15 – Ang Common-good Avenue

2

Ipinangalan ang Common-good Avenue sa Common-good Act For Sector Twelve ng Americanas. Sa mga klase sa reconfigured history, sinasabing isa ito sa mga pinakamahalagang yugto sa kasaysayan ng Sector Twelve. Pinahihintulutan nitong manatili ang ilang mga marker sa identidad ng sektor—mga bagay gaya ng pagpapangalan sa mga mahalagang edipisyo katulad ng “University of the Philippines” (na babaguhin nang bahagya mula sa dating pambansang lingua franca na “Filipino” upang maipakita rin ang pakikiisa sa Americanas)—habang pinalalakas ang depensa laban sa “unrecognized sectors” o iyong mga bansang hindi pa pumapaloob sa pakikiisa sa Americanas, gayon din sa mga lokal na mga rebelde/teroristang binabansagan sa Twelve bilang “Black Knights.”

Ang pangalang “Americanas” na mismo ang magpapakita ng lohika ng pag-iisip ng Central Government Chief. Pinaghalo ang Wika ng Europas at ng Americas, upang ipakita ang “sense of looking back” sa mga panahong alyado ang dalawang rehiyon sa kanilang panimulang mga pagkilos para sakupin ang Asianas at iba pang mga rehiyon. Lumipas ang mga taon, at ang dalawang superpowers mismo ay nagkainan at tinangkang lamunin nang buo ang bawat isa pamamagitan ng digmaan. Sa huli, nadurog ang Europas sa lakas ng Americanas, at iginawad dito ang mga numerong “13” pataas para sa mga bagong sektor.

Ang pangalang “Black Knights” ay maaaring naging tugon sa pangalan ng mga makinang pandigma at pangkaligtasan ng Americanas—ang Knightmare. Isang laro sa pangalan ng “Knight” at “Nightmare.” May ganoong kalidad ang pamunuan ng Americanas pagdating sa pagpapangalan, isang balu-baluktot na lohika tungkol sa segregasyon sa mga bilang at sa konsepto ng pagbabalik sa kasaysayan. Ang mga makina ng Americanas ay parang mga mandirigma ng sinaunang panahon, mga bayaning handang maggawad ng hustisya para sa Americanas at sa lahat ng nasasakupan nito; kung hindi sang-ayon ang isang tao, grupo, o sektor sa iniaalok na kapayapaan ng Americanas, ang hustisyang igagawad ay ituturing na bangungot ng sinumang tatanggap nito. Maaaring sa ganitong lohika nakipagsabayan ang “Black Knights” sa pag-angkop ng pangalang nasa wika ng Americanas. Maaaring sa kanila, isa itong pagtatapat—na gagamitin ng mga rebelde/terorista ang makinaryang ginagamit ng Pamunuan para patumbahin mismo ang gobyernong bumuo ng makinaryang ito.

Sinasabing maaari, pagkat ang bahagi tungkol sa Black Knights ay halos hindi natatalakay sa media at sa paaralan. Sa mga klase ng reconfigured history, nababanggit lamang ang Black Knights bilang pagpapatingkad sa lakas ng Americanas, ng mga Knightmare, ng mga sektor na pumaloob sa pinakadakilang imperyo na bumuo ng mga batas at resolusyon para sa ikabubuti ng bawat karaniwang mamamayan. Ang mga Black Knight ay isang minoridad na madaling nalilipol ng mga nasa sentro’t itaas. “Twelves,” mga katutubong rebelde na kakaunti’t madaling durugin. Walang dapat ikabahala. Kung nasa classroom, malamang ay sasabihin ng guro na “aba, 1998 na tayo, masyado nang maraming nagawa ang Americanas para makalusot pa ang mga rebeldeng Black Knight na yan!”

Sa mga Interweb portal, manaka-nakang makakabasa ng leaked photos ng lumang Common-good Avenue. Bago mag-1998. Bago ang pagiging Twelve. Laging hindi mahuli ang mga eksaktong taon, natatanggal na ang Websites bago pa makumpirma ang aktuwal na petsa. Pero sa mga larawan, makikita ang iba-ibang klase ng demonstrasyon, mga rally, mga pagkilos kontra sa pagpapadala ng mga Pilipino/Twelves sa ibang bansa bilang mga sundalo sa gera o sa pagawaan ng Knightmares, mga estudyanteng nagrereklamo sa mga presyo ng kuryente at matrikula, mga panawagan para sa mas murang pamasahe at maayos na transportasyon. Sa isang banda, pag tiningnan ang Common-good Avenue sa kasalukuyan, parang natupad ang ibang mga panawagan. May mga private E-mobile Operator na commissioned ng Central Goverment , at upscale personal shuttles na accessible via Interweb o mobile para sa upper class citizens. Nakahilera ang 24-7 Food and Recreation Hubs na laging hindi nababakante ng mga pinakabagong produktong gawa o pinadadaan sa Americanas (nahuhuli lang nang isa o dalawang buwan ang pasok sa Twelve dahil sa isyu ng seguridad). Bagaman umiiral na ang mga pinakaabanteng teknlohiya mula sa R & D Unit ng Central Government, pinananatiling grounded ang mga mamamayan sa mga karatig-sektor sa pamamagitan ng minimal na utilisasyon ng teknolohiya. Interweb connections na sapat lang para sa minimal Interweb browsing (na may data cap base sa laki ng buwanang kita, bilang ng mga kasapi sa pamilya sa isang tahanan, legal na kaugnayan/ paninilbihan sa mga ahensya ng Central government, at iba pang salik, lahat-lahat ay monitored at filtered para sa mga angkop na nilalaman), pagbawas sa mga two-way interactive devices, pagpapalaganap ng one-way technologies gaya ng sine at telebisyon. Payak na pamumuhay. Halos hindi na napapansin ang pagpaparoon at pagpaparito ng mga Knightmare sa malawak na kalsada sa kanilang regular na pagroronda.

Kaya naman ramdam agad ang tensyon sa klase ni Rudolf noong biglang tumunog ang emergency alarm.

3

 

***

Isang sipi ang tekstong ito mula sa nobeletang “Ang Kontrata,” isang piyesang nakabase sa anime na Code Geass.  Sa nobeletang ito, pinaglalaruan at pinapakita ang ilang mga popular na fanfic device.  Ipinapabasa ko ito ngayon bilang bahagi ng 31-day Writing Challenge.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.