Gaya ng dati, maraming kwentong nakaimbak sa isip, habang naiipon din ang mga bagong kwentong naeengkwentro sa araw-araw. Gaya ng dati, mas mabilis ang mga pangyayari kesa ang pagproseso, at nahuhuli ko na lang ang sariling ayun na nga, nahuhuli. Mas nagmomodang taking it all in, sige lang, papanoorin ang mga eksena, makikisali kung kailangan, tutugon kung hindi maiiwasan. Baka tama nga ang sabi ng dating gurong yumao na–may potensyal naman ako, mas nangingibabaw lang ang katamaran.
Kung anuman ang katamaran sa paglalapat sa papel, ganoon din naman ang pagkataranta kapag napapansing nagiging mas mailap ang alaala at pag-alala. Kulang na sa multivitamins ang utak, medyo mabagal na ang recall. Noong isang araw, o noong isang linggo, o baka isang buwan, habang nagmamaneho’y natakot ako at nataranta dahil hindi ko matandaan kung sino ba yung artistang nakasayaw ni Kim Chiu tapos ihinulog lang siya sa entablado. Mga limang minuto rin bago ko maalala si Enchong. Sa pagkakaalam ko naman, sikat pa siya at hindi pa ganoon katanda para malimutan.
Kung anuman ang dalas ng ganoong limot moments, ganoon naman ang pagkasaya sa mga saglit na kwentuhan at pagtatagpo, lalo sa mga kaibigang may kanya-kanyang mga bago sa buhay. Bagong baby, bagong pag-aaral sa bagong lugar, mga raket, mga relasyon, mga tinatapos na yugto at mga pagtatangka ng bagong simula. Mas madaling masenti sa mga reunion, medyo napansin kong ganoon ako ngayon. Mas madalas na nahuhuli ang sariling kinakausap ang sarili–isusulat ko ito, tatandaan ko ito, kapag hindi na ako ganoon katamad.
Kung anuman ang mga pangalan at eksenang nalilimot, may pagsulpot naman ng mga alaalang akala ko dati’y wala masyadong pagtatak pero mayroon pala. Iniisip kong mayroon dahil heto, bumabalik siya. Isang araw, isang hapon, papunta sa mall. Baka sa SM, para maiba naman, sobrang dami kasi ng choices bukod sa SM. Natatandaan ko, bago pa lang ang aking sasakyan. Bago pa siya, pero may sira na agad. Maingay ang harap, may kalampag. Sa loob ng kotseng umaakyat, kasama ang dalawang kaibigan. Ang isa’y guro ng aralin sa sining sa isang unibersidad, ang isa’y nagtatangkang maging guro sa parehong institusyon. Pinag-uusapan namin ang text na natanggap ng kaibigang aplikante. Text mula sa boss ng pinagpasahang aplikasyon. May extra interview pa raw, sabi sa text. Extra pasyal, doon sa may restaurant na malapit sa palaisdaan. Doon sa may mga kubo at sariwang huli, doon daw isasagawa ang kasunod na yugto ng aplikasyon. Natatawa kami ng kaibigang guro, dahil mukhang hindi alam ng boss niya–o boss nilang dalawa ng kaibigang aplikante pa lang noon–na magkakakilala kaming tatlo. Kabadong-kabado si kaibigang aplikante, hindi sigurado kung paano ba dapat tumanggi, paano tatanggi sa pinakamagalang na paraan, o paano ba dapat tumugon sa mga ganoong extra sa aplikasyon. Anuman ang isinagawa naming plano–at totoo namang nagplano kami–umusad ang panahon. Ang naunang nagturo doon ay umalis na, may mga bagong plano. Ang dating aplikante na ay guro na/guro pa rin sa pinasukang institusyon. At ako, sa mga oras na ito, naaalala ang aming munting engkwentro. Doon sa aking makalampag na sasakyan, sa parang bago pero may sira, hindi pa sigurado sa mga istoryang magiging karugtong.