Ang Kimera, Ang Espinghe

 

Ito ang teksto ng piyesang ANG KIMERA AT ANG ESPINGHE, piyesang ipinasa ko para sa Rizal X.  Kasama rito ang ilang tala sa kung saan nahugot ang mga inspirasyon at impluwensya.  Siguro ang hindi nailagay diyan ay gusto ng direktor na si Dexter Santos na maglagay ng isang/ng mga vignette na magiging sobrang lihis sa inaasahang imahen ni Rizal, na sana’y lumilihis din sa dominanteng concert/ variety show feel ng ilang mga bahagi (na intensyunal naman).  Hindi ko alam kung sa anong antas ako nagtagumpay, pero lagi ko naman sinasabing ang pinakamasayang bahagi ng proyekto ay ang kolaborasyon.  At speaking of collaboration, katuwa na ang kaibigang si Leeroy New ang nag-render ng puppets para sa karakter na Kimera/ Espinghe.

***

Ang Kimera at ang Espinghe

Inspirasyon para sa piyesang ito ang mga tala sa bahaging “Alla…La-Bas” ng librong Under Three Flags ni Benedict Anderson.  Pinagmumunihan sa “Alla…La-Bas” ang mga posibleng naging impluwensya ni Rizal sa pagsusulat ng kanyang Noli at El Fili.  Nabanggit sa sanaysay ni Anderson ang nobelang “A rebours” (Against Nature), kung saan hinango ang eksenang ginamit para sa piyesang ito.  Ang Kimera ay simbolismo ng mga pansariling interes/ pangangailangan.  Ang Espinghe naman, tulad ni Imuthis ng El Fili, ay tumatayo bilang boses ng panlipunang katotohanan.

Tauhan:

Manunulat – lalaking kawangis ni Rizal (pwede ring hindi)

Kimera -isang babaeng halimaw na may katawan ng leon at buntot na ulo ng ahas, may ulo rin ng kambing sa kanyang katawan

Espinghe – lalaking halimaw na may katawan ng leon at ulo ng tao

***

Isang sayaw ng pagtatalik ang piyesang ito.  Nagaganap ang piyesa sa isang lugar sa panaginip, na inadornohan ng mga alahas, mamahaling bato, mga plastik na bulaklak, lahat ng bakas na magmumngkahing ito ay artipisyal at pantastiko (na may reference din kay Simoun bilang alahero).  Nasa gitna ang MANUNULAT, may tinatapos na akda.  Sa kanyang pagkalito sa piyesang binubuo, susulpot sina KIMERA at ESPINGHE, tatangkaing akitin ang manunulat.  Lantad sa piyesa ang koneksyon ng bawat isa, tila nakatali ang bawat tauhan sa isa pa.

MANUNULAT (akmang nagsusulat habang sinasabi ang mga linya):
At nilingon ng tauhan ang kalsadang tinatahak.  May ilang oras na rin niyang nilalakad ang daang pinalilibutan ng mayayabong na balete, hindi pa rin niya matanaw ang dulo’t ngayon ay ni hindi na rin niya makita ang puntong pinagmulan.  Napaupo siya sa paglagpak ng duda, mabigat.  Matutunton ko ba ang kaganapan nitong landas?  Ano nga ba ang nasa pagtatapos?  Kailangan ko na bang umatras, bumalik?  Bakit, para saan, para kanino nga ba ako nagsimulang maglakbay?

Susulpot ang Kimera at Espinghe para simulan ang seduksyon.

KIMERA:

Natatanaw ko…
natatanaw ko,
isang lupaing tigib sa pagkain at alak,
walang ibang tinig kundi halakhak at mga ungol
ng liglig na ligaya.  Isang pista,
lahat ng bisita’y makinis ang kutis,
amoy bagong-ligo, may mga labing singpula
ng bagong-pitas na makopa.

ESPINGHE:
Natatanaw ko…
natatanaw ko,
isang kastilyong nakasisilaw sa puti,
pagkataas-taas ng pader at mga moog.
Mula sa labas, mababanaag ang linis,
tayog, ang taas at pagkadalisay ng dangal.
Sa loob, sa mga madilim nitong sulok,
Kumikislot  ang alingasaw ng pagkabulok,
Ikinukubli ang laksa-laksang uod.

KIMERA:
sariling ligaya ba ang hinahanap?

ESPINGHE:
panlipunang saya ba ang hinahagilap?

KIMERA:
pasan-pasan mo ang iyong nakaraan.

ESPINGHE:
buhat-buhat mo ang bagahe ng buong bayan.

KIMERA:
Kabisado ko ang iyong bawat kiliti.

ESPINGHE:
Kabisado mo ang kanilang mga pighati.

KIMERA:
opyo,  babae, serbesa.

ESPINGHE:
Korupsyon, pagsasagilid, gera.

KIMERA:
Paano magkakatinig ang sa sarili’y di umiibig?

ESPINGHE:
May mga pag-ibig na lampas sa sariling dibdib.

KIMERA:
Nasa iyo ang desisyon.

ESPINGHE:
Bawat desisyon ay batbat ng kontradiksyon.

Magpapatuloy sa pang-aakit ang Espinghe at Kimera.  Kadikit na nila ang manunulat na halos papunta na sa orgasm sa dating ng gawi at tunog.  Aabangan ng Kimera at Espinghe ang kanyang tugon  Hahalikan ng manunulat ang Kimera at Espinghe bago magsalita.

MANUNULAT:
kayong kapwa halimaw at kaniig,
sa pisi ng malay ay di ko mapapatid.
(kay Kimera) ikaw na laging pasan sa aking balikat,
(kay Espinghe) ikaw na sa aking hina’t lakas ay magsisiwalat.
Bukas, kayo’y laman ng aking panulat,
ngayong gabi, sa idlip kayo’y kayakap.

Matatapos ang eksena na nakapasan si Kimera sa manunulat, habang nakalingkis naman ang manunulat sa nakatalikod na Espinghe.  Hindi mapapatid ang mga taling nakakabit sa bawat isa.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.