Laging masayang makatanggap ng pasalubong, lalo’t pag may kasamang mga kuwento’t kamustahan. Gaano man kasimple o kakumplikado ang inuwing regalo, palaging nakapagpapangiti ang maisip na naalala ka at may nagbabahagi ng kanilang biyaya sa iyo.
Naalala ko ang kuwento ng kaibigang lalaking sobrang mabait sa pagtanggap ng mga pasalubong at regalo. Nagkataong nagkamali ang abot sa kanyang regalo–isang hot pink na shawl na halata namang hindi para sa kanya–pero dahil sa sobrang bait at mapagpasalamat niya’y nakangiti niya itong hinawakan mula sa pagkakaalis sa gift wrap t sinabing “ayos ‘to, magagamit ko ito.”
Kaya naman ngayong nakatanggap ako ng shades na maganda naman at astig pero mahiyain ako’t di maporma, kahit ganoon ay isusuot ko siya bilang tanda ng pasasalamat sa nagbigay.
Isang araw, may kinamusta ako, isang malapit na kaibigan. Sabi niya, sana maging si Doctor Octopus siya para magawa niya ang lahat ng dapat gawin. Kaya naisipan ko siyang bigyan ng maliit na surpresa. Sabi ko noon, masaya sana kung may mahiwagang camera na nakikita at nahuhuli ang reaksyon ng mga taong binibigyan ng mga surpresa, pero habang wala pa nito ay makukuntento na ako sa paghiraya ng kanyang pagngisi noong nabuksan niya ang package na pinadala ko (sa camera pala niya galing ang larawan sa taas).
Nitong mga nakaraang araw ay kinokonsulta ko ang mga kaibigan, tungkol sa pagbibigay ng mga pasalubong/regalo/surpresa. At habang lahat sila ay may paalala na laging magtira ng maliit na bahagi ng lakas para sa sarili, sang-ayon naman silang lahat na walang masama sa pagpapakita na nakaalala ka, na inaalala mo ang mga taong malapit sa iyo. Mas nakakabaliw naman daw ang may naisip na plano’t regalo pagkatapos ay matatakot, ipagpapaliban, habambuhay iisipin kung ano kaya ang nangyari kung sinubukang magbigay? Nakakatuwa ang mga kaibigang nagpapaalala na habang maraming mga gawain sa ating buhay ay umaandar sa mga evil scheme at mapanlinlang na pagtataktika, madalas, lalo kapag tapat naman sa sarili, may mga pagkakataon namang ang direksyon ng pagbibigay ay para sa simpleng pagpapaligaya.
Pagkatapos ng aming kuwentuhan tungkol sa pag-ibig at pagbibigay, nagsimula na kaming magtsismisan tungkol sa buhay ng iba. Mga pasabog–na sa ibang araw na siguro ibabahagi. Minsan kasi yung mga pasabog ay downer lang, masaya na nga ang lahat tapos sisirain pa ang araw mo.
Pasabog.









