Pagbuo sa ADARNA – Pamamaalam ni Leonora

Narito naman ang dalawang bersyon ng pamamaalam ni Leonora.  Mas mahaba ang nauna at dati ay walang sampal.  Hindi na rin tumawid sa huling bersyon ang sasabihin sana ni Leonora na “para sa mga sakit na wala pang katumbas na salita,” dahil inasahang pagkatapos ng sampal ay magri-react ang audience at hindi na rin maririnig ang linya (bukod pa sa maiintindihan na ang punto base sa kilos ng tauhan).

Longer Version:

 

Kung hanggang dito na lamang

Ayon sa iyong katwiran

Ako sana ay pakinggan

Ito’y huling hiling na lang.

 

Pitong taong pag-aabang,

Sa paghihintay natimang.

Di napansing ang hinintay

Nagbago na ng katwiran.

 

May poot ngayon, natural,

Ganoon pag nagmahal,

Ngunit tama ka nga, Juan,

Hanggang dito na nga lamang.

 

Dahil ano bang digmaan

Ang aking malalampasan

Kung ang pusong ‘nilalaban?

Sa iba na nagmamahal?

 

Desisyon mo’y igagalang,

Pagkat mahal kita, Juan,

Sana lang, iyong tandaan,

Masakit ang ‘yong katwiran.

 

At hindi dahil tinurang

Hanggang dito na nga lamang

Hindi agad mamamatay,

Pagsintang sa ‘yo ‘nilaan.

 

Ngayon, ako ay lilisan,

Sarili ang kaulayaw.

Pakiusap, wag nang sundan.

Ako muna’ng aalagaan.

Sa inyong lahat, paalam.

 

 

Staged Version:

Kung hanggang dito na lamang

Ayon sa iyong katwiran

Ako sana ay pakinggan

Ito’y huling hiling na lang.

 

May poot ngayon, natural,

pero paano lalaban

Kung ang sintang inabangan

Sa iba na nagmamahal?

 

Desisyon mo’y igagalang,

Pagkat mahal kita, Juan,

Sana lang, iyong tandaan,

Masakit ang ‘yong katwiran.

 

At hindi dahil tinurang

Hanggang dito na nga lamang

Hindi agad mamamatay,

Pagsintang sa ‘yo ‘nilaan.

 

Ngayon, ako ay lilisan,

Sarili ang kaulayaw.

Pakiusap, wag nang sundan.

Ako muna’ng aalagaan.

Sa inyong lahat, paalam.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.