Abril 2012 noong ginawa ko ang Facebook album na may pamagat na “Ang Saya.” Kakabalik ko lang mula sa deactivation. Nag-deactivate, may pinagdadaanan. Noong nag-reactivate, nag-upload ng mga larawang nakuhaan ko noong Pebrero hanggang Marso, noong hanggang bago ako magbukas uli ng social networks at mag-log in. Ang punto ng album, ang punto sana, ipakita ang mga nakita ko noong naging invisible ako sa mga ka-Internet. Sana, ganoon ang plano ko noon, maipakita ko ang mga nakita ko noong nawala ako, noong/habang may pinagdadaanan, at sana ang maipapakita kong nakita ko noong/habang may pinagdadaanan ay mga bagay o lugar o taong sa paningin ko ay maganda o may ganda.
Bagong taon ng 2013 ako nag-isip na bumalik sa Sagada. Ang unang punta ko, 2004. Kasama ang mga Tito at Tita, kasama ang bunsong kapatid, noong nabagot sila sa Baguio at naisipang idiretso ang biyahe. Hindi namin alam na halos walong oras ang aabutin. Pero noong nakarating doon, may hindi maipaliwanag na saya. Natulog kami doon at kinabukasan ay pumasyal sa isang kuweba. Hindi ko na matandaan kung aling kuweba ang napuntahan, bilang nakikisabay lang. Basta alam ko, gusto kong bumalik. Babalik ako.
Katext ko ang isang kaibigan noong pumasok ang 2013. May pinagdadaanan din siya, sa pagkakatanda ko. Sa pagkakatanda ko, taon naman iyon ng mga kaibigang may mga pinagdadaanan (kailan nga ba naman walang pinagdadaanan?). Hindi nakuhang scholarship, natapos na relasyon, hindi napanalunang contest, iba-ibang baryasyon. Basta natatandaan kong nagbukas ang taon na marami sa amin ang may pakiramdam na hindi ito ang gusto naming pakiramdam. Isang di matukoy-tukoy na butas, isang espasyo sa loob na hindi mapangalanan. Pag-ibig, kapanatagan, katuparan ng pangarap sa karera, hindi, hindi eksaktong mapangalanan ang eksaktong kinakailangan. Pero sa text ng kaibigan, nagyaya siya, sabi niya, lumabas kami. Kasi di ba, pag may pinagdadaanan, pumupunta sa kung saan, mas madalas nga’y sa malayo sa siyudad. Hindi niya alam, habang katext ko siya, katext ko na ang isang kaibigang bumati ng Happy New Year. Katext at natanong kung sa Sagada nga ba siya nagdiwang ng bagong taon. Ang kaibigang taga-Sagada, hayun at doon nga sumalubong. At naisip kong sige, bumiyahe nga ako, doon gamitin ang natitirang bakasyon. Nagsimula na ang bagong taon, ang mga magulang ko’y babalik na sa Cabuyao dahil may pasok na sa kasunod na araw. Ang bunsong kapatid, may ibang lakad. Ayokong maiwan nang mag-isa sa bahay. Mag-isa na nga sa buhay, mag-isa pa sa bahay (sabi na nga, noon kasi’y may pinagdadaanan). Niyaya ko ang isa pang kaibigan, ang kaibigang nagyayayang lumabas. Ambilis ko naman daw magdesisyon. Sabi niya, next time, sa susunod sasama na siya. Alam kong pag naging magkasundo ang aming mga oras at sitwasyon, matutuloy ang aming lakad.
Aaminin kong sa isang sulok ng imahinasyon, hinihiraya kong pagdating doon, doon sa malayo, kung saan man ako mapadpad, may makakatagpo akong isang estranghero. Isang bagong kaibigan. Isang bagong-katagpong dadalhin ako sa isang masayang adventure. Sa loob ng ilang araw, ililigtas niya ako sa kung ano ang pinagdadaanan. Pero mukhang sa pelikula lang–sa pelikula o sa ilang napakasuwerteng mga tao–nangyayari ang ganoong mga sadyang di-sadyang pagtatagpo. Sa totoo lang, bukod sa kaibigang pinuntahan doon, ang nakilala ko lang ay isang asong ligaw, isang babaeng may pinagdaraanan din, isang dayuhang kamukha ni Mario Batalli at isang dayuhang kamukha ni Barry Manilow. Lahat sila ay hindi ako ang hinahanap. Kung anuman, at baka isa iyon sa mga leksyong natutuhan ko o kailangan pang mas matutuhan, hindi ako pinabayaan ng kaibigang nag-imbita sa akin doon. Walang malayong destinasyon, walang kaba sa panganib kung alam na may kaibigang nag-aabang sa kabilang dulo. Hiniling kong maging ganitong klase akong kaibigan sa lahat ng pagkakataon, sa abot ng makakaya ko.
Kumain kami, namasyal. Kumain pa. Mula sa Sagada, nag-Besao. Pagkatapos ng Besao, Banaue naman. Noong namasyal sa kakahuyan, kinuluan ng tiyan dahil sa inagahang yogurt. Kakasabi ko pa man din sa kaibigan kong ang kinakatakot ko sa pamamasyal sa mga bundok ay pag tinamaan ako ng pagtatae at walang banyo at hindi ko alam ang gagawin. Nalaman ko naman. Sa pagkakataong ito, hindi ko pa nakita ang araw sa Kiltepan, naikuwento lang. Baka iyon ang naging kulang, baka may iba pa. Basta nasabi ko, kahit nakalimang araw na ako sa paggala, babalik ako. Babalik dahil may babalikan.
At nakabalik naman. Mayo naman, pagkalipas ng ilang buwan. Ang dating isa, umakyat na may kasama pang tatlong kaibigan. Hindi ko alam kung dapat kong aminin kung mayroon o wala ba silang pinagdadaanan noong umakyat kami, baka sila dapat ang magsalaysay ng mga ganoong istorya. Pero sa isip ko, isasama ko sila. Ipapakain ang mga nakain dati, papasyalan ang mga napasyalan at pupuntahan nang sama-sama ang mga lugar na hindi ko nabisita noong huling punta. Mas maiksi ang panahon, sa pagkakatanda ko, pero nakapagkuweba kami nang lampas apat na oras, lumusot sa kung saan-saang mga butas, kumapit sa lubid, naglakad, naglakad, naglakad. Unang maghapon pa lang iyon, pero parang napakarami na naming nagawa.
Wala na ang kaibigan kong dating pinuntahan, nasa Maynila siya noong umakyat ako nang may ibang kasama. Pero sa pamamagitan ng text, nakisuyo siya sa pinsan niya. Tinulungan kaming makakontrata ng mga papasyalan, ng mga bantay na makakasama. Kahit ang hindi namin napuntahan noon, kahit hindi kasama ang kaibigang tagadoon, ipinahanda niya sa pinsan niya. Kaya ang araw sa Kiltepan na sa kuwento ko lang narinig dati, nakita naming apat, kaming nagsama-sama sa pagkakataong iyon.

Hindi ko naisip na makakabalik pa ako agad-agad pagkatapos ng aming YOLO moment/s. Marami kasi akong naiwanang mga gagawin. May binabantayang opisina, may mga dulang nakapilang irebisa at isulat. Hindi ko agad napansin, pero dumarami na pala uli ang mga bagong nakikilala, dumarami kahit hindi naghahanap. Ginawa ko lang ang mga iniisip kong dapat kong gawin, pumasok, nagsimulang magturo, nagsulat, nagsulat, nagsulat, kumuha ng mga litrato, nagsulat at nagsulat at nagsulat. Sa proseso, may naramdaman. Kapanatagan, pag-ibig, ligaya, parang ganoon pero walang eksaktong pangalan, walang eksaktong lugar o isang ispesipikong tao o sitwasyon. Mga pira-pirasong pagkabuo. Hindi singbilis ng pelikulang may isa o hanggang dalawang oras na buhay, tiyak na mas mahaba pa doon, pero naroon, naroon sa puntong hindi na ako nagbibilang o nahuhuli ang sariling naghahanap ng mga wala o kulang o mga hindi pa dumarating. Hindi palaging ganoon, pero minsan ganoon nga. Parang ganoon.
Bumalik ako sa Sagada noong 2014. Mayo, pagkatapos ng pagpapagamot ni Papa, pagkatapos ng pag-aayos ng mga bagay na may kaugnayan sa pera at pamilya. Pagkatapos ng pagdaos at pagpaparaos ng mga kaarawan, Pasko, Bagong Taon na may hiling na mas bumuti pa ang mga bagay-bagay. May pinagdaraanan pa rin. Parang walang nagbago, pero mayroon. Kakatapos lang noon ng isang bagong dula, na pagkatapos na pagkatapos ng huling palabas ay nilayasan namin, ng aking bagong kasama sa adventure.
Hindi namin napuntahan ang pagawaan ng pottery noong huling 2013 kaya naman sa pinakahuling punta, ito naman ang sinubukan. May falls na kaming napuntahan noon, pero mayroon pa raw mas malaki. Sige, ayoko na namang magkuweba muna, baka falls ang mas masaya. Hayun, masaya ang papunta.
Iyong pagbalik mula sa pinakababa papunta doon sa pinanggalingan sa taas, hayun, ibang usapan na iyon. Pero anumang hina ng trenta’y dos anyos na tuhod, ayos lang basta may makakasamang tukod.
Hindi ko alam kung kailan ako/kami babalik. Kung sino o sinu-sino pa ang makakasama. Nakakanerbyos sa isang banda, nakakapanatag din naman kung sa ibang anggulo iisipin. Sabi sa pelikula, sa pelikula at sa kanta, “where do broken hearts go,” at sa totoo lang, hindi naman talaga madaling sagutin iyan. Tulad ng mahirap sagutin nang diretsahan kung broken nga ba talaga ang heart, o baka nagdadahilan lang; o magsabi ng magaling na magaling ka na, dahil bukod sa parang nagyayabang ay paano ba talaga malalaman ang estado ng mga ganyang pakiramdam? Pero may mga makikita tayo, may mga kantang mapapakinggan, pelikulang mapapanood, mga taong mapapagmasdan. Minsan sadya, minsan hindi, pero makakaengkuwentro natin sila, makakaengkuwentro at parang may makikilala. Parang ako iyon. Parang pamilyar. Parang may pinagdadaanan. Sabagay, lahat naman.
Pero bakit ngayon, bakit parang ayos naman?
Baka tama rin naman ang sabi ng pelikula. Pag nabaligtad ang mundo mo, baligtarin mo uli hanggang sa ang ibig sabihin na ng mundong iniikutan mo ay iyong kahulugang swak sa iyo. Ituloy ang kuwento. Makipagkuwentuhan at pumasyal kasama ng kaibigan, silang laging nagsasabi ng “ano, okey ka lang?” At pag ikaw naman ang nakakaluwag-luwag, pag nagkasama sa pasyal, ano ba naman iyong sila naman ang tanungin kung kamusta ang kanilang lagay? Baka totoo nga ang sabi ng pelikula, na ang mga ganoong klase ng pagmamahal–pagmamahal na napapasyal/napasulat/napakuwento/napagod/napabalik/ napabali-baliktad ka, iyong mga ganoon, imposibleng wala iyong patutunguhan. Parang ganoon.
