Natext ng isang kaibigan isang araw bago ang kaarawan ko, nami-miss daw niya ang bahay namin. Paano, dati kapag birthday mode ako ay laging nagpapahanda sa bahay. Nitong mga nakaraang taon, parang umiiwas sa malakihang selebrasyon, o sa pagdiriwang na maraming tao. Sabi ko sa kaibigan ko, natatakot akong magpahanda dahil baka walang pumunta. Naalala ko kasi noong minsan napadaan ako sa may Bahay ng Alumni sa UP, may nakita akong isang debutante na naghihintay sa mga bisita. Magara ang pagkakaayos ng events area, may long table para sa handa, may isang espesyal na seksyon para sa patong-patong na baso ng halohalo–yelo at gatas na lang ang kulang sa mga sangkap na nakasiksik sa loob. Kaya lang, maulan ang hapon na iyon, baka nagdadalawang-isip ang mga naimbitahan, baka natrapik, baka nalunod sa baha. Maraming malikot na ideya ang naglalaro para sa aking napadaan lang at nakita ang debutanteng naka-gown at nakaupo sa upuan, nakapangalumbaba, nag-aabang. Minsan, sa gitna ng lahat ng napagkatandaan, naroon pa rin ang takot na mag-imbita ng mga tao papunta sa iyong pugad, sa iyong espesyal na okasyon, at maghintay nang maghintay sa mga bisita na hindi dumarating.
Gusto kong amining sa paglipas ng maraming tao, mayroon pa ring maliit na kurot sa bawat mensahe ng di pagdating, o sa mga patlang. Di ko nga alam kung nawawala iyon o kung mawawala pa. Inaamin kong may ganito akong mga irasyunal na kaba.
Wala akong tiyak na plano sa nagdaang kaarawan, bukod sa isasama ko ang pamilya ko, ang kaibigang si Tanya at si Laurence. Isang maliit na grupo na magkikita sa Laguna, bahala na ang kasunod. Gusto ko lang silang bahagian ng kaunting biyayang naitabi mula sa nagdaang holidays.
Doon sa Paseo de Santa Rosa, sinalubong ako nina Pia, Nimra at Barrick–ang hipag at mga pamangkin; si Papa kasama si Alejandro, ang asong bunso ni Papa; si Mama na may dalang cake. Buti di ako bumili ng cake, nasabi ko kina Tanya at Laurence, bilang may tendensiya din akong maging segurista sa mga bagay-bagay at naisip magreserba ng cake sa sariling pagdiriwang. Masasabi kong iba pa rin pag ibang tao ang bumibili at nagbabahagi ng cake sa espesyal mong okasyon.
Pagkatapos ng pagkanta ng “Happy Birthday,” nangyari ang saglit na tanghalian (saglit, pagkat gutom na ang lahat). Noong matapos, pinaglaro ang mga pamangkin sa Timezone. Kaming mga feeling bata ay nag-ipon ng ticket sa mga palaro. Pinakamaraming kaming napagwagian sa larong “Deal or No Deal.” Naging sapat ang napanalo namin para makapagpalit ng dilaw na bola, para kay Barrick.
Noong pagkalabas ng Timezone, saka nagkayayaan umakyat. Tagaytay. Kahit saan doon, walang malinaw na plano, bahala na. Doon kami sa People’s Park in the Sky napunta. Mas malayo at mas mataas kung ikukumpara sa Picnic Grove, at mas malamig. Lahat kami ay walang nadalang panlamig, wala naman sa plano. Tumingin kami sa tanawin mula sa itaas, piktyurpiktyur, lakad-lakad. Bago umalis, nasabi ni Mama na may nakita siyang videokehan sa isang banda. Sakto, pagdating namin doon ay kami lang ang customer. Naka-quota kami sa birit, kahit kinakatihan ng lalamunan dahil sa lamig.
Sa daan pauwi, sumubok ng ibang ruta, at doon nakita ang dating bahay na pag-aari ng mga Marcos. Pichurpichur at kwentuhan uli. Pinagtawanan namin ang biro ni Papa, tungkol sa mga pinya na hindi niya mabibili dahil sa ibang ruta kami dumaan. Kung alam lang daw niyang sa ibang daan bababa, nakabili na sana siya. Mas nakakatawa ang aktuwal na pangyayari kesa dito sa aking pagsasalaysay. Basta, sa pagkakatanda ko, magaan ang pakiramdam ng lahat. Busog sa pagkain, pasyal, kanta, kuwento, mga larawan.
Habang nakahiga kinagabihan, isa-isang sinilip o/at binalikan ang mga taong nagpahayag ng pagbati. Hindi maiwasang kiligin at masenti nang sabay, kahit pa paminsan-minsan ay may nakakasingit na mga mensaheng nagpapaalala ng trabaho o mga bagay na hindi ko gustong pag-isipan o balikan muna sa araw na nagpapa-feeling special ako. Di ko man gusto, nauunawaan kong kinakailangan ang dalawang klase ng mensahe, at hindi ko sila mapaghihiwalay. Attitude na lang sa kung paano ipoproseso, doon na lang ang labanan.
Itong mga edad trenta pataas, ito na dapat ang edad na dapat ay maraming malalimang repleksyon, dapat ay maraming nahahayag na makabasag-mundo at matitinong mga realisasyon. Pero ang mga naiisip ko, tingin ko’y mga puntong nariyan na naman at pwedeng panglahat–maraming puwersa ang wala sa ating kontrol, lalo ang damdamin ng sarili at ng iba, kaugnay sa usapin ng mga responsibilidad at mga nagawa sa nakalipas; Walang nasasayang na sandali at effort kung para ito sa pamilya, lalo sa mga magulang, at masayang umabot sa edad na napapangiti at napapatawa mo ang mga magulang mo at dito nagmumula ang malaking bahagi ng pagngiti at pagtawa mo; pasayahin ang mga bata habang may pagkakataon pa silang maging bata; kada dagdag na araw ay biyaya, dahil isa siyang bagong araw para pagandahin o pagandahin pa lalo ang sitwasyon, hindi lahat ng tao ay nabibigyan ng ganoong pagkakataon.
Ang huli, na baka cliche at madaya dahil alam kong mababasa ito ng mga taong kasama ko (magmumukhang nagpapalakas, pero ganoon talaga ang birtuwal na mundo e, idadalangin ko na lang na sana ay magmukhang sincere), ang pantuldok sa natapos na tatlumpu’t dalawang taon–maraming takot na dala ang kawalan ng plano, maraming kaba sa pagpunta sa mga lugar na iba sa nakasanayan, laging may masayang adventure at surpresa basta kasama ang mga taong sigurado kang gusto ka ring makasama.












































