Magte-text si Ji-ann, siguro’y mga alas-tres ng hapon. Sasabihin kong may tatapusin lang akong i-scan tapos makakatakas na sa opisina. Pagkalabas ng opisina, sasakay kay Hyundai Badidai–ang kotse ng mga nawawalang bata–at pag-uusapan kung saan magmemeryenda. Hahanapin namin si Tpen, may tinatapos na thesis paper sa library. Mahahatak namin siya at lalabas kami ng UP, pupunta sa may Capitol Hills pero walang matitipuhan doon. Hahanapin namin sina Ross at Elora, saktong naglalaro lang silasa computer shop sa Maginhawa. Ilang salisihan pa–paano’y maliligo pa pala ang dalawa at hindi nagkaintindihan kung saan magsusunduan–magkikita na rin at mag-iisip ng kakainan. Sa UP din ang bagsak, sa Snack Shack. Habang naghihintay ng half pound at quarter pound burgers ay lalakad-lakad kami sa mga pwede pang kainan sa Area 2. Makukuha namin ang mga burger at lilipat sa isawan ni Mang Larry, bago pa makain ang Snack Shack burgers ay matatapon na sila sa sahig, nabutas kasi ng mantika ang paper bag. Kakainin pa rin namin ang natapon na pagkain dahil di naman sobrang nalupaan, syempre’y hindi mawawala ang photoop. May maaabutan kaming magsyota o mag-asawang nagbubugbugan sa may isang sulok at magkukunwari sina Tpen at Jiann na field reporter sila na ibinabalita ang insidente. Iniisip ko ang lahat ng mga eksenang nangyari at hanggang ngayon ay nangingiti pa rin ako pag inaalala ang araw na iyon.
***
Pagkatapos ng ikalawang taon ko sa pagtuturo, sabi ko, hindi na ako magiging ganoon ka-attached sa mga magiging estudyante ko. Ibang klase rin kasi ang ikalawang taon ng pagtuturo, naging mas confident, naging mas relaxed sa working environment. At bata pa, wala pang bente singko, kaya feel na feel pa ang pagiging hindi malayo ng edad sa mga tinuturuan. Feel na feel maging friendly prof. Marami sa mga nakilala doon ay parang kung sino rin ang kasa-kasama ngayon. Mga kabiruan, pinapahiram ng mga DVD ng Roswell o Transformers o Care Bears (para sa estudyanteng may anak, sa kaso ng pagkakaroon ko nito ay wala akong excuse maliban sa gusto ko lang talaga ng Care Bears), paminsan-minsang panlilibre sa mga kainan pag kumikita ako sa raket, pagreregalo tuwing may nagdiriwang ng kaarawan, o Pasko. Iniisip kong kung sino man ang mga una kong nakasundo noon ay nakasundo dahil may dahilan, o nakatakda pa. Basta, pakiramdam ko’y naging magaan ang paglalapit, at hindi naging mabigat sa loob ang magbigay ng kung ano ang mayroon. Syempre, fast forward sa halos walong taon, parang isa na lang ang aktuwal na nakikita at nakakausap. Pinipilit kong magpasalamat sa natitirang isa na dumaraan pa rin sa UP para magyayang mag-ice cream paminsan-minsan, o dumaraan sa bahay namin dahil hinatid ang kapatid kong nayayaya niya sa inuman (iced tea lang ang mapapala niya sa akin pag nagyaya siyang makipag-inuman, hanggang ngayon), pinipilit kong maging masaya sa kanyang presensya nang hindi (na) nakakaramdam ng sama ng loob sa kanilang wala na. Kasi, kung totoong nagpaka-teacher ako, sa isang banda’y dapat maging masaya ako na umusad na sila, na pumupunta na sila sa mga lugar na tingin nila’y dapat nilang puntahan. Baka dapat maging mas matimbang ang pagiging guro kesa kaibigan, at gaya naman ng lagi kong sinasabi, hindi naman kasi ito ang buong istorya, lahat ay may dahilan.
***
Anuman ang mga dahilan, ngayong iniisip kong hindi na ako makikitambay o magiging malapit sa mga dating estudyanteng nakakasalubong pa rin sa UP, heto’t narito pa rin sila. Napag-uusapan ang mga mababaw na bagay tulad ng mabuhok na Pateros, ang sobrang seryosong pagbabalita ni Kara David sa mga dokumentaryo niya kahit pa natitisod siya at nasusugatan minsan, ang paghinto sa pag-aaral para rumaket, mga foreigner na ka-chat, mga bad day na dulot ng kung anu-anong problema–madalas ay tungkol sa pag-ibig. Paminsan-minsan, nakikisakay ako, nagkukuwento ng sariling mga salaysay minsan. Napapanatag na may mga kasamang kumain o manood ng sine, pag sinusuwerte ay ako pa mismo ang nakakalibre kahit na ako ang regular na kumikita. Minsan nagi-guilty ako na baka nahahatak ko sila ng agwat ng aming edad. Dahil anuman ang pagtanggi ko, lalo na sa ngayon, may agwat. Kailangan kong kilalanin iyon. Kaya hanggang kaya ay pinipilit maging magaan, tinutupad ang mga sinasabi sa loob ng classroom–na ang sariling mga bagahe, hindi dapat makaapekto sa kurso. At kahit burger at hindi na leksyon sa klase ang madalas na pinagbabahagian namin, sinisikap kong sundin at isagawa ang mga madalas kong isinasawika.
***
Naiisip ko, sa ngayon, na pag pumasok bilang guro ay kailangang may katangian ng pamilyaridad na hindi mawawala sa paglipas ng mga taon. Isang pakiramdam na parang umuuwi sa sariling bahay. Sa sariling bahay, na paglipas ng mga taon, kay rami nang nagbago sa mga dating nakatira, pero babalik-balik ang dating nakapaloob para makita ang pinagmulan, at mapahalagahan din kung nasaan na siya napunta. Pagbabalanse ng pagbabago at pananatili. Gusto ko sanang maibahagi sa mga makakasama ko ang pakiramdam tulad ng pakiramdam sa pag-uwi. Minsan, naiisip kong katumbas ito ng di-maiiwasang pagkaawa, naiisip kong darating ang panahong ang dating mga tinuturuan ay magbabalik para tingnan ako at magsabing “kawawa naman siya, lumipas ang napakaraming taon at ganyan pa rin siya,” at mapapanatag ang nagsabi dahil nakumpirma niyang higit siyang nakausad, pero baka masama namang pagbibintang iyon, baka masyado kong pinupunuan ang puwang. Pero oo, minsan ay naniniwala akong bahagi ng leksyon ay maipakita balang araw na ang nagtuturo ay napakarami ring pagkukulang.
***
Sinasabi ko sa klase, madalas sa unang araw, may pagkakataong hindi ninyo matatantiya kung ang sinasabi ko ay patawa o seryoso, baka pareho, baka rin hindi, pero ganoon talaga, matututunan din ninyo, walang dapat ipag-alala.





