Alternate Universe/s

Sa isang mundong kawangis ng sa atin, may mga gumaganap sa mga papel na dapat tayo ang umaako.  Sa isang kahanay na daigdig, sa kapares na espasyo’t panahon, may humahalili sa ating mga pagkukulang; may ibang timbre sa mga awit na matagal na nating kabisado’t binibirit; ibang pagkain ang hinahagilap ng mga katawang nagugutom, iba ang ugat ng mga gabing mailap ang antok/ mga umagang maligaya ang gising dahil sagana sa pahingang panatag.  Sa isang mundong kawangis ng sa atin, itinutulak at hinihigop ang uniberso ng magkakaibang mga sentro.  Umiiral ang mga estrangherong batas ng pag-unawa, maaaring may mga puwersang lampas sa ating nakasanayang parametro ng pisika’t iba pang agham-pangkalikasan.

 

Sa isang mundong kawangis natin, maaaring walang lugar para sa pagdadalawang-isip.  Walang lugar para sa pagkalugmok sa pagsisisi—dapat bang sinabi ko iyon, tama bang isinakilos ko ang aking naisip, may nagbago ba sa aking mundo kung pinili ko ang ibang direksyon.  Baka may isang mundong hindi umiinog sa mga nawala’t hinahagilap na pagkakataon.

 

Isang umaga.  Isang salamin.  Isang mukhang nakatitig, pupungas-pungas.  Hinahagilap niya ang sipilyo, tumatakas sa bibig ang amoy ng panis na laway.  Tumititig siya.  Repleksyon, salamisim.  Iniisip niya kung may iba pang nilalang na nakakaintindi ng salitang “salamisim.”  Sari-saring halimaw ang iniluluwal ng kanyang minumutang paningin.

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.