Si Prinsipe Bahaghari

Nakaisang taon na ang muling pagbabalik ni Prinsipe Bahaghari sa Pisikal na entablado. Ang unang bersyon nito’y naabutan ng pandemya, kaya online premiere ng isang recorded na pagtatanghal ang unang labas nito. Maraming naiisip at nararamdaman sa anibersaryo nito, paano kasi’y napakarami naman na ring nangyari kahit isang taon lang ang lumipas. Pero gaya ng laging nangyayari, may iba pang mga kailangang gawin o tutukan, o sadyang tamad o takot lamang na magmuni at magsulat. Kaya, sa ngayon, iyong teksto na lang sa aming souvenir program ang ilalagay at ibabahagi:

Pagbati at pasasalamat sa inyong makakasama namin sa paglapag ni Prinsipe Bahaghari sa
mundo ng face-to-face na pagtatanghal. Masaya rin akong ang latest stopover ng ating makulay
na bida ay ang tahanan ng Teatrong Mulat ng Pilipinas, ang Amelia Lapeña Bonifacio Teatro
Papet Museo.


Binabalikan ko ang aking lampas isang dekadang praktika sa pagsasalin at adaptasyon para sa
teatro, at nakatutuwang makitang may ibinunga ang ilang taon ng pagkilala, pag-aaral, at
pagsasanay sa sining na ito sa kung paano mapapanood ang mga pakikipagsapalaran nina PB at
ng mekanikong kuwentista. Lahat ng aralin sa pagpapaiksi at pagpapahaba ng kuwento,
pagsasaalang-alang sa pagsasalita at kilos ng mga tauhan, sa mga diskarte at danas na nag-iiba
sa pagtatawid mula sa nakalimbag na pahina patungo sa live at pisikal na pagtatanghal, lahat ng
ito ay paglalapat sa ilang taon ng pakikisama at pagiging mapagbigay ng mga unang tagapayo at
direktor namin sa UP Dulaang Laboratoryo. Masaya akong ang ilan sa kanila’y kasama pa rin
hanggang dito sa kasalukuyang proyekto. Sana’y batid ninyong palagi akong nagpapasalamat sa
lahat ng kaalaman at karanasang iniregalo.


Muli, sinikap naming ihulma ang kuwento ni PB sa kombinasyon ng mga intensyon ng Teatrong
Mulat, mga kasamang artista, at ako bilang manunulat at guro—ang paggamit ng Filipino at
mga kuwentong hugot sa danas ng Pilipino para magsalaysay tungkol sa hiwaga at salimuot ng
pagtanda, pangangalaga sa mundo sa iba’t ibang antas at anyo, at pananalig sa mga klase ng
pag-ibig na nasa pagitan at lumalampas sa mga kayang magagap ng pisikal na pandama. Sa
usapin ng script, mga puppeteer, musika, disenyo ng entablado at papet, at sa iba pang aspekto
ng produksyon, masasabi ko namang nakapagtanim naman kami ng mga bagong munting
surpresa na angkop at sapat para sa panahong inilaan para sa aming paghahanda. Dalangin
kong ikatuwa ninyo ang balanse ng mga elementong nagawa na at ng mga munting pasabog na
iaalok para sa sa kasalukuyang pagsasaentablado ng proyektong ito.


Gagamitin ko na ring pagkakataon ito para ibalitang nalalapit na ring mailimbag ang orihinal na
script kasama ang production notes ng 2021 online staging nitong Prinsipe Bahaghari. Sana’y
abangan at mabasa ninyo ang paparating naming libro ni Direk Aina, ang Ang Paglalakbay ni
Prinsipe Bahaghari, na nasa ilalim ng Philippine Writers Series ng University of the Philippines
Press at Likhaan: UP Institute of Creative Writing.


Nagsimula itong Prinsipe Bahaghari bilang simpleng pagtalima sa hiling ng isang kasamang
artista sa unibersidad, na nagkataong kamag-anak ng isa sa mga naging unofficial na mentor ko
sa mundo ng dula at dula para sa mga bata. Sa paglipas ng lampas tatlong taon sa buhay nitong
si PB, bukod sa mga bagong natutuhan, nagkaroon din ng mga bagong kaibigan at kabahagi sa
pagbuno sa misteryo ng paglaki, pagmamahal, pag-alala at paglimot, at pagtawid sa mga hindi
pa nadidiskubreng lupain at karanasan. Lubos akong nagpapasalamat na naging bahagi ng
produksyong ito, at sana’y gaya ng hiling sa ibang palabas ay marami pang makanood at
maantig sa ihinanda naming kuwento.


Vlad Gonzales
30 Oktubre 2023

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.