kabataan sa labas; itinuro ko sila sa iyo. Ang isa pa’y nakaluhod, ang isa’y tumatakip sa kanya, at ang isa pa’y palinga linga. sampung segundo lang yata at pagkatapos ay tumakbo sila. Pulang-pula ang ipininta nila sa sementong gilid ng Remedios Circle. Ah, oo, sabi mo. oo nga pala, segunda ko. ikalawampu’t limang taong anibersaryo ngayon ng Kabataang Makabayan.
—-
Mukhang kahit noon pa ay marami-rami nang nagsesenti tungkol sa mga nawalang panahon, nawalang tao, nawalang tindig at paniniwala. Marami nang buntung-hininga ang naihinga kasabay ng milk tea o kapeng hinihigop sa de-aircon kainan. Pero hindi pa nga ito ang nakakatakot, sa tingin ko. Kasi, tingin ko, pag nagsesenti, kahit nasa Starbucks man yan o Zentea o kung saan mang sarado at komportable at tila malayo sa katotohanan, habang nanghihinayang sa mga alaala, habang may nakakaalala bagaman nanghihinayang, may pag-asa.
Isipin natin, halimbawa, isang araw, sa isang panahong mas karaniwan na ang Zentea kesa Lutong Bahay sa Area 2, sa isang panahong Agosto na ang Unang Semestre, sa eskuwelahang may mga edipisyong nakapangalan kina Sy at Virata, isang hindi malayong realidad, kung saan may dalawang magkaibigang nagsesenti habang namimili ng blueberry cheesecake o red velvet na kasabay ng kanilang iinumin:
Customer 1: naaalala mo ba noong may mga usapin tayong iniisip na lampas sa kung anong cake ang kakainin natin kasabay ng tsaa natin sa Zentea?
Customer 2: Hindi. Umorder ka na lang.

