Mas madalas ko namang nasasabi, lalo noong naospital si Papa, dumarating ang punto sa buhay ng tao na nagiging mas malay siya sa oras–na namamalayan niyang hindi na pala ito ganoon kahaba, at/o may dulo ito–at sa ganitong realisasyon ay parang tubig na lang na dumadaloy ang mga sandali. Aaminin kong marami-rami ring magdamag akong napapanatiling gising ng ganitong pag-iisip. Tumatawid na halos sa kapraningan, kapraningan na may halong kadramahan siguro.
Medyo umiikot ang mundo ko ngayon sa pagsiguro na masaya at komportable ang mga magulang. Feeling ko, sa lahat ng pinagdaanan nila, deserve na nila ang magaan at chill na buhay, lalo’t tumatanda na sila. Kinikilig ako pag nakikita ko silang masaya, sumasaya ako kapag nalilibre ko sila o napapasyal, napapanatag ako pag alam kong maayos ang lagay ng kalusugan nila. Medyo biased ako sa ngayon, mas magulang kesa kapatid, aminado naman ako doon. Nagi-guilty nga ako pag napapahinto ako at napapaisip nang ganoon, pero kailangan ko ring harapin at mapagkasundo. Kung anuman, alam naman ng mga kapatid kong pag oras ng gipitan, naroon din ako. Kahit ako e hindi naisip na aabot ako sa ganitong estado ng pagkachummy sa pamilya.
Bawat birthday ni Papa ay milagro para sa akin, isa rin siyang selebrasyon ng lahat ng sipag at pagtitiyaga ni Mama na masigurong mabalik sa normal ang pakiramdam ni Papa. Ngayong mas okey ang mga bagay-bagay, parang malabong panaginip na lang ang mga nakaraang taon. Kung anuman, nariyan naman ang mga larawan at kuwentong naitala sa Website. Mabuti’t may naitala kahit paano.
Kasinggasgas siguro ng ganitong realisasyon sa panahon ang mga hiling na kasama nito. Sana’y maging masipag para palakasin ang sariling katawan, para maging mas handang tumulong at maging kabahagi sa buhay ng mga minamahal. Sana mas marami ang sandaling may mga tawanan at ngiti. Sana, huwag munang umalis ang silang mga dahilan kung bakit ka bumabangon kada umaga, sinisikap maging mabuting tao, maging masipag na empleyadong may sapat na lakas at pondo at katinuan para huwag mainis at sumuko sa bawat housing application na na-reject, suweldo o bonus na na-delay, award na hindi nakuha. Sana’y umabot din nang edad ng katandaan, sana’y naging handa sa mga pagkawalang mararanasan sa daan patungo doon, sana’y kayang magbalik-tanaw at nasabing maraming larawan at kuwentong napagdaanan at naging sapat ang mga ito.
Habang wala pa sa pinapantasyang dulo (masama rin namang apurahin ang oras na nagmamadali na nga ngayon), narito ang kaunting larawan at isang video. Mga bakas ng buhay, Ang aking kuwento ng pasasalamat, sa ngayon.











