Empake

Hindi ko alam kung paano ako magsisimula.  Kung sa anong anyo, kung sa anong salita, pangungusap, talata dapat magmarka ng umpisa.  Talata ba, o taludtod?  Hindi ako sigurado.  Kawalan ng ideya, pagiging hilaw ng ideya, o takot sa kung saan o paano mamumunga ang ideyang ipupunla.  Sasabihin ko sanang “ewan ko, hindi ko alam,” pero may nagsabi sa akin nito-nito lang, wala naman daw talagang pangyayaring nagkataon lang.  Lahat ng aksyon at reaksyon ay nagmula sa isang aktibong desisyon.  Maraming aksidente, pero marami ring mga pinili.  Walang kahit na sinong malaya sa anumang responsibilidad, walang kahit na sinong natangay lang ng pagkakataon.

 

***

 

Naaalala kong naiinggit ako sa mga kaibigang laging may sukbit na bag.  Mga kaladkarin.  Mga tipo ng taong nasa backpack na ang lahat ng kailangan at pwede mo na silang hatakin sa kahit na anong panig ng mundo.  Handang matulog kahit saan.  Matulog, o maupo lang sa kahit na anong sulok, makipagkuwentuhan mula gabi hanggang mangamusta na ang umaga.  At dahil sa ang mga una kong nakilalang ganito ay halos puro mga kaibigang manunulat, iniisip kong kaakibat ng bawat byahe’t pagpupuyat ang walang katapusang mga kuwento’t tula.

 

***

 

Aaminin kong may pagkiling ako sa mga bagay na sigurado.  Tiyak na oras ng pag-uwi.  Paghiga sa sariling kama, sa sariling kuwarto.  Paghimlay ng de-scoliong likod sa manipis na kutson na naiilaliman ng matigas na plywood, lahat ay niyayakap ng bedsheet na may disenyong mga bituin at buwan.  Abot-kamay na telebisyon at computer na may internet sa mga sandaling mailap ang idlip.  Cellphone sa tabi, laging may load, laging fully-charged.  Banyong di nauubusan ng tubig at sabon.  Wallet na may nakatagong pera at credit card.  Pinakanakasisindak sa akin ang mga pagkakataong kailangan kong magbihis nang lampas sa mga kupas na shorts at t-shirt, lumabas sa nakasanayang ginhawa ng sariling bahay, bumiyahe sa mga lugar na hindi pa napupuntahan kahit isang beses man lang.

 

***

 

Gusto ko ang pakiramdam ng may pinapasan.  Mas pipiliin kong makuba sa kakabuhat habang naglalakad sa halip na maglakad na ang tanging buhat-buhat ay ang damit na nakabalot sa katawan.  Kinikilala ko man ang korelasyon ng bawat isa—ang gaan at bigat, gaan bilang pagpapahalaga/ pagkilala sa pagtakas ng bigat—gusto kong sabihing nasanay na ako sa mga araw na may humahatak sa akin.  Oo, laging laman ng mga pangarap ko ang isang araw ay matutunan ko kung paano makalipad, pero gusto kong isiping may ginhawa sa mga puwersang nagpapanatili ng aking mga paang nakadikit sa lupa.  Baka totoo ang sinasabi ng isang medyo kilalang manunulat (basta sa panig ko, kilala ko)—bawat nilalang, may isang kimera, isang buhay at gumagalaw na halimaw, aksidente o sinadya’y pinipiling buhatin at hindi pabayaang makawala.

 

***

 

Sa mga oras na kailangang lumakad, sa mga pagkakataong kailangang bumiyahe, pinipili kong maghanda ng gamit sa oras na pinakamalapit sa oras ng pag-alis.  Pinipili ko ito sa pagtitiwalang mas magmumukhang aksidental ang lahat, na nagtitiwala ako sa biyaya ng pagkakataon.  Pinipili kong maniwalang may sapat na liksi at listo ang isip, kayang magproseso sa pinakamaiksing paraang posible, at anumang aberya ang sumulpot pagkatapos, pinipili kong maniwalang pupunuan ng pagkakataon ang anumang pagkukulang.  Kahit man lang ang sariling pagkukulang na ipaliwanag ang kawalan ng paghahanda.

 

***

 

Isa sa mga pinakasusuklaman (minsan ay kinatatakutan) kong klase ng tao, higit pa sa mga taong namamahiya ng sarili nilang magulang o magulang ng iba, kasunod ng mga taong walang paggalang sa oras ng iba, kawangis ng mga taong hindi marunong humingi ng paumanhin at maggawad ng pasasalamat, lampas nang kaunti sa mga taong nakikisama sa iisang bahay at hindi marunong magpasabi kung gagabihin o uumagahin ng uwi, iyon siguro ay ang mga taong palaging nakakalimot dalhin ang kopya ng kanilang susi.

 

***

 

Noong unang panahon, naadik ako sa larong “Diablo.”  Hindi ko na matandaan kung sino ang nagsabi (baka pinili kong kalimutan), pero may isang nagturo sa akin kung paano magiging mas maunlad sa videogame na iyon.  Sabi niya—kung sino man ang “siya” na iyon—nasa diskarte lang iyan ng pagdadala at paglalaglag ng items sa iyong inventory.  Habang bumababa sa impiyerno, kunin ang items at perang kaya ng mahiwagang sisidlan, sikaping makahanap ng teleportation portal, pag nakahanap ay magteleport pabalik sa surface at ihagis ang lahat ng items na nakuha, itira lamang ang mapagdedesisyunan bilang may halaga.  Kung umabot man sa sandaling napakiramdamang nagkamali ng mga gamit na isinuksok sa bag, may pagkapanatag sa kaalamang maaari pa naming bumalik sa mundo sa taas, basta makahanap ng portal bago katayin ng butcher na sumisigaw ng “fresh meat.”

 

***

 

Iniisip ko kung anu-ano ang pagkakaiba ng bigat sa bagahe ng mga taong paalis mula sa, at ng mga taong pabalik sa, mga lupaing kanilang kinalakihan.

 

***

 

May phase ako nito-nito lang, ito ang phase na lagi lang akong may nakahandang bag na may nakalagay na damit-pambahay at damit-panlakad, toiletries, underwear, charger para sa telepono (minsan ay para sa kamera), ang bag ng mga gamit ay nakalagay sa likuran ng kotse (mapanglansi ang pahayag na ito, maaaring pinili kong sabihin ito para ihayag lang na may kotse ako, na totoo naman, mayroon naman talaga).  May kung ano akong pantasya na magmamaneho ako paroon at parito, itetext at tatawagan ang kung sino mang kaibigan, kaibigang magyayaya sa isang masayang adventure, at pagkatapos ng adventure, kapag minamadaling-araw na, magyayaya siyang sige, matulog muna ako sa kanila, doon na ako magpalipas  ng magdamag.  Nauna akong magsawa sa pagsasalpak ng bag sa likod ng sasakyan bago pa mag-materialize ang ganoong pantasya.

 

***

 

Interesanteng ibahagi na kung kailan ko isinuko ang bag phase na iyon, saka naman ako palaging inuumaga.  Pero pinipili ko nang hindi magdala ng kahit anong bahid ng kahandaan.  Walang sipilyo, walang deodorant, walang extra underwear o set ng bagong-labang damit.  Hindi ko pa rin mapakawalan ang pagkiling sa aksidental, sa ilusyon na ako’y tuyong dahong hinangin-hangin lang ng pagkakataon.  Baka ayokong mahusgahan na marunong akong gumawa ng mga kumplikadong iskema at plano.  Baka pinili kong maniwalang masama ang mahusgahan na naghahanda.  Baka pinili kong magmukhang hindi sigurado.

 

***

 

Ayoko sa mga pagtatapos dahil palaging may sakit dito.  Pero alam ko ring masakit ang habambuhay na nakabitin, masakit dahil sa walang-patid na kawalan ng kasiguraduhan, habambuhay na agam-agam.  Ayokong magtapos sa mga bagay na wala akong kontrol o responsibilidad.  Kaya pipiliin kong magtuldok sa mga bagay na kabisado’t alam ko.  Alam kong there’s no place like home, pero may mga tao at lugar na maaaring ituring bilang pangalawang tahanan; alam kong masakit sa katawan ang mag-umakyat sa gate na nakakandado na’t kailangang akyatin dahil nakalimutan ang kopya ng susi; alam kong mas nakakasusyal ang mga puma-plan ahead at puma-pack light, alam kong nakakairita ang mga nahuhuli; Pero alam kong aksidental man o hindi, hindi lahat ng bagay ay bagaheng tungkol at pinapabuhat sa akin; alam kong desisyon ang mag-alok at tumanggap ng tulong, ang pagdesisyon ng pag-agapay; alam kong minsan, katumbas ng pag-uwi sa sariling tahanan ang makatanggap ng mensaheng “nasa bus na ako, malapit na ako sa dapat kong puntahan.”

 

***

 

Hindi ko alam kung paano ito/ Ayoko itong/ Pinipili kong ito’y hindi dito tapusin.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.