Same Shirt, Different Day

Nagpaplano akong maging mas nakakawriter sa pagpasok ng bagong taon.  Tingin ko, hindi ito ang pinakamabait na taon para sa akin, itong 2012 na malapit nang matapos.  Oo, nagawa ko naman ang kaya ng lakas saka katinuan para mamaniobra ang kapalaran sa direksyong mas mainam, pero oo, tingin ko’y may mga posibleng mas masayang eksena bukod sa ilang mga napagdaanan ngayon.  At syempre, sa totoo lang, andito pa rin naman ako e.  Buhay pa naman, nagta-type pa naman.  May mga proyektong tinatamad o natatakot tapusin, pero susubukang mabuo.  May mga plano akong gawing ganap bago matapos ang taon, nang makausad na sa iba pang mga dapat pag-isipan.  Sana’y malabanan ko ang mga sariling duda, takot, at syempre’y katamaran.

Sa ngayon, ibabahagi ko ang isang litrato, isang alaala.  Ang kamisetang suot ay galing kay Ate.  Si Ate, mahilig magbigay yun.  Nagkaroon ako ng bagong relo dahil sa kanya.  Nakakain ng kung anu-anong tsokolate at cake at barbecue sa bahay niya.  Noong ikatatlumpu kong kaarawan, walang kakurap-kurap na binoluntaryo niyang doon kami tumambay at magsalu-salo sa bahay niya.  Wala kasi akong pera sa pagpasok ng taon, nagkamali sa pagkaka-budget.  May natira lang akong 800 pesos para bumili ng isang malaking birthday cake para sa amin.  Si Ate ang sumagot ng ibang pagkain, siya at ang ilan pang kaibigang nakipagdiwang.  Noong binigay ni Ate ang t-shirt na ‘to, naging patay-gutom mode ako sa natira nilang pork steak na sinasabuyan namin ng chili powder.  Tapos na ang kaarawan ko noon, mga dalawang linggo na siguro ang nakalipas.

Natutuwa ako kay Ate kasi sa totoo lang, noong isang taon lang kami nagkakilala.  Hindi naman ako ang una niyang kaibigan, at hindi rin siya magagalit pag sinabi kong nagkataong may mga kakilala akong mas nauna niyang naging kaibigan at natural lang na mas may pundasyon ang pagsasama nila.  Ako ang bagong-pasok.  Noong binigay niya ang t-shirt na ito, nasakto sa isang pangyayaring papunta pala sa isang bagaheng may bigat pa rin sa akin hanggang ngayon.  Noong binigay niya ang kamiseta, kinabahan ako, kasi baka masikip, baka maikli.  Pero natatandaan ko, sinuot ko pa rin kinabukasan.  Kahit may away.  Kahit buong gabi na namang inabala ng sama ng loob at pag-iisip.  Kahit puyat at nagtitimbang kung bakit ang araw na dapat sana’y sakto lang, maganda naman ang intensyon ng lahat (lahat, sa pagkakaintindi ko), bakit kailangang maging hindi maayos?

Sinusuot ko pa rin ang kamiseta, ang t-shirt na galing kay Ate.  Kamusta na kaya siya?  Kamusta na kaya sila?  Nakakalungkot pag yung mga dating kasa-kasama mo lang ay biglang hindi mo na nakakatambay, biglang parang hindi mo na kaibigan.  Pero sinusuot ko pa rin ang regalo niya.  Regalo e!  At pag sinusuot ko siya ay naaalala ko ang pakiramdam noong una ko siyang isinuot–pagod, malungkot, magulo ang isip at dibdib, pero–pucha–ang gwapo (sa sariling imahinasyon lang naman).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.