Iba’t Ibang Salita, Para Kanino? Mensahe para sa Frankfurter Flotilla, 16 Oktubre 2025

Nais kong umpisahan ang aking pagbabahagi mula sa isang piyesang binuo bilang kolaborasyon sa Teatrong Mulat ng Pilipinas. Ang piyesa ay pinamagatang PUTING GUNAW, na may paglilimi at paghugot sa karanasan ng henosidyo sa Palestina:

“Paano mo isasalin ang kuwento ng bawat bahagi ng mundo? O, lahat ba ng mukha ng daigdig ay magkakapareho? Sa araling pagsasalin, may tunggalian kaugnay sa usapin ng types at tokens. Sa usapin ng type, laging may wikang eksaktong katumbas at kahulugan ang bawat salita. Kung may “cloth” sa English, may “tela” sa Filipino. Pero may telang retaso, may telang ginagawang benda o gasa, may gasang gawa sa seda, may sedang gawa ng higad at sedang gawa ng tao. Kaya pumapasok ang konsepto ng “tokens,” o ang pagtrato sa mga salita bilang hindi absoluto, nagbabago depende sa lugar o panahon, sa kaligiran nito. Nakikiramdam ang mga salita at umuugnay sa iba’t ibang mga ugat. Ang cloth na mula tela hanggang gasa hanggang seda at tao, iniaayon sa panahon kung saan ang puti ay liwanag, estado ng damdamin, kalinisan, bakas ng pagsuko, kadalisayan, kamatayan. Isang mundo, maraming mukha at wika.”

Ako si Vlad Gonzales, direktor at kasapi ng Likhaan, UP Institute of Creative Writing. Naitatag ang institusyong ito noong Disyembre 1978, na may mga sumusunod na layunin: 1. The conduct of workshops on creative writing for students and other invited participants and auditors; 2. The institution of literary scholarship as a necessary part of the creative writing discipline and critical assessment of results; 3. The orientation of writing to its audience, which is much neglegted. Pagkalipas ng dalawang dekada, nagkaroon ng karagdagang paglalarawan ang aming opisina. Inilalarawan ito una, bilang extension unit na ipapalaganap ang materyales at kaalaman tungkol sa malikhaing pagsulat sa iba’t ibang mga komunidad; pangalawa, bilang “academy of letters,” na kakatawanin ng mga manunulat na makikilala hindi lamang sa kanilang husay sa sining, kundi sa kanilang serbisyo sa bayan.

Nakabalangkas sa ganitong istruktura—isang ahensya sa malikhaing pagsulat na binubuhay sa buwis ng taumbayan, na pinapadaloy sa sistema ng burukrasya at pagpapatron ng unibersidad—ang aking danas at paglilimi sa kaligiran ng panawagan para sa malayang Palestina, gayon din sa pag-uugnay ng pag-boycott sa Frankfurt Book Fair bilang anyo ng suporta sa komunidad ng Palestine.

Bilang isang opisinang taunang nag-a-apply para magkaroon ng pondo sa mga proyekto nito, kasama pa ang paglahok sa mga patimpalak, paghahanap ng grant, pag-endoso sa mga kasapi para maging Dangal ng Wika Panitikan o Pambansang Alagad ng Sining upang maging mas “mahusay” at “katanggap-tanggap” ang aming kasapian sa mata ng mga tagapag-apruba ng pondo, malay kaming mga kasapi sa ganitong pakikipaglaro upang magpatuloy ang operasyon at makapag-alok ng mga programang nakalinya sa itinakda nitong mandato. Sa katunayan, bago pa mag-2025 ay naibabahagi na sa aming mga pulong ang pagiging Guest of Honor ng Pilipinas sa Frankfurt Book Fair, at hinilingan na rin ng mga manunulat mula sa ICW na lalahok mismo, o magsisilbi bilang tagasalin ng mga librong iaalok para sa pagtitipon. Naging malinaw naman sa mga usapan kung paano makakatulong ang Frankfurt Book Fair sa usapin ng networking at pagpapakilala ng akda ng mga lokal na manunulat sa pandaigdigang antas. At habang mismong ang disiplina ng malikhaing pagsulat at panitikan ang magbubukas ng mga tanong gaya ng ano bang larawan ng daigdig ang marapat ipakita ng isang bayan, at ano ang magiging kapalit upang maitampok ang manunulat sa hinihirayang larawan ng mundo, naging mas malinaw ang mga kontradiksyon sa istruktura ng aming opisina noong nagmungkahi ang ilan sa mga kasapi nami na maglunsad ng isang panayam, kasama ng mga manunulat at aktibista ng Publishers for Palestine.

Nitong Mayo 2025 ihinarap sa pulong ng UP ICW itong posibilidad ng pagtatampok ng isang porum, na iinog sa panawagang boycott bilang pagsuporta sa Palestina. Sa puntong ito, halos dalawang taon na simula noong nangyari  ang pagkansela ng gawad para kay Adania Shibli para sa kanyang nobelang Minor Detail, sa seremonyang isasagawa sana sa Frankfurt Book Fair noong 2023; gayon din, magdadalawang taon din ang pagpapatuloy at lalo pang pagiging agresibo ng Israel sa pakikidigma sa Gaza—mga atakeng sa framing ng ibang media ay tugon lamang ng Israel sa pagsugod ng Hamas sa taong iyon, bagaman natukoy na rin sa ibang mga tala ang ugat ng pananakop ng Israel simula pa noong 1948. Sa punto ring ito, may mga kasapi na ng UP ICW na nakaoo na sa pagdalo bilang bahagi ng delegasyong ng Pilipinas sa 2025 Frankfurt Book Fair. May isinasaproseso ring hiling sa karagdagdang suporta mula sa UP upang makatulong sa mga gastusin ng mga dadalo sa FBF.  Sa pinakamaikli, natuloy at napagkaisahan ng mga kasapi na ituloy ang porum, sa gitna ng ilang mga nailatag na komento at tanong—bakit may boycott, may epekto ba ang boycott, sino ang maaapektuhan ng boycott. Pinamagatan ang porum bilang On the Palestinian-led Campaign to Boycott the Frakfurt Book Fair: A Hybrid Forum on Its Origins Rationale, and Objectives. Isinagawa ang porum noong 13 Hunyo 2025. 

Sa umpisa pa lamang ng porum, nailahad na ng tagapagsalitang si Hebh Jamal, isang Palestinian journalist, na higit sa limampung kamag-anak na niya ang pinatay sa mga atake ng Israel. Ibinahagi rin niya ang ulat na 600 araw pagkatapos ng mga pagsugod ng Israel sa Gaza nitong 2023, may 54000 Palestino na ang pinatay. Ito ay conservative estimate pa, sa paghahayag ni Jamal, dahil hindi pa nailalahok sa talang ito ang mga Palestinong namamatay sa gutom, o nasasawi sa pagkakakulong, o yumayao habang natatabunan ng guho. Naibahagi ni Khalil Pierre ng Palestine Library ang kuwento tungkol sa kaibigang nurse na minsang nagtrabaho sa Germany, at hindi pinayagang bumalik pagkatapos magbakasyon kasama ng kanyang sanggol na wala pang isang taong gulang.  Ang dahilan sa pagtatanggi ng kanyang re-entry ay nasa dokumentong mula sa German State, na nakalaan para sa anak niya. Ayon sa dokumento, ang sanggol na wala pang isang taon ay pinagsususpetsahang may kaso ng “rape, murder, and terrorism” alinsunod sa batas ng Germany. Nailatag din ang kasaysayan ng pagbuo ng Publishers for Palestine, at ang halaga ng pagbuo ng alyansa at pagkakaisa upang mairehistro ang tinig ng mga naghahanangad sa malayang Palestina, na sa dulo’y pupunta sa paniningil sa mga krimen ng Israel. Bagaman nag-iisa pa lamang ito sa proyektong isinagawa ng UP ICW kaugnay sa danas sa Gaza kaugnay sa Frankfurt Book Fair, tinatrato ko ito bilang isa sa mga pinakamakabuluhang proyekto na naisagawa ng aming tanggapan sa panahong nagsisilbi ako bilang direktor nito.

Mahirap pang sabihin ang lawak ng naabot o naaabot ng aming tanggapan kaugnay sa pag-unawa at pagtatampok sa danas ng mga Palestino, pero mula sa panahon ng pagpaplano sa nasabing porum hanggang sa kasalukuyan, dalawa sa mga orihinal na delagado ng UP ICW para sa Frankfurt Book Fair ang umatras at bumawi sa kanilang paglahok, kasabay ng iba pang mga kasamang manunulat na nagpahayag din ng parehong hakbang; karamihan sa aming mga manunulat ay nakapag-ambag sa mga publikasyon at iba pang inisyatibang naglalayong talakayin ang danas ng Palestina patungo sa pagpapalaya nito; nagiging bahagi ang aming tanggapan sa mga alyansa at network na nakalinya sa makatao at mapagpalayang sining at panitikan; at, bagaman may mga nagsasabing walang bisa o epekto ang boycott ang iba pang kaugnay na pagkilos, base sa mga hirit at pasaring sa social media tungkol sa maraming kulay ng katotohanan o maraming bandila ng panitikan o maraming mukha ng paghihimagsik, ramdam nating sa gitna ng rikit at kinang ng liwanag sa Frankfurt, nakatingin sila, nakikinig at nagbabantay sa mga kasunod nating hakbang.  Kaya, sa gitna ng mapaghating tendensiyang dulot ng disenyo ng aming opisina at mga kaakibat pang usapin, nananalig akong makakapagpatuloy ang ambag ng Likhaan: UP Institute of Creative Writing sa mga hakbang upang magmulat at magpaunawa kaugnay sa henosidyo sa Palestina, patungo sa inaasam nating pagpapalaya nito.

Nais kong tapusin ang aking pagbabahagi sa muling pagsipi sa dulang PUTING GUNAW, tungkol sa iskolar na nagmumuni sa iba’t ibang tawag sa mga kasangkapan ng pagpatay:

“Hinggil sa paghahambing ng atomic bomb at white phosphorus, hindi naman sila nagkakalayo. Sa isa, magliliyab ang armas sa oras na dumikit ito sa hangin o balat, unti-unti kang tutupukin; kung milagrong makaligtas ka sa sunog, papatayin naman ang kaloob-looban mo ng lason. Ang isa, sa isang iglap, durog na lahat. Tao, halaman, hayop, bato, bahay, paaralan, simbahan, kalupaan, karagatan, burado gaya ng mapang ibinalik sa blangkong papel. Bago mo pa maisip ang sakit, ang mga mahal sa buhay, ang hinaharap, kung bakit sa lahat ng pwedeng mangyari at pangyarihan ay sa iyo at sa iyo lamang nangyayari ito, nakatawid na ang pagsabog sa libu-libong kilometro. Ilang lawak at taas ng mapa, ilang taon at dekada rin ang aabutin ng ganitong klase ng gunaw.

Bomba o kemikal. Guho, henosidyo, holokausto, gunaw. Iba-ibang salin sa kung paano tayo nilalamon ng liwanag. Dati, katumbas ng “holokausto” ang mga buong alay na sinusunog sa ngalan ng mga diyos. Ngayon, sino ang mga diyos? Sino, para kanino, bakit sinusunog, sa ngalan nino tinutupok, itong mga ginagawang alay?”

*Binasa ang mensaheng ito sa Ateneo de Manila University bilang bahagi ng The Frankfurter Flotilla: Latag-Aklat at Talakayan para sa Palestina

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.