Minsan iniisip ko na kapag may proyektong naantala, baka nagpapahinog pa, naghihintay ng tamang signal mula sa Itaas. Pero kahit naiisip ko ito, at naniniwala naman ang utak ko, may kaunting kirot pa rin lalo kapag excited ka sa mga posibleng mangyari kapag naibahagi na ang buong proyekto sa iba.
Ganito ang pakiramdam sa isang planong musical project noong 2014–isang LGBT-themed na musical. Maraming dahilan kaya hindi pa ito naisasaentablado. Pero may ilan nang mga sample/demo na kantang nalapatan na ng musika ni Ceejay Javier, na nakilala ko dahil sa kanyang mga proyekto sa Dulaang UP gaya ng Isang Panaginip na Fili at Ang Nawalang Kapatid. Dito sa kantang nasa blog entry na ito, tingin ko’y matingkad na matingkad ang magandang pagsasanib ng tugtog at titik. Well, syempre biased ako kasi ako ang gumawa ng lyrics, pero iniisip kong may saysay ang aking pagtatasa sa gitna ng sariling attachment sa proyekto.
Dito sa Empake, nagsasagutan ang dalawang personang nasa punto na ng paghihiwalay. May patama sa mga palihim na relasyon, sa mga pagdadala ng kanya-kanyang bagahe, at attachment sa mga gamit dahil sa ikinakabit na mga damdamin at alaala.
Bukas, o sa makalawa, malay natin, baka matuloy na ito. Pero sa ngayon, ayan, patikim. Para sa 31-day Writing Challenge na rin.
Empake
SIM Card na tinanggal mo
Sa telepono mo,
Lumang ticket sa Transformers
(Paborito mo)
Gatas sa ref, napanis
Kahihintay sa iyo—
Paano ko dadalhin?
Poang Armchair na binili mo
Doon sa may Ikea,
Inassemble natin
Mula gabi hanggang umaga.
Ang bedsheet mong Thundercats
sa kamang palochina–
ang putanginang kamang palochina—
Paano ko dadalhin?
Lahat-lahat, paano bubuhatin?
Ang kuwento nating sinisikreto,
Ang pag-ibig mong sabi mo’y pang-“tayo-tayo,”
Ang lahat ng atin, nasa kuwartong ito,
Isisilid, ikukubli sa kahon ng dibdib ko.
Picture natin sa Luneta,
Selfie-selfie with Rizal
Resibo doon sa Chinatown
Wanton noodles, Peking Duck, asado, xiao long bao,
Pasensya ka na, iniiyakan kita (na naman!)
Pero kasi naman, yung mga bigay kong laruan
(isip bata ka talaga, alam mo naman yan)—
Bakit mo naman sila iniwan?
Ang kuwento nating sinisikreto,
Ang pag-ibig mong sabi mo’y pang-“tayo-tayo,”
Ang lahat ng atin, nasa kuwartong ito,
Isisilid, ikukubli sa kahon ng dibdib ko.
Isisilid, papasanin, hanggang sa kaya ko.
Bubog sa mga nabato kong
Plato at baso.
Text mo nung okey pa tayo
– “andito pa rin ako…”
Bills sa pintuang binagsak mo bago ka lumabas—
Ang huling sinabi mo:
“gusto kong magkaasawa at anak…”
Putangina naman!
Ang Chinatown, ang Xiao Long Bao
Putangina naman!
Panis na gatas, ang Thundercats
Putangina naman!
Ang putanginanang kamang palochina!
Putangina naman!
Selfie with Rizal, ang mga Laruan,
Putangina, bakit mo naman iniwan?
Sorry, pasensya, ayokong sumambulat
Ayokong mag-ingay, ayokong magkalat
Pero kasi naman
Pinabuhat mo lahat-lahat
Lahat-lahat, pinabuhat
Walang dinala, wala,
Lahat pinabuhat,
Sa akin
Lahat-lahat
Sa akin
Na para bang di tayo
Naging atin.
Bukas, makalawa, pag-alis ko dito,
Bukas, makalawa, pag nagkasalubong tayo,
Bukas, makalawa, may ibubulong sa iyo,
Bukas, makalawa, sasabihin ang sikreto–
Ikaw lang ang dinala mo.
***
Wala akong bagaheng buhat-buhat
Walang kahong binitbit,
Walang damit sa balikat,
Brand new life, brand new start
Past is past, don’t sweat the small stuff.
Engaged na kami, masaya naman sila,
Na-promote ako kagabi, naisip kita.
Sigurado, sa Chinatown tayo pumunta,
Sigurado, sasabihin mo,
“masaya ako na masaya ka.”
Bukas, makalawa, ibang tao na ako.
Bukas, makalawa, magkakasalubong tayo,
Bukas, makalawa, kahit hindi na ako “ako,”
Bukas, makalawa, sasabihin ang sikreto–
Ikaw lang ang dinala ko.
***
Ikaw lang ang dinala mo.
Ikaw lang ang dinala ko.