Si Nelson, ang Nanay, Ang Pancit Canton

campics14

Maraming hindi inaasahan sa pagpasok at paglabas ng Setyembre.  Bago dumating ang buwang ito, nakaprograma na sa utak ko ang lahat ng gagawin ko sana–mananalo ng award sa UP at sa Palanca, ililibre ang mga taong naging bahagi ng tagumpay, magbabayad ng mga utang at bills mula sa premyo, magdiriwang ng kaarawan ng mga mahal sa buhay, at manonood ng mga dula, mga dula ng  mga kaibigan at ng mga dating estudyante, at ang sariling dulang nakapila sa ikatlong linggo ng Setyembre.  Kamalas-malasan, hindi sumabay ang pera sa awarding ng premyo sa UP, at ang premyo sa Palanca at natitirang pera ay iniikot sa pambayad sa kotse, pang-advance sa kasama sa bahay, mga ganoong kuwento.  Sa sertipiko, sa papel, parang ang big time big time ko.  Sa aktuwalidad, naghihikahos.  Siguro’y mga tatlo hanggang apat pang untog sa sarili ang dapat kong maranasan para mawala ang pananalig na pagproseso ng mga premyo at iba pang burukratikong pangangailangan sa aming unibersidad ay maaaring bumilis at umabot sa mas maagang panahon.  At siguro, bukod sa kuwento ng karanasan sa pagbuo at pagtatanghal ng dula, kailangan ko ring ikuwento ang salaysay ng pasasalamat sa lahat ng taong dumamay at tumulong sa aking mairaos ang good on paper, not so good in real life na Setyembre.

Sa ganitong konteksto ako sumugod sa SM Aura para panoorin ang dulang SI NELSON, ANG NANAY, ANG PANCIT CANTON, ang entry na isinumite ko noong Enero at napili para maging kalahok sa Short + Sweet Manila 2015.  Ang S + S Manila ay festival ng mga dulang may tigsampung minuto.  Noong nakaraang taon, naging hurado ako at tagakuha ng litrato (para maiba naman); noong pumasok ang 2015, naisip ko, sige, try lang, makasali lang para magkaroon ng dula.  Mayo 2014 pa ang huling dulang naisulat ko na naitanghal, at karamihan sa mga planong proyektong pang-entablado pagkatapos nito ay nausog, na-cancel, o umabot sa di-pagkakasundo.  Kaya naman noong nakuha ko ang E-mail na nagsasabing natanggap ang dula ko, nagkaroon ako ng pag-asa.  Hunyo 2015 ito, habang gumagawa ako ng mga gawaing pang-opisina sa UP.  May hope ang second half ng 2015, naisip ko.  Doble excited pa dahil ang natapat sa aking direktor ay si John Mark Yap, na nakita ko nang nagtrabaho bilang direktor sa nakaraang S + S Manila. Natatandaan ko siya dahil bukod sa publicity materials ng festival ay may sarili siyang flyers na pinapamigay.  Nagustuhan ko rin ang pagsasaentablado niya ng dulang “Reading Lamouche”noong 2014.

Bago ang opening ng dula namin, sa Facebook lang kami nakapag-usap ni Direk JMY.  Nagbigay lang siya ng ilang mga tanong, ilang paglilinaw na sinubukan kong sagutin.  Binanggit ko na ang dula ay isang pagtatangka na mag-reconcile ng ilang mga nakaraang demonyo, na ito dapat ay isang micro-musical na hindi ko na naiharap sa taong gusto kong gumawa ng tugtog para dito, na may isang katulad na proyekto kaming sinimulan na kamukha nito pero hindi pa natuloy.  Sabi ko, tungkol ang dula sa mga bagay na hindi masabi, hindi masabi kasi nakakatakot alugin ang mga pundasyon ng pananahimik o kaayusan. Hindi masabi kasi baka natatakot makasakit o makadagdag sa sakit.  Hindi masabi kasi hindi lang alam kung paano sasabihin.  Paano magkukuwento ng mga kuwentong nakakatakot ikuwento, nakakatakot kasi baka totoo, o baka may masaling, o baka mali ang interpretasyon.  Paano magkukuwento tungkol sa mga demonyo na hindi pagmumukhaing demonyo ang demonyo?  Parang ganoon, may kahalo nga lang na pancit canton.  Siguro, naisip ko noon, para sa maraming ugnayan–ugnayan ng ina at anak, halimbawa–isang kahindik-hindik na realisasyon ang malamang hindi mo pala alam ang pagkaliit-liit na bagay tulad ng paboritong pagkain ng anak mo.

Dumadaan din ang dula sa mga usapang sexualidad.  Nakapagsulat na ako tungkol sa sariling mga engkwentro at imbestigasyon tungkol sa ganitong paksa, na hindi ko na muna gustong ulitin pero kung matiyaga ang nagbabasa nito’y madali lang naman hanapin sa loob ng Website at sa Google.  Ang ibang mga naisulat, itinago na, tinabunan dahil hindi lang sa akin umiikot ang istorya.  Kumplikadong halimaw naman talaga ang pagtatangkang unawain at ipaunawa ang sarili sa usapin ng sexualidad at pakikipag-ugnay lalo’t natatabunan na ng dimensyon ng pera, pagiging normal, pagiging maayos.  Pero kaya kong ibahagi na noong ako ang nakasalang sa harap ng pamilya kaugnay ng usapin sa sexualidad, maraming masakit na kuwento pero lumulutang ang pakikipag-usap ko sa aking nanay.  Natatandaan ko, sinabi niya, “bakit hindi mo sinabi kaagad, sana hindi ka na nahirapan.”  Hindi ako pinansin ng tatay ko pagkatapos ng nasabing insidente, pero bago siya manahimik ay niyakap niya ako nang mahigpit.  Lumipas ang mga buwan o taon, parang panaginip na lang ang nangyari, at may mga kuwento akong pinipiling hindi ikuwento hindi na dahil para sa akin, mas madalas ay para na lang din sa kanila.  Sabi nga ng cast member naming si Eunice Rodriguez, marami-raming tinamaan at naka-relate.

Maraming gustong gawin at sabihin at problemahin ang dula, kaya nga siguro isa sa ikinalungkot ko ay ang hindi makadalo sa mga rehearsal o reading.  Natapat sa krisis pang-ekonomiya.  Unang nood ko noong opening, at tingin ko’y kung may mga naging di-pagkakaintindihan sa intensyon ko at sa interpretasyon ng creative team namin, malaking dahilan noon ang pagiging absent ko sa kanilang paghahanda.  Kasuwerte-suwerte ko naman na nasakto ako sa mga taong napakapropesyunal kausap.  Pagkatapos ng unang pagtatanghal sa SM Aura, nakita ko ang cast members na sina King Salamat at Joe-Nel  Garcia sa likod ng Samsung Hall.  Ang unang tanong nila ay “kamusta po?”  Ganoon din ang tanong ng direktor namin at ng isa pang bahagi ng cast na si Dolly de Leon, kung may notes ba raw ako.  Noong una, kinakabahan pa din akong magbigay ng mga rekomendasyon dahil sa pagkahuli ko.  Pero sinikap ko pa ring ipaliwanag ang mga punto na tingin ko ay pwede naming mapagkasunduan.  Hanggang sa ngayon, pag binabalikan ko ang karanasan, kinikilig ako na humahanga na kahit maiksing dula lang ito na bahagi ng marami pang dula, ramdam na ramdam kong isang malaking produksyon ang turing dito ng mga nakasama ko sa proyekto.  Napa-thank you din ako sa BPI dahil kahit 89 pesos lang ang laman ng bangko noon ay nakautang ako ng pambili ng ticket.

Hindi ako nakanood noong kasunod na araw.  Nagtitipid.  Nakatanggap na lang ako ng Facebook notification kinagabihan ng Sabado at nakita ang larawan ng Team Pancit Canton (ang tawag sa grupo namin) na nanalo ng Best Play sa gabing iyon.  Kinabukasan, sponsor ko naman ang kaibigang si Tanya sa panonood.  Compli ticket ang pambawi ko sa kanya para sa pagsama at pagpapakain sa akin bago at noong matapos ang pagtatanghal.  Sa pangatlong araw ko rin napanood ang dula na naipasok na ang mga mungkahing pagbabago.  Sabi ko sa kanila, kahit ako ay kinilig at naiyak kasama ng audience noong napanood ko ang palabas.  Parang nagkaroon ng panibagong buhay ang istorya, yung buhay na lampas na sa kung ano ang orihinal nakaplano sa sulat at lampas na rin sa pagganap ng mga artista kahit sa kanila rin nag-ugat ang pagsasalaysay.  Naalala ko ang naisulat ng isang kakilala sa Facebook, isang mananayaw, na tungkol sa pagkakaroon ng magic kapag ang intensyon mo ay hindi ang mangkabog o manalo sa contest, kundi ang maglahad ng kuwento.  Kaya rin naging masaya kami na umabot kami sa finale, dahil ibig sabihin nito’y may dagdag na dalawang araw kami para ikuwento sina Nelson at ang nanay niya.

Marami akong maaalala mula sa karanasan, pero namamayani ang saya na dulot ng pagiging bahagi mula ng isang produksyong pang-entablado.  Halos isa’t kalahating taon ang dumaan bago ako maging bahagi muli ng isang palabas, at bukod dito’y hindi adaptasyon o salin ang naisulat kundi isang orihinal na materyal.  Namiss ko ang proseso.  Humanga ako sa dedikasyon ng mga taong kasama sa paglalakbay.  Natutuwa ako na may mga nakilala ako na mga taong dati ay nililitratuhan at pinapanood ko lang din.  Napapahalagahan ko na hindi nagpatinag ang direktor namin sa lahat ng nerbyos at stress na kaakibat ng proyekto.    Nagpapasalamat ako sa lahat ng mga nakapunta at sumuporta, sa mga kasabay sa festival na mga bago at dati nang nakakasalubong at nakakangitian, sa lahat ng nagdasal para maitawid nang maayos ang nais naming itawid, sa lahat ng nagpaabot ng mensahe ng pagbati.  Sa ngayon, medyo may lutang pa na pakiramdam, yung tipong pagkatapos nito, ano na?  Syempre, uusad sa iba pang mga gawain, ganoon naman lagi.  Pero kahit paano, magaan sa pakiramdam.  Parang ang dating binubuhat at kumakalmot sa mga balikat ko ay naibaba na, naibaba at naibahagi.  Hindi siya nawawala, pero hindi na siya halimaw na kailangang pasanin.  Sa ngayon, isa siyang buhay na nilalang na hindi halimaw ang turing.  Isa itong masayang pagwawakas, isa rin itong pagpapalaya, isang mainam na pagsisimula.

***

Bago ang pictures, salamat uli sa Team Pancit Canton–Direk John Mark Yap, Eunice Rodriguez, Pierre Reniva, Dolly De Leon, King Salamat, Sky Abundo, Joe-Nel Garcia, Dentrix Ponce/ Walden Villacorta.  Salamat din kay Kessica Bersamin na kumuha ng mga larawan para sa posters ng dula.  Sa lahat ng nanood at naging bahagi ng dulang ito, maraming salamat!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.