Walang espesyal na gandang makikita sa mukha ni Melissa Katitian, pero hindi naman masusuka sa kapangitan ang sinumang makakasalubong niya. Hindi siya naging kasama sa top ten kahit kailan pero hindi rin kasama sa mga nagre-remedial o nagiging repeater sa kahit na anong taon. Walang ibang kasalanan si Melissa Katitian maliban sa pagiging estudyante sa Ina ng Laging Saklolo Elementary School at ang pagiging grade schooler na may bastos na apelyido.
Sa attendance, pag nagro-roll call ang adviser na si Miss Labugen, na Values Education teacher din, sadyang minamali ang bigkas sa apelyido ni Melissa: “Melissa Kati-shan…”
Na iwawasto naman ni Melissa: “Katitian po.” At matatawa si Anna Contesa, ang kaklaseng idol na idol ang Universal Motion Dancers pero mas kilala sa mga peklat sa binti, kaya tinatawag na “Anna Alkansya.”
Noong nagpapraktis para sa kanilang First Communion, tatawagin ni Sister Ethel, ang teacher sa Catechism na kamukha raw ni Predator, tatawagin niya si Melissa na nakaupo sa second row: “Melissa Katitiyan…”
At sasagot si Melissa, medyo pabulong: “Katitian po.” At mapapangiti si Michael Kumuyog,ang chinitong kaklaseng mahilig kumain ng sariling kulangot pag walang nakatingin. O, akala niya lang walang nakatingin.
Sa PE, kapag magse-serve na sa volleyball, tatawagin ni Mr. Lara si Melissa, na hindi agad makakalapit dahil nanonood pa ng mga nagba-basketball sa katapat na court: “Katitan! Katitan! Melissa Katitan!”
At matataranta si Melissa bago magsabi ng “Katitian po,” paano’y nagkatinginan sila ng kanyang crush, si Alberto Arejola na nagba-basketball sa tapat. Si Alberto na mas tinatawag na “Gori” dahil sa kaitiman ng balat lalo na sa batok, pati sa mabuhok na katawan kahit bata pa, kaya nagmumukhang gorilla. Mapang-asar na gorilla, dahil siya ang pinakamalakas tumawa at manduro kay Melissa habang sumisigaw ng “Tite! Tite ang apelyido mo! Tite!” Pero para kay Melissa, si Alberto Arejola ang pinakaguwapong gorilla sa balat ng lupa.
Pag hindi nagwawasto ng mga maling bigkas ng apelyido, hilig ni Melissa ang kumanta. Dala-dala ang songhits na nabili sa tindahan, kinakabisado niya ang lahat ng kantang bentang-benta sa tenga at puso niya. Mister disco, I love you boy kung alam mo lang, sasasa-Dami ng problema natin, Para kang sirang plaka paulit-ulit. Hindi katangi-tangi ang kanyang tinig, hindi rin naman sobrang sama. Pag sumasali siya sa mga patimpalak sa eskuwela, minsan ay nakakatsamba siya ng fourth o fifth prize, depende sa dami ng sumasali.
Isang araw, noong Linggo ng Kalusugan, habang pinag-iisipan ni Anna Alkansya kung sino sa UMD ang cellular phone boys o beeper boys (sa madaling sabi, kung sino kina Wowie, Brian, Gerard, Marco, James, Jim, Norman, Gerry ang may ari na singlaki ng cellphone o beeper), habang binibilog ni Michael Kumuyog ang kulangot na pang-recess niya, habang nagba-basketball ang mga kaibigan ni Gori sa court, nagpapraktis naman si Melissa ng kanyang song number sa banyo. Kanta ni Rachel Alejandro: “Bakit ba t’wing nakikita kita, ang puso ko’y bigla ng sumasaya? May ngiti sa aking mga mata at ang araw ko’y lalong gumaganda.”
Hindi mabubuo ni Melissa ang kanyang kanta dahil may maririnig siyang humahagulgol sa katabing boys comfort room. Pamilyar na tinig. Tinantiya ni Melissa kung may ibang tao sa kabila, noong napansing ang umiiyak na boses lang ang nasa banyo ay pumasok siya.
Si Alberto Arejola, nakaupo sa banyo, nakatungo at umiiyak.
“Alberto, bakit ka umiiyak?” Medyo magugulat si Alberto sa pagtatanong niya, pero mayamaya’y yayakapin ni Alberto si Melissa.
“Di naman sobrang maitim yung batok ko di ba Melissa? Naghihilod naman ako e, ayaw lang talagang maalis, hindi ko naman kasalanan yun di ba?”
Hihimasin ni Melissa ang batok ni Alberto, patatayuin siya at sasabihing, “hindi naman maitim, tamang-tama lang.” At yayakapin ni Melissa Katitian si Alberto Arejola.
“Uy o! Si Katitian saka si Gori nagyayakapan sa CR!” At magtatawanan ang mga kalaro ni Alberto sa basketball, mga kalarong nahuli si Gori at si Katitian na magkayakap sa boys CR. Mabilis na itutulok ni Gori si Melissa at sisigaw siya ng “Tangina mo Tite! Tite!” bago siya dumahak ng isang malapot na plema sa mukha ni Melissa.
Makakapaghilamos at makakapagpunas ng mukha at damit si Melissa Katitian. Pupunta sa Singing Contest na pagkatapos na pagkatapos lang ng group jingle contest tungkol sa halaga ng gatas. Pang-apat siyang kakanta, laging hindi una at laging hindi huli. Nakahanda na ang tape ni Rachel Alejandro. Mula sa classroom na ginawang contest area, natatanaw niya ang mga lalakeng nagba-basketball, natatanaw niya ang maitim na batok ni Alberto Arejola. “Kinausap niya ako, kinausap at niyakap,” iyon ang tanging naiisip ni Melissa habang naghihintay ng kanyang pagkakataong umawit.
Noong siya na ang kakanta, pumikit si Melissa, ngumiti at nagbuntung-hininga. Inisip niyang silang dalawa lang ni Alberto/Gori ang magkasama, silang dalawa lang, si Alberto/Gori na may nakakalusaw na titig habang si Melissa Katitian naman ay nakangiti’t bumibirit: “Langit na kapag kapiling kita, langit na kapag kausapo kita. Ang damdamin ko’y ibang-iba, basta kasama kita, langit na…”