UP Pagkatapos ng Ulan

Para akong dinadala sa panaginip o pinasasakay sa time machine kapag pumapasok ako sa Diliman pagkatapos ng mahabang pag-ulan.  Lalo ang ulan na bumibisita sa kalagitnaan ng tag-araw.  Tinatamaan ang pandama ng mga alaala at pakiramdam na nagtatalo-talo.  Lamig-init-lamig.  Totoo o inimbento.  Saya-lungkot-kaba-excitement.  Pakiramdam ko, nasabi ko na dati, parang laging unang tapak ko sa campus na iyon.

Iyon lang naman.  Kaunting pagbabahagi ng kalahating gising, kalahating tulog na malay.  Nangungulila at napapanatag ako ng malamig na hanging may hagod ng mga nalaglag na dahon at nabasang damo; nagbabalik-tanaw ako sa mga bakas ng memoryang sa ngayon ay hindi ko na mapag-iba sa mga pantasyang kinakalikot ng malikot na isip; nagagambala ako sa kulimlim, namamanhid ang tenga sa kaluskos ng paa sa kalsada, halik ng gulong sa mamasa-masang aspalto; natutulala ako sa mga kulay, sa mga umuusbong na talulot sa mga nakapalibot na puno, dilaw, pula, lila, asul, maraming maraming berde; tumitingin ako mula sa bintana ng opisina, sa ikatlong palapag, napapatanga sa mga punong humahalo sa kahel-asul ng ulap.  May dalawa hanggang limang segundo akong napapaisip na sana’y hindi na ako magising, at pagkalipas ng dalawa hanggang limang sugundo’y maaamoy ko na ang samyo ng tae at ihi ng pusang nakikitira sa aming lumang gusali.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.