Pumasok ako sa UP Diliman noong Lunes, nakasuot ng itim na Spider-man shirt. Nabalitaan ko ang suicide ng isang UP Manila student noong nakaraang linggo, at nakabalita rin sa Facebook at Twitter ng mga pagkilos sa loob ng campus para sa papasok na linggo, kasama ang pagsusuot ng itim na damit. Aminado akong na-imagine kong papasok ako sa campus at makikitang karamihan sa mga taong makakasalubong—kung hindi man lahat—ay nakasuot ng itim. Hindi ganoon ang eksenang nakita ko noong Lunes. Sa totoo lang, mukha siyang isang pangkaraniwang mainit na Lunes ng umaga sa UP Diliman.
Aminado akong nagulat ako, nagulat, nalungkot, nainis. Patay iyon e. UP student. UP Manila, ibang campus sa pinapasukan at nakasanayan ko, pero UP, at sabi sa mga balita, tuition at forced LOA ang dahilan. Naisip ko, lalo noong Lunes, parang namatayan ka ng pamilya. Ganoon dapat ang pakiramdam. Pero, sa pagtatangkang magtimbang at kontrahin ang sarili—baka lang mas maging balanse pag inuulit-ulit ang ganoong proseso ng pagkokontra—ganoon naman din ako minsan pag patay ang pinag-uusapan. Patay na kaklase, katrabaho, kahit sariling kamag-anak. Minsan ay pinagpapalagay na wala lang, o hindi naman talaga patay at nasa isang bahagi lang ng mundo, maaari kong makasalubong sa anumang oras maliban sa oras na iniisip ko sila. Baka ganoon lang para sa iba, alam naman, pero kunwari wala lang, baka may ibang iniisip. O ibang iniisip na mas mahalaga bukod sa pagsunod sa programa ng mga grupong hindi naman nila o kabisado, sa isang isyu baka alam nila o hindi pero hayun nga, baka may iba silang napagdesisyunan na bahagi ng buhay nila bilang mas mahalaga sa mga oras na iyon.
Iniisip kong may kaugnayan sa akin ang pangyayari dahil posibleng ito ang knee-jerk reaction ng isang taong galing sa uring pinanggagalingan ko—isang uri na may regular na sahod, kayang kumain sa labas paminsan-minsan, may katulong sa bahay, lubog sa Internet at iba pang mga convenience. Ang “all about me” attitude na baka namana sa panonood ng maraming Beverly Hills 90210, o kahit TGIS, o Felicity, o Ally Mcbeal (nako, lalo na ang Ally Mcbeal). Sa paglalakad, sa paghiga sa kama, sa pagsosolo habang nakaharap sa computer, inaalala ko ang mga naramdaman sa pagdating ng balita ng suicide at mabilis na pumapasok sa isip ang “bakit siya nagpakamatay,” o ang mas eksakto, “ako rin, may pinagdadaanan, mabuti hindi naman ako nagpakamatay.” Gagamitin/ ginagamit ko ang balita bilang personal na motibasyon, tapik sa balikat na mas okey ako, na baka mas malakas ako, na baka mas matibay ang support system ko. Iisipin ko ang lahat ng bagay sa pinakapersonal na antas na kaya kong pigain, kasi pag hindi ko ginawa ito’y mapipilitan akong tumingin sa mga bagay o salik na mas malaki sa akin. Baka mapilitan akong maghanap at magproseso ng mga impormasyong nariyan naman (baka nariyan na noon pa) at maaaring iproseso, kaya lang ay natatakot o may ibang ginagawa o sadyang tinatamad lang ako, dahil pribilehiyo daw ng uring pinanggagalingan ko ang maging tamad (kaya mabuhay ang empleyado o estudyanteng hindi nagpaliban ng pasok o kahit anumang katiting na gawain sa buong buhay nila).
Na baka wala namang nagsasabing hindi depressing ang mailagay sa sitwasyong inalisan ka ng karapatang mag-aral, dahil sino ba naman ang nasabihang hindi ka na officially enrolled at hindi ka na makakapasok na pagkatapos ay nagpa-party? At baka nagkakasundo naman ang lahat na masalimuot ang pagpapatiwakal, ang suicide, pero hindi maiaalis na malaking tulak sa pangyayaring ito ang forced LOA na iginawad sa estudyante. Na baka mas mura nga ang pambayad sa UP kung ikukumpara sa Ateneo at La Salle, pero mahal pa rin ang tuition sa UP. Na baka misleading kung hindi man totally inefficient na ang STFAP at ang iba pang mga financial assistance system na available sa aming unibersidad. Na baka sa loob ng napakahabang panahon ay hindi talaga prayoridad ang edukasyon, at hindi magkakaroon ng ganitong mga usapan kung nasolusyunan na ito.
Nanggagaling ako sa perspektiba ng isang Assistant Professor sa UP na nakapasok bilang estudyante sa UP Diliman noong 1998. Non-quota ang option ko, pwedeng pumili ng kahit na anong kurso basta non-quota. Una kong pinili ang BS Mathematics dahil may kapitbahay kami na nagtapos ng BS Math at sabi ng nanay ko, analyst na raw ang kapitbahay para sa San Miguel at malaki ang kinikita niya. Nanggagaling ako sa pagtingin ng isang estudyanteng may baon na 100-120 pesos bawat araw, at masuwerte na iyon dahil sapat na iyon sa pamasaheng uwian at tanghalian (at meryenda, kung magtitipid). Na simula noong nag-first year college ako ay tinatanong na ako ng nanay ko kung may installment option sa UP at lagi kong sinasabing “wala” dahil nahihiya akong magbayad ng installment. Na sa lahat ng inaral-aral ko sa loob ng Diliman ay ngayon ko lang napagtatahi-tahi na nagtitinda ng puto bumbong, shrimp balls at palamig, proven, lugaw, nagtalyer, nag-canteen sa Mercury Drug at sa kung saan-saang mga Science Park sa Laguna, ginagawa pala ni Mama ang lahat ng iyon hindi dahil sa bored lang siya kundi kailangan ng pangdagdag sa kinikita ni Papa sa Saudi. Na kung ano ang lungkot ng mukha ni Mama noong nalaman niyang nasipa ako sa Math at naging Non-major ay ganoon naman kasaya ang itsura niya noong nakalipat ako ng kurso at nakabalita’t nakapag-apply na sa Student Loan Board. Na masuwerte’t kada semestre ay may propesor na handang pumirma, na masuwerte’t sa pagtatapos ng semestre’y may pambayad na at masuwerte’t kung sinuman ang nasa loan board at registrar noong mga panahong iyon ay napapayagan akong makapagbayad nang lampas sa deadline nang hindi nape-purge ang mga na-enlist na subject. Na nakapagtapos ako, naging guro, nakapagpaaral ng kapatid sa tulong pa rin ng magulang at ng loan board na nababayaran ko tuwing matatapos ang semestre dahil naman sa nakukuha kong overload pay sa pagtuturo ng mga klaseng lampas sa dalawampu’t limang estudyante. Na sa loob ng matagal-tagal kong pananatili sa UP ay marami akong nakilala, “progresibo” o ”simpleng tao lang,” aktibista o hindi, at kung sino man sila’y nagagalit ako sa mga late at pala-absent, kahit na may sariling mga oras na ganito rin ako, sa magkakaibang dahilan. Na anuman ang reklamo ko sa usapin ng personal at propesyunal na relasyon ay napahalagahan at napaunlad ako sa iba’t ibang antas ng mga kolektibong pagkilos na nangyari kasama o sa loob ng UP, kasama man ako o hindi. Na nag-e-enjoy ako sa mga bonus o pagtaas ng suweldo, o nakakaramdam na ligtas ako sa anumang Presidential Proclamation, o nagiging kampante na palagi akong may access at update sa mga panloob at panglabas na pangyayari dahil sa mga kolektibong pagkilos na nilalahukan ng mga grupo sa loob ng institusyong kinabibilangan ko. Na patuloy akong may pananalig sa UP pero nagbabantay (at sa ilang pagkakataon ay naiinis/nagdududa/natatakot/etc etc) sa mga mekanismo sa loob at labas na makakaapekto sa maraming buhay sa loob at labas ng Unibersidad—ang eUP project na isang systemwide na kompyuterisasyon ng UP na maaaring mangahalugan ng paglusaw ng ibang mga opisina sa UP bukod pa sa ilang posibleng security threats na kaakibat ng pagkuha ng isang third-party software developer, ang Performance-based Bonus na may impresyon ng mas mataas na bonus para sa mga government employee pero sa aktuwalidad ay isang mapanghati (bukod pa sa sobrang delayed, paano’y wala pa palang fixed guidelines ay na-implement na) na iskema ng pagpapabuya sa mga empleyado, ang mga nakaraang pag-uusap ng UP Diliman tungkol sa plantilla o items at ang mga “mungkahing” pag-adjust ng mga puwesto ng empleyado sa loob ng unibersidad para makaayon sa paghihigpit daw na ginagawa naman ng DBM (dito sa pulong na ito una kong narinig ang mga terminong “scrap and build,” “no new warm bodies,” “redundant employees”). Ang halo-halong pinaghuhugutang ito ang aking nagiging mga puwersang panimbang, laging may mas mabigat sa bawa pagkakataon. Naghahalo ang mas maliit sa mas malawak, nagsasala-salabat. Dahil totoo namang ang kahit sinong tao, gaano man ka-de kahon, ay laging may mga nagsasala-salabat na tunggalian. O at least, sa taong napunta sa pinansyal at kultural na estado at kakayahang katulad ko.
Kaya may mga oras na naiisip kong baka nga marahas ang magsunog ng upuan at baka kung may kinakatawan kang progresibong organisasyon ay dapat maging mas maingat ka sa pagtugon. Pero naniniwala rin akong may mga dahas na mas tahimik, mas mukhang disente dahil nagtatago sa maskara ng protocol o legalidad o mandato ng isang sistemang pinaniniwalaan bilang marangal; naniniwala akong ang kinatawan ay kinatawan, pero ang kinatawan ay tao rin. At kahit sinong tao, lalo’t naitulak ng pagod at lungkot (dahil wala namang masaya na may namatay, nagkakasundo naman ang lahat doon), pag nakaramdam ng impresyon mula sa iba na pinahihiwatig na hindi totoo ang ipinaglalaban niya, hindi nakakagulat na tumugon siya at tumugon nang personalan. Tulad ng personal na desisyon ang mag-link ng mga artikulo, maglagay ng komentong singhaba ng “Tulad nang ginagawa mo sa mga rally, maingay at matapang ka pag may kasama. Ngayon, matapang ka dahil babae ang ginanito mo at may namamagitan na cyberspace sa inyong dalawa. Umayos ka pre, may kakalagyan ka” o sing-iksi ng “YES” (mas may pagkiling ako sa una, dahil lang sa mas nakukuha ko kung saan siya nanggagaling at mas maliit ang pagkakataong ma-misinterpret ito bilang pretense sa pagiging clueless o innocent linking gaya ng huli), at magdesisyon kung gawing public ito or for friends o pangsarili lang bago i-click ang “post” button. Hindi rin nakakagulat na humingi man ng paumanhin, may ibang tatrato dito bilang kaplastikan, isang tao lang siya sa isang mas malaki’t malawak na organisasyon, kahit na baka lahat ay naniniwala na karapatan ang edukasyon, na mahal ang edukasyon sa UP at sa ibang institusyon, na matagal na ito, na may mga kolektibong pagkilos nang naisagawa noon-noon pa (na sabi nga ng nagsalita kanina sa isang pagtitipon sa Quezon hall, kasinglinaw na ng mga placard at streamer sa rally ang mga panawagan, walang kahit na anong itinatago), matatabunan pa rin ang paumanhin ng mga akusasyon ng pambabastos sa babae, sa kaawa-awang babae, sa isang simpleng taong nag-post ng simpleng note ng isang friend of a friend. Iba kasi pag personalan e.
Naalala ko tuloy, siguro mga lampas dalawa o tatlong taon na ang nakaraan. May rally sa may Asian Center dahil sa may event na darating daw si Gloria Macapagal Arroyo. Nagpadala ng UP Police ang isang opisyal. Nakausap ng mga nagra-rally ang UP Police, nakumbinsing wirdo nga namang mga taga-UP pa ang paaalisin ng UP Police. May opisyal na nagpatawag ng Quezon City Police at nagkaroon ng hindi maayos na dispersal. Naghanda ng statement ang isang grupo tungkol sa isyu na inilalatag sa University Council Meeting, ang pinakamataas na kapulungan sa Unibersidad. Hindi na umabot sa diskusyon ng dispersal dahil maraming guro ang nasaktan dahil nakalagay ang pangalan ng chancellor sa statement, at imbes na sa mas malawak na usapan ng campus security at autonomy ng campus ang pag-usapan, napunta sa delicadeza, sa pag-offend ng isang mabait na chancellor, ng isang tao, isang kaibigan. Maraming nasaktan sa personal na antas noong araw na iyon. Interesado akong pag-isipan kung ano ang pinagkaiba ng bigat sa bagahe ng isang UP Freshie na tinanggalan ng pagka-UP niya, at ang mga personal na bagahe ng mga UP Professor na nakapaloob sa tinatayang pinakamataas na asembleya ng kaguruan sa UP.
Ngayon, ginagawa ko ang inaasahan sa akin bilang manunulat/ nag-aastang manunulat—isulat ang karanasan, magpakatapang kahit hindi pa sigurado o may mga takot o hindi pa malinaw na detalye, o tinatamad, itatrato ito bilang isang pagpoproseso na may posible pang mga karugtong, isang prosesong posibleng huli na nga, baka nasabi na, pero tinatangkang humabol at baka may maiaambag pa. Bukas/ mamaya, papasok ako sa aking klase, itatanghal ang inaasahan sa akin bilang guro—pumasok sa tamang oras, talakayin ang nasa silabus, ilahok ang usapin tungkol sa estudyante, kay Kristel, gawing malinaw kung saan ako nanggagaling sa pagbabahagi ng isyu, ibahagi ang mga nauunawaan kong ugat at implikasyon, piliting maiugnay ito sa diskusyon namin sa klase ng Wika, Kultura, at Lipunan, sikaping maging balanse at hindi padalus-dalos sa pagtugon sa mga estudyanteng hindi ko kalinya ng pinapanigan sa mga oras na iyon. At sana, sa gitna ng aking mga sariling limitasyon at pagkukulang, maitawid ko ang lahat ng mapag-uusapan sa ibang anyo, sa patuloy na pagsusulat, sa patuloy na pagtuturo at pagkatuto, na sana’y hindi magmukhang paulit-ulit, pabali-baligtad, bumubuhay ng mga tao at kuwentong patay na.
Tinatapos ko ito, sa ngayon, nang nauunawaang nagtapos ito dulot ng sariling mga pagkukulang.