Bump

Mukhang dadalaw uli ang sakit ngayong linggo–bukod pa nga sa aking usual sakit na AWESOMENESS–ito kasi yata ang season na may modang the spirit is willing, the flesh is weak.  Bugbog lang sa pagpapalit-palit ng panahon.  At siksik ang buong araw sa trabaho, isang masayang pagkasiksik, siguro kung porn star ako ay ito na yung DVDA moment ko, kahit pa hindi ako sigurado kung naeenjoy talaga ng porn star iyon.

Kung anuman, nabubuo ang araw sa turo-opisina-sulat.  Nag-iiba-iba ang pagkagusto ko sa kanila sa iba’t ibang araw, pero lahat sila ay natutuhan ko nang mahalin.  Isang masayang pagkaabala.

Sa isang normal na araw ng pagkaabala, pagkalabas ko mulas a CR, may sumampay na kamay sa likuran ko.  Hindi ko agad nakita kung sino, dahil pag lumilingon ako ay umiiwas ang sumampay.  Pagkalipas ng ilang segundo ng kulitan sa paglingon at pagtago, nakita ko na ang salarin.  Si Paj, na estudyante sa Sining Panteatro.

Huli kong nakita si Paj noong nakaraang taon, noong nagrerehearse pa lang kami sa dulang Elevator Action.  Nagpaalam siya na pupunta muna siya sa Canada at doon muna titira.  Pinapatay-patay naman niya ang Facebook account niya kaya mahirap ding masubaybayan kung kamusta na siya, kung nasaan ba siya.  Hindi ko inaasahang nasa malapit lang siya, wala sa isip kong siya ang sasampay sa may likuran.  Natuwa ako, sa loob ng maiksing panahon ay parang huminto muna ang lahat ng masayang pagkaabala at umangat siya sa isang punto na purong masaya lang, natatandaan kong naakbayan ko siya at medyo nayakap gamit ang kaliwang kamay na pinang-akbay ko, habang sinisigaw ang trademark kong matinis na “uuuuuuy!”  Mabilis siyang umalis para mag-asikaso ng papeles sa kanyang pag-reenrol sa UP.

Nakita ko rin noong araw na iyon si Elora, na kung hindi ko lang nakita noong nakaraang Sabado ay mapapasabi rin ako ng “uuuuuy!’  Pero ayun nga, nagkita kami sa huling araw ng aming dulang Pitong Patibong, kasama niya si Ross at ang tito ni Ross na si Tito Willie.  Matagal-tagal din kaming hindin nagkikita, kaya pagkatapos ng dula ay lumabas kami kasama ng kapatid kong si Yani at kaibigang si Tanya.  Nag-enjoy kami sa pasta at pizza ng Yellowcab, sa mga nakakatabang pagkain at sa mga masayang nakakabastos na kuwento tulad ng pagtawag sa puke bilang “malicious software” na ipapa-check sa technician na crush mo.  Hindi ko napigilang itext kina Ross at Elora na namiss ko silang kasama, parang ganoon ang text ko sa kanila pauwi.

Nasesenti ako sa mga pagtatagpo, lalo pag matagal nang hindi nakikita ang nakakasalubong, lalo pag hindi inaasahan, lalo pag gulatan.  Nanggagaling ako sa estadong may ilang mga dating nakakasamang hindi na nakakatambay ngayon, at kung sakaling makasalubong ko sila’y magpapaligsahan kami sa pinakamataas ang leeg, o pinakaunang iismid o pinakawalang pakialam sa presensya ng bawat isa.  Nakakalungkot ang ganoong pakiramdam, ang magtatagpo ang dating magkalapit, at ang unang reaksyon ay ang ilayo ang tingin, ang magkuwaring hindi nakikita ang bawat isa.

Kaya nagpapasalamat ako sa mga surpresang pagsalubong.  Napupuno ang araw ko ng pagtuturo at pag-oopisina, pero nagsusulat din ako para sa isang dula kung saan marami akong nakikilalang mga bagong kaibigan, mga bagong tao.  Matatapos ang araw na may ilang minuto na lang bago maghatinggabi, pero naeenjoy ko ang mga biglaang pagtatagpo sa Mcdo, o pagtambay sa mamihan, o sa mga bagong lugar-inuman na hindi ko naman magagamit masyado dahil hindi ako umiinom, pero may masarap na pagkain at ayos na tugtog at mga taong pagod din pero handang magbahagi ng kuwento at reklamo sa mundo na parang walang bukas pero meron din, pinapaalala nilang meron pagkat pare-pareho pa kaming may gagawin  sa susunod na araw, nagrereklamo kami pero alam naming sa patak ng call time, ng kanya-kanya naming oras, naroon kami, pupungas-pungas o nagbabagal o nahuhuli nang bahagya pero naroon kami, handang gawin kung ano ang kailangan.  At nakakalampas kami dahil alam naming baka isang saglit ay may tumapik mula sa likod, isang kaibigan, mapapasabi ka ng “uuuuuuy!”  Tapos maghahabulan kayo ng kuwento at matatapos nang agad-agad ang usapan dahil kailangan ninyong maghiwalay pero mas gumaan na ang pakiramdam dahil alam mo lang nariyan sila sa isang sulok, at pag mas nakaluwag na kayo ay mag-aabot din at pagkukuwentuhan ang mga maingay na katrabaho o ang susunod na okey kainan o kung kailan muling magsasagawa ng YOLO vacation day o ano ba ang susunod na isusulat na dula o kailan ang kasunod na deadline o call time.

Isinusulat ko ito sa gitna ng mga sariling obligasyon at sakit ng katawan (at syempre bagahe ng puso, natural), dahil gusto kong matandaan ang pakiramdam ng saglit na pagsuspinde ng lahat dahil sa isang di inaasahang pagkikita.  Gusto kong matandaan ang pakiramdam na purong masaya ka lang dahil may nakita kang tao na di mo inaasahan at masaya iyon, masaya bago pumasok lahat ng malisya o duda o iba pang bagahe na labas sa saglit na dinaranas.  Gusto kong matandaan iyon para makopya, masubukang gawin sa isang mas sadyang paraan, sana’y maipasa sa iba kung natantiya kong may nangangailangan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.