4, mula sa “Taong Lobo”

Sanay na sanay na ako. Ala-una, maghihintay ng sampung minuto, magchecheck ng attendance at magsisimulang magtalakay tungkol sa mga kuwento at tula, at kung ano ang kaugnayan nito sa mundo ng tao, sa mga pinapanood sa telebisyon at sine, sa mga kinakain sa araw-araw, sa lipunan, sa pagkatao, sa iba pang mga nilalang at mundo. Kabisado ko na ito. Tatantiyahin kung nabasa ang piyesa. Pag mukhang hindi, magpapa-quiz. Titingnan ang mga score, pag may kaunting bagsak ay lalabas ang mga bagsak. Pag maraming hindi pumasa, ang guro ang lalabas. See you next meeting. Next week, kung hindi pa rin magbabasa. Wala nang masyadong pagdaramdam. Kung hindi pa siguro ako permanente, baka magdalawang-isip pa. Walang pagbabago maliban sa ilang mga inaasahan na ring pag-ayon sa paligid. May baong extra na damit at tubig at pamaypay kapag sa tag-araw ang klase, payong at tsinelas naman kung tag-ulan. Writing exercise kapag hindi gumana ang presentation sa laptop. Pelikula kapag may emergency meeting, o may biglaang lakad, o may pinagkapuyatang ibang bagay at hindi nakapaghanda sa ituturo. Nasa nagdadala lang iyan.

Sir, di ba ang manyak din ni Selene?

Laging may magbabato ng tanong. At palaging hindi siya, hindi siyang mas gusto kong marinig magsalita. Pinag-uusapan namin noon ang tulang isinulat ng isang kaibigan—ganoon naman ang kalakaran, kung magpapabasa lang din ay mga akda na ng mga kaibigan ang gawing readings na pagbabatayan, hindi naman iyon bawal, at kung bawal, e ano naman—tungkol sa mortal na si Endymion at ang diyosang si Selene. Diyosa ng buwan. Kung paano nahumaling ang diyosa sa isang ordinaryong tao, ordinaryong tao pero may extraordinaryong panghahalina.

A thing of beauty is a joy forever. Nabasa ko na iyan dati, Sir. Sir, parang kopya lang naman ito ng gawa ni John Keats. Sir, hindi ninyo kilala si John Keats? Seriously, Sir? Gaya ng dati ay may manghihimasok, at halos palagi, siya pa ang walang kahit na anong redeeming physical qualities kaya naman mas nakakasuklam ang kanyang pangingialam. Uulanin ka na nga lang o manunuyot ang balat sa init, sasabayan pa ng mga ganitong estudyante, matalino pero sobrang pabibo. Mga pakialamero na, panget pa. Sana man lang ay may itsura na, pero gaya ng inaasahan ay sa may pinakanakakasuklam na itsura mapupunta ang mga hirit na hindi kayang tugunan, habang gaya ng dati ay may ibang pumupuslit ng text sa mga bulsa o bag, gaya ng dati ay may tumitirik ang mga mata habang pumipigil ng paghikab, gaya ng dati’y may mga nagtataas ng kamay at gustong makilahok, makilahok pero hindi mapapassin, dahil may ibang gustong tawagin, siya na gustong kausapin tungkol kay Endymion at Selene.

Gaya ng dati, nakatungo lang siya’t gumuguhit-guhit sa kanyang sketchpad. Kabisado ko na siya, laging may kaakibat na drowing sa dala-dalang notebook, mga guhit na malayung-malayo sa mga salitang ibinabato sa klase. Sanay na ako, mabuti na lang at may itsura naman siya. Minsan-minsan na lang sa ganitong klase ng unibersidad makakaranas ng klase may lampas sa limang maayus-ayos ang itsura. Naiisip ko minsan si Louie Boy/ Louise/TS Louise, naiisip ko siya minsan, kahit nasa klase, kahit nagsasalita tungkol sa mga mortal at mga diyos at sa tula at buwan at habambuhay na pagtulog. Naiisip ko ang tanong niya dati, so may nakasex ka na bang estudyante mo, nagsasalita na parang isang kaklaseng nagtatanong kung may crush akong propesor, nagsasalita nang buong pagkanormal sa isip ko pero ang boses ay parang siya na hindi, parang linya niya na gamit ang sariling tinig, o boses ko pero mga linya niya ang hinihirit, minsan ay hindi ko na mapag-iba. Uy, si Sir may bigote o. Gaya ng dati, may makakapansin pero hindi siya. Siya, na gaya ng dati ay gumuguhit-guhit, ngunit imbes na sa fourth o fifth row siya nakaupo, sa unang pagkakataon ay sa harap siya pumuwesto.

Tatawagin ko sana siya para pakinggan ang opinyon niya tungkol sa kapangyarihan ng diyosa ng buwan, sa pastol na mortal ngunit may extraordinaryong dating, sa habambuhay na paghimbing, tinitingnan ng buwan pero hindi makakapiling, pero noong tumapat ako ay natigilan ako sa larawang halos nabuo na niya sa kanyang sinusulatang sketchpad. May buwan ngunit walang pastol, walang Endymion na payapang nakahimlay–sa kanyang papel ay nililikha niya ang isang mabuhok, inuugat, at naninigas na burat, nakaarkong paitaas, nagtutubig ang ulong parang naglalaway sa tinututukang buwan. Parang halimaw na nakangisi sa pananabik, handang sumugod anumang oras.

***

Nagsalubong ang pareho naming nananakmal na mga tingin.

 

 

 

Sipi mula sa isang kwentong bahagi ng antolohiyang Wagi/Sawi ng UP Press.  At bahagi rin ng 31-day Writing Challenge.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.