Nagkaroon tayo, ang bawat isa, ng isang set ng hiling.
Nag-iba ang dami. At kung ano ang hiniling.
Nagbago rin iyon. Pagkat
Nagkaroon tayo, ang bawat isa, ng sadyang magkakaibang pangarap.
Nagkaiba ang lahat ng hiling, lahat ng mithi’y nagkaiba.
At ang mga sira at kalamidad, laging magkaiba.
Sa mga higanteng alon sila’y lumisan sa mundo,
maging iyong isang hiling na palaging nasasayang.
Alon ng lunggati, ng walang maliw na pangungulila at pighati,
Alon ng mga misteryosong pananabik ng pagkabata, mga pangarap ng pagkapaslit.
Detalyado, nagmamadali; paminsan-minsan, hindi makasarili.
Magkakaiba, maliban syempre
doon sa hiling na magbalik. Laging
nagiging una o o huli, umuulit
nang paulit-ulit—
Kaya nanuot ang alingawngaw. At ang hiling
ay lumingkis at nagpahirap sa atin
kahit batid ng ating mga katawang
hindi ito naisakatuparan kahit kailan.
Nalaman natin, at sa mga gabing madilim, kinilala natin ito.
Anong tamis ang ibinunga ng gabing iyon,
noong pinaalpas tayo ng hiling,
kay dalisay na kawalang-imik.
Salin ng “Fable” ni Louise Gluck