Hindi mukhang prinsesa si Princess. Mukha siyang professional wrestler, yung lalaki. Matangkad, malaki ang katawan, maiksi ang kulot at naka-gel na buhok. Mukhang matanda para sa isang first-year high school. Si Mark Joseph naman, nasa tipo ng itsura ang pagiging kengkoy sa klase, ang class clown, ang kaklaseng hahayaang madapa o madulas ang sarili o magkunwaring hindi alam ang sagot sa recitation o magmamali-mali ng pagsasalita ng Ingles para mapatawa ang mga kaklase. Hindi sobrang pangit, walang matingkad na kapintasan, may sapat lang na mga katangian para makutusan o maimbentuhan ng mga bagong pangalan paminsan-minsan.
[...]