Ilang Tala tungkol sa Rizal X
1.
Laro ang isa sa mga malakas na imahen ng produksyon. Magsisimula ang palabas sa pagtatagpo sa palaruan, bawat isang artista’y may bakas ng ngiti at excitement sa mukha. Isa itong imbitasyon sa mga tagapanood, isa ring paglalatag/paghahayag: masaya/may saya sa aming palabas. May dalawang posibilidad ang ganitong paglalatag/paghahayag. Maaari siyang maging statement sa kung paano dapat tingnan ang panitikan at sining, maaaring pagpapaisip ito sa ating boundaries ng pagiging interesting at insightful, maaaring pagdidiin ito sa atin na bakit ang sining at panitikan ay inaakusahang may lalim pero madalas ay nakakabagot at seryoso, na bakit sa mga laro—lalo na sa pagbuo ng videogames, halimbawa—bakit ang prayoridad sa pagbuo nito ay masigurong magiging masaya ang makakaranas nito? Sa kabilang banda—kung ito nga’y nasa ibang polaridad ng unang posibilidad—pwede ring tingnan ang laro bilang paghahanda sa tagapanood, isang babala sa kung paano dapat basahin ang Rizal X, ang pambansang bayani at ang konsepto ng pagkabayani at pagkamakabayan mismo.
Ang laro bilang isang akademikong paksa ay nakawiwiling isiwalat. Maaaring tingnan ang laro bilang pagtatayo ng istruktura sa ating mga sarili habang tayo’y lumalaki sa isang lipunan. Sa bawat laro, palaging may tauhan (ang “player” o kalahok na pwedeng maging taya o tinataya, hinahabol at nagpapahabol, nagtatago at tinataguan), may lugar na pagdarausan ng ritwal—ang “palaruan,” at higit sa lahat, may set ng mga batas na sinusunod (magbibilang ng sampu habang nagtatago ang iba, tatapikin ang hinahabol para magkaroon ng bagong taya) upang magtakda ng panalo o talo. Pinagkakasunduan ng mga manlalaro ang batas na naitakda, bihira ang pumapasok sa laro nang hindi naiintindihan ang iskema nito, ang mga labas-pasok ng bawat ritwal. Bukod sa panalo at balagoong, tinuturuan tayo ng laro tungkol sa konsepto ng pagiging madaya. Anuman ang panig na mapuntahan natin, tayo man ang masunurin sa batas o ang kumakalaban natin dito, natututo tayo ng harang ng etika at moralidad sa laro. Pag hindi masaya ang isang manlalaro sa mga batas na itinakda, kapag ninais niyang baliin ito, maaaring paalisin siya, hindi na pasalihin habambuhay. Maaaring umimbento siya ng panibagong laro na may panibagong mga panuntunan.
Laro ang una nating pagsasanay sa pagtanaw sa daigdig, ito ang mitsa ng espirito ng kompetisyon. Kaya tayo maghahangad na mapabilang sa top ten. Kaya tayo magseselos sa mas batang kapatid na magiging mas paborito ng iyong magulang, sa iyong pananaw. Kaya tayo masusuklam sa ating mga ex na naunahan tayo sa pagkakaroon ng bagong karelasyon. Kaya tayo nagtataka kung bakit mas naunang na-promote ang katrabahong lagi naming thirty minutes late pumasok. Kaya tayo galit sa mga quitter, sa mga nang-iiwan, sa mga nanlalaglag.
2.
Paano nagiging kalaro-laro ang isang laro? Bakit sisimulan ang aktibidad kung walang makikitang benepisyo? Nandoon ang unang sagot. Hindi tayo pumapasok sa kahit anong laro nang walang pag-aasam o paniniwala na tayo ang lilitaw na panalo sa huli. May investment daw tayo sa bawat larong ginagawa dahil nakikitaan ng bakas ng pag-asa. Handa tayong magbigay ng bahagi ng ating sarili dahil nakikita nating may ibabalik ito, kung hindi man agaran ay sa isang hinirayang panahon. Sumusugal tayo, ihinaharap ang sarili sa nakaambang panganib, hindi para maging mabilis ang paglaho, kundi naniniwala tayong may halaga ito, na bahagi ito ng kabuuang mekanismo ng pag-usad natin sa mga susunod na lebel ng laro, ng ating larong-buhay.
Noong music rehearsals pa lang ay may espesyal na tatak na sa akin ang awit na “Sinubukan.” Swak na swak, tingin ko, sa imahen ng laro. Isang imbestigasyon sa pagsisimulang kumilos, sa paggawa ng unang hakbang, sa pag-alis sa ginhawa ng di-pagkilos, at sa pagbibigay ng wakas, sa pagtatahi sa mga salitang pinakawalan/ kilos na sinimulan. Parang tinatanong ng awit sa lahat ng bahagi ng palabas, “ano na ba ang mga isinugal mo sa ngayon?”
Isinusugal ng mga OFW ang kanilang sariling ligaya at ginhawa para masigurong makararanas ng mas mataas na antas ng ligaya at ginhawa ang mga kamag-anak at minamahal, mga kababayang nakatira sa isang espasyong kulang ang yaman at pangangasiwa para magbigay ng mga mabungang oportunidad sa sariling bayan; Iba’t ibang bersyon ng “hard work” ang ginagawa ng masahista para masigurong makakagawa ng hard work sa eskuwela ang anak niya; sariling buhay ang isinasakripisyo ng iba’t ibang mga biktima ng pulitikal na dahas, para sa pagsusulong ng kani-kanilang adbokasiya. Ang ilan sa kanila’y nakaalpas sa mga literal at metaporikal na kulungan, ang iba’y tila nilukob ng panganib at kamatayan. Pero, pwede ring itanong, tumigil ba ang rebolusyon sa oras ng pagwawakas ng buhay ni Rizal? Ang pagwawakas ba ng isang laro ay nakasalalay sa pagkawala ng iisang tauhan lang? Kung kasaysayan natin ang iimbestigahan, “hindi” ang matalas na sagot. Maraming pagkilos na sumiklab bago at matapos ang buhay ng pambansang bayani.
Sa eksena ng pagbabalik ng mga tauhan sa palaruan, makikita nila ang kanilang sarili na nakikipagtalo sa iba pang mga bagong tauhan, mabubura ang dating bakas ng ligaya at excitement. Makikipaglaban sila para maibalik ang dating kaayusan, ang dating sense of order. Pero hindi na nila ito maibabalik. Magagapi nila ang inaakala nilang kaaway, pero batid nilang hindi na ito ang palaruang dati nilang binibisita. O maaari ring hindi na sila ang bersyon ng sariling minsan ay naglaro sa palaruang binabalikan. Baka hindi na iyon ang kanilang espasyo.
3.
Ilang mga kuwentong-gilid: nanonood ako ng rehearsals at naaawa ako sa mga artistang kahit hindi ipinahahalata’y mararamdaman na ang mga bakas ng pagod. For the love of, naisip ko. Lahat naman daw ay maaaring ikabit bilang isang malaking love story, isang grand love narrative. Sa librong A Lover’s Discourse ni Roland Barthes, sinasabi niyang hindi natin kayang eksaktong i-articulate kung ano ang ibig sabihin ng pag-ibig, pero nakakakita tayo ng iba’t ibang displays nito, iba’t ibang kilos at eksena, na kapag naranasan ay iisipin nating “oo, parang pag-ibig nga iyan!”
Tulad ng eksena ng paghihintay. Sa dula, naghihintay ang mga babaeng naging malapit sa puso ni Rizal. Sinasabi nila nang malakas ang kanilang mga liham para kay Jose, sila lamang ang naririnig, walang kahit na anong tugon. Pamilyar daw ang ganitong eksena—ang paghihintay bilang indikasyon ng pagmamahal. May lover at beloved sa isang relasyon, at ang lover o nagmamahal ang laging nagsasalita’t nag-aabang, samantalang ang beloved o minamahal ay laging tahimik at inaabangan. Hindi pantay ang antas ng pagmamahalan sa isang relasyon, dahil kung pantay, ayon nga sa dula, ay matagal nang sinagot ang mga liham na “hindi mo sinagot.”
Wika ang manipestasyon ng pag-ibig. Ikinukuwento natin ang kuwento ni Kapitan Islaw dahil naniniwala tayong may opresyon sa hanay ng mga magbubukid, na may saysay ang pagpansin ng mga kuwentong nasa laylayan, nasa gilid ng lipunan. Ilang beses na ibinabato ang salitang “rebolusyon” at “pagbabago” dahil anuman ang ating duda, naniniwala tayong may mali sa mga istrukturang nasa paligid natin, mga istruktura ng kahulugang paulit-ulit na nagsasabing “maayos ang lahat, tahimik ang mundo mo.” Kumikilos tayo, gumagawa ng hakbang, nag-aabang, nag-aabang dahil umiibig, nag-aabang dahil umaasang mananalo, nag-aabang kahit may panganib na ang inaabangan ay hindi na maaabutan, hindi na maaabutan pero darating sa ibang tao, sa ibang mas angkop na panahon at henerasyon.
4.
Ano ang pinagkaiba ng Super Mario sa El Filibusterismo? Halos wala, parehong may mga pangunahing tagapagpaganap, parehong may mga tauhang may nais na iligtas. Fire-breathing Koopa dragon man o Heneral at Prayle, halos iisa ang direksyon. Kaya lang, sa libro, mas tago ang pagpasa ng bigat ng tagumpay sa mga mambabasa—hindi lantaran ang pagsabi sa nambabasang hilaw pa ang pinaplanong pag-aklas, hindi pa ito ang rebolusyon, pero magwawagi ito sa isang takdang panahon. Sa videogame, mas explicit ang pagtawid ng mensahe—hawak mo sa game controller mo ang ikatatagumpay ng iyong bida, sa iyo nakasalalay ang pagkamatay o pagkabuhay niya, ang pagliligtas sa nawawalang prinsesa, ang pagpapalaya ng isang hamak na tubero sa isang mundong pinamumunuan ng dayuhang dragon.
Ang malungkot, malakas ang impact ng ganitong interactivity at explicitness ng game culture sa kung paano magbasa ng mensahe ang mas batang audience sa ngayon. Dahil mas sanay sa kultura na sila ang may kontrol, may kontrol basta ibibigay sa kanila ang lahat ng dapat nilang malaman, may tendensiya silang maging tamad, maging surface level, maging mapanghusga na ang buong palabas ay isang buffet lamang ng iba’t ibang pang-aliw. Hindi ito isang absolutong kasalanan, pero isang penomenon at bagaheng kailangang i-address. Sa pagtatapos ng Rizal X, sinasabihan ang mga tagapanood na malaya silang makakalipad (tulad ng ibon? Tulad ng saranggolang may/walang pisi? Ng gamugamong lalapit sa apoy?); bago ang eksenang ito, kinakausap ng mga artista ang audience, tinatanong kung sila ba ang bubuhay o papatay sa mga artistang gumanap sa palabas. Kailangang maging mas malakas ang pagdikdik nito sa mukha ng mga tagapanood. Baka iyon nga ang esensya ng Rizal X—ang gumawa ng isang komplikadong laro ng sayaw-awit-salita na sa bandang huli ay magsasabi sa mga tagapanood na hindi lang ito laro, tunay na buhay ito.
Maraming isinusugal ang produksyon. Gaya ng maraming palabas, nagbabalanse siya sa aliw at pagkatuto, mas amplified nga lang dahil sa parang fragmented at multi-directional na disenyo ng palabas. Naglalatag ito ng napakaraming masalimuot na konsepto—diaspora, altruismo, rebolusyon, indibidwalismo vs. kolektibismo (rebolusyon para sa lahat o rebolusyon mula sa sariling isip? Personal lang ba o pulitikal o pareho?), pag-ibig, laging may pag-ibig. Nagbibigay ito ng lubos-lubos at sabay na duda at tiwala sa talino at kamangmangan ng tagapanood sa kasalukuyan. Ibinabato nito ang mga linyang consumatum est—GANAP NA—nang may paninindigan at pagbabantulot. Bantulot, nagdadalawang-isip, dahil baka kulang pa, baka masyadong nilusaw ang mensahe, baka masyadong marami o baka maraming kulang. Bantulot dahil sumugal, sumusugal, at dahil labor of love, walang ibang pwedeng gawin sa pagwawakas kundi mag-abang.
PERO, maraming inaabangan dahil nagsugal, dahil may investment, dahil nagdesisyong sumubok. Marami pang mga susunod na pagkilos, marami pang mga proyektong magiging kalinya nitong tinatahing produksyon. Nagawa/ ginagawa na ang kung ano ang dapat gawin, bawat isa sa atin ay inilagay/ inilalagay ang ating mga sarili sa iba’t ibang panganib—ideolohikal, emosyonal, pangkalusugan. Lumahok/ lumalahok tayo dito sa kakaibang roller-coaster ride na ito nang may pangamba. Pero ganoon naman lagi ang laro, kinakabahang matalo’t mapahiya, pero hindi nilalahukan nang walang bisyon na sa dulo, may magwawagi. Hindi palaging tayo, hindi palaging sa paraang nakaplano, pero may kalalabasang mabunga hindi lamang bilang isang laro, kundi bilang bahagi ng aktuwal na buhay.
–Vlad Gonzales, 7 Hulyo 2011











