Pagbuo sa ADARNA – ang mga Kabayo

DSC_5599

Hindi yung kabayong nasa larawan, ang mga kabayong tinutukoy ay ang mga kabayo nina Don Pedro at Don Diego, sa paglalakbay papunta sa Piedras Platas.  Ang unang bersyon ay pagkukuwento mula sa perspektiba ng mga multo ng kabayo, na namatay bago pa man dumating sa puno.  Dahil sa mahirap mai-pull off sa stage ang ideya na tatagos ang ipot sa isang kabayo, at dahil na rin sa sobrang mahaba na ang dula, isa ito sa mga bahagi na nabawas.

***

SCENE 4/5: PAGLALAKBAY NI DON PEDRO AT DON DIEGO

 

Makikita si Silverio sa Piedras Platas, naghihintay kay Pedro.

 

Silverio:

Pagbati, mahal kong amo! Narito na ang iyong premyo!

 

Pedro:

Narito na ang Piedras Platas!  Ang mahiwagang puno…

 

Pedro:

… Sa wakas. Hindi din biro ang tatlong buwang paglalakbay.

 

Silverio to himself:

Hindi ko namalayang tatlong buwan na pala ang nakalilipas.

 

Pedro:

Ay, Silverio, mahal kong kabayo, abot kamay na ang ating tagumpay.

 

Silverio:

Abot-paa na, amo, abot-talampakan.

 

Pedro:

At pag dumating na ang ibon at nahuli ko na, kikilalanin ng buong Berbanya ang aming kabayanihan.

 

Silverio:

Pagagawan tayo ng monumento!

 

Pedro:

Ngunit bayani ma’y napapagod din (mauupo sa ilalim ng puno) Ilang minuto lang naman.  Mayamaya, darating ang adarna, sakto sa aking pagmulat.  Pagkagising na pagkagising, ang ibon na lunas ay aking huhulihin! (tatawa hanggang sa makatulog)

 

Silverio:

Naku, mahal kong amo, huwag ka muna kayang umidlip. Ang tunay na tropeo’y ating hintayin.

 

Maririnig ni Silverio ang tunog ng Adarna, lalayo siya at pagbalik ay makikitang naging bato na si Pedro.  Matataranta at tatakbo sa paligid, saka makikita ang kabayong si Ruby.

 

 

Ruby:

Silverio?

 

Silverio:

Ruby!

 

Ruby:

Kamusta? Kay tagal na nating di nagkita…

 

Silverio:

Ruby, ka’y laking problema, teka, nasaan ang amo mong si Don Diego?

 

Ruby:

Nagtatampo yata’t ayaw akong sakyan. Kung kausapin man ay hindi man lang ako tinitingnan. Silverio, asan ang iyong among si Pedro?

 

Silverio:

Ayun nga ang problema, Ruby, isang napakalaking pahamak, ang prinsipe’y…

 

Papasok si Diego at aali-aligid sa puno. Maghihintay sa pagdating ng ibon.

 

Ruby:

Don Diego! Don Diego! Tapos na ang ating paghihirap! Ikaw pa rin ba ay nagtatampo? Nauna man ako, tapat akong naglingkod sa ‘yo. Halika at hulihin na ang ….

 

Don Diego:

Sa limang buwang kong paghahanap, eto na nga ba ang Piedras?

 

Silverio:

Wag kang maingay at baka hindi dumapo ang pakay!

 

Ruby:

Ibig sabihin, hindi nagtagumpay ang iyong amo?

 

Silverio:

Si Pedro’y hindi nakinig sa akin, at naging buhay na bato.

 

Ruby:

Ngunit, papaano?

 

Silverio:

May engkanto ang echas ng mahiwagang ibon.

 

Ruby:

Silverio, iligtas natin si Don Diego!

 

May mga ibong lumipad ngunit hindi dumapo sa Piedras Platas. Patuloy na naghintay si Don Diego at nagpahinga.

 

Dadating ang adarna at humapon sa Piedras Platas. Namangha si Diego sa ganda at sa pagpapalit ng balahibo ng Adarna.

 

Diego: Isang ibong mas maganda pa sa akin! Ikaw na nga ba ang Adarna?

 

Napagtanto nito na ito na ang ibong hinihintay. Umawit ang Adarna at napagtanto niya na bukod sa maganda, mahiwaga ang boses nito. Tinamaan ng antok si Diego at sinubukang pigilan ito. 

 

Ruby:

Silverio, baka magaya si Don Diego sa nakakatandang kapatid…

 

Silverio:

Sabihin mong sayawan niya ang himig, baka makuha ang kanyang ibig!

 

Lalayo sila at maririnig ang pag-awit ng adarna. Patuloy ang pagpipigil sa antok ni Diego.

 

Ruby:

Tatlong awit na’t buhay pa rin ang aking amo!

 

Silverio:

Diego, Konting tiis na lang. Ruby, kailangang magtagumpay ng iyong amo.

 

Pagkatapos ng pitong awit

 

Silverio:

Tumigil na ang awit, susunod na ang pagbabawas.

 

Ruby:

Ang aking amo! Huwag!

 

Tatakbuhin ni Ruby si Diego. Maiiputan si Don Diego at magiging bato. Ipapakita ang paglusot ni Ruby.

 

Silverio:

Ruby!

 

Ruby:

Silverio!

 

Silverio:

Ruby!

 

Ruby:

Silverio! Bakit…

 

Silverio:

Natandaan ko. Pagkatawid ng unang bundok, nakaramdam ako ng pagkahapo. Ako’y naidlip at pagkagising, wala na ang among si Pedro sa aking tabi.

 

Ruby:

Nainip kami sa Berbanya sa tagal ng inyong pagbabalik. May nagsabing baka wala na sila, ngunit hindi kami naniwala. Pero dahil sa lumalalang sakit ng ama, si Don Diego’y lumisan para hulihin ang Adarna

 

Silverio:

Ruby.

 

Ruby:

Silverio.

 

Silverio:

Ay sandali, si Don Juan!  Dapat niyang malaman ang salaysay nilang mga naiputan!

 

Ruby:

Kaibigan, walang sinumang nakakarinig sa salaysay ng mga multo.

 

Tatakbo palayo ang dalawang kabayo.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.